Fix You (Chapter 10)

fix-youHalos mag-a-alas dose na rin ng tanghali bago kami nakarating ng Pundaquit. Dito kami kikitain ng mga bangkero na maghahatid naman sa’min sa isla ng Anawangin. Maaga pa sana kami kanina kun’di lang nasiraan yung isang van na nauna sa’min. Nag-stay na lang kami sa gasoline station (sa loob ng SBMA) at nag-almusal habang naghihintay. May halos isang oras din kami nag-stay bago bumiyahe pa-Zambales. 

Nakatulugan ko din ang byahe pag-exit namin sa San Fernando. Wala talagang kibo si Red, matibay talaga. Hinayaan ko na lang din siya magmuni-muni habang naka-salpak ang headset. At dahil walang ibang gagawin sa byahe, pinilit ko na lang umidlip. Nagising ako ng maramdaman kong bumagal ang biyahe namin. Dun ko na nalaman na nasiraan nga yung mga kasama namin kaya napilitan kaming mag-stop over muna. Hindi naman ako kumain. Namili lang ako ng mineral water tsaka nag-CR. Ayun, inubos namin ang oras sa tsikahan.

Nakaiintriga pa kanina, nung inabutan ng mineral water at pagkain si Red ni Ms. Donna. Akala namin kung ano na. Nag-iisa kasing nagyoyosi si Red malapit sa CR ng lumapit si Ms. Donna sa kanya. Ayun nga, inabutan ng pagkain. Tapos usap-usap sila saglit. Kunwari nagkukuwentuhan kaming apat pero maya’t maya din ang tingin namin sa kanila. Natawa pa kami kay Mikai, bibili daw siya ng apat na hotdog sandwich at isang litrong mineral water para kay Red. Nainis daw siya kasi natalbugan siya. Laugh trip talaga.

May halos fifteen minutes na kami naka-park dito sa Pundaquit pero hindi pa rin dumadating yung mga bangkero. Sabi naman ni Ms. Donna, parating na daw. Naabutan daw kasi kami ng tanghalian kaya baka kumakain pa. Buti pa yung mga bangkero, nakapag-lunch na. Ngayon ko na naramdaman yung gutom ko. Dapat talaga bumili na ko kanina kahit chitchiria. Nahiya naman ako manghingi kila Mikai. Sisihin pa nila ako ba’t di ako kumain kanina.

Napaisip tuloy ako kung ano lunch namin mamaya. Hay, sana merong ihaw-ihaw. O kaya mangga. Tapos isda. Sarap!

Badtrip, gutom na ko.

Nagpi-picture-picture muna sila habang nagpapatay ng oras. Nagu-usap naman yung visor namin pati si TL. Si Red, naiwan sa van. Kami naman nila Mikai naglakad-lakad. Malapit na rin pala kami sa tabing-dagat. Ang tahimik. Hindi gaano matao. Sabagay hindi kasi peak season. Kung summer ngayon, malamang marami din nakatambay dito.

At sa wakas, nakakita ako ng tindahan. Ayos, makakabili na rin ako ng pagkain.

“Oy, anong eksena mo bakla? San ka pupunta?” tanong ni Mikai sa’ken pagka-alis ko sa tabi nila. Nakapamewang at nakataas pa ang isang kilay na para bang donya na iniwan saglit ng katulong.

“Bibili lang ako ng pagkain. Gutom na ko e.”

“Loka ka, ba’t di ka kasi kumain kanina?”

“Di pa naman ako gutom. Ngayon pa lang.”

“Whatever. Tanong mo kung may softdrinks.”

“Oo nga. Libre mo kami.” Dagdag pa ni Daph.

Naloko na. Napa-libre pa ng wala sa oras.

Isang balot ng hopia-ng baboy at isang malaking Mountain Dew ang binili ko. Hihingi sana ako ng extra-ng plastic at straw pero may bayad pala. Piso ang isang pares ng plastic at straw. No choice, wala naman kaming baso kaya bumili na rin ako.

Buti na lang maaraw dito sa Zambales. Akala ko magiging KJ ang ulan. Kung magkataon e hindi ko na alam kung paano ise-celebrate ang birthday ni Ms. Donna. Sayang pa naman yung shades at attire niya. Ready-ng ready na mag-swimming. Balita ko si Mikai magtu-two piece din ata. Ewan ko lang kung totoo yun o joke-joke lang.

Dumating na rin ang mga bangkero kaya mabilis naming kinuha ang mga bagahe namin sa van. Humingi naman ng pasensya si kuyang bangkero kay Ms. Donna na medyo mainit na din ang ulo. Gutom na din ata. Lumakad na rin kami papuntang tabing-dagat makalipas ang ilang minutong paliwanagan at negosasyon.

Anim na bangka din ang magdadala sa’min sa Anawangin. Ganun pa rin ang seat plan, magkakasama ang magkakagrupo. At as usual, magkatabi na naman kami sa pwesto ni Red. Pareho kaming nasa duluhang pwesto. Medyo napatitig pa nga ako sa kanya kasi naka-shades na siya ngayon. Bagay na bagay sa kanya. Bad boy na bad boy ang dating.

Maganda ang view papuntang Anawangin kahit tirik ang araw sa tanghali. Blue na blue ang dagat na aakalain mong mababaw lang sa sobrang linaw ng tubig. Kitang-kita ang mga coral reefs. Nakakatakot lang kasi medyo maalon lalo pa nung nasa kalagitnaan na kami. Mahigpit na nga yung pagkakahawak ko sa kahoy na poste ng bangka. Nasa duluhan pa man din ako kaya feel na feel ko yung alon. Yung batang lalakeng kasama namin (anak ata ni kuyang bangkero), parang wala lang sa kanya yung alon. Nakukuha niya pang maglakad-lakad patawid sa mga katig. Sabagay, sanay na siya.

May kalahating oras din ang biyahe namin bago kami nakarating ng Anawangin. Madami na din palang tao, kala ko kami-kami lang din. Matapos maipuwesto ng maayos ang bangka malapit sa buhanginan, isa-isa na rin kami nagbabaan. Inalalayan naman kami ni kuyang bangkero pababa. Inuna muna yung mga bagahe. Naunang bumaba sa’ken si Red. Saktong may hawak na bagahe si kuyang bangkero, walang aalalay sa’ken. Nakakatakot pa man din yung dulas ng hagdan kaya parang mawawalan pa ko ng balance. Muntik-muntik na kong mahulog kun’di lang ako biglang nahawakan ni Red.

“Salamat…” nang maitapak ko na sa buhanginan ang mga paa ko. As usual, parang wala siyang narinig. Nine-nerbyos pa din ako. Muntik-muntikan na talaga.

“Oy oy oy, nakita namin yung eksena niyo a! Kairita! Sinabi ba ni direk yun?” salubong sa’ken ni Mikai. Natatawa naman sila Daph at Thea sa’ken.

“E malalaglag na ko e. Buti nga andun siya e.” katwiran ko. Totoo naman. Malay ko namang sasaluhin niya ko? Kasalanan ni kuyang bangkero to, di niya kasi nakita na pababa na ko!

“Ambisyosa ka. Eksena namin yun e. Mang-aagaw ka!” sabay kunwang sinasampal niya ko at sinasabunutan. Natawa na rin ako kahit medyo nanginginig pa yung tuhod ko.

“Tara na nga…” yaya ni Thea sa’min pero mabilis kaming pinigilan ni Mikai.

“Picture-picture muna mga bakla. Sayang ang moment. Wala pa tayong picture apat.”

Nag-compress kaming apat habang inaangat ni Mikai ang digicam na nakakabit sa monopod. Nakailang kuha muna kami bago kami lumakad papunta sa mga kasama namin. Saglit kong hinanap-hanap si Red. Andun pa rin siya nakatayo malapit sa bangka namin. Kausap yung bangkero.

Ano kayang pinag-uusapan nila?

Sa dami ng pwedeng kausapin, akalain ko bang si kuyang bangkero lang pala ang makakapagsalita sa kanya? Weird.

Ngayon napatunayan ko ng marunong din pala siya makipag-communicate sa ibang tao. Sa office nga lang talaga siya supla-suplado. Pero sabagay, may pinanghuhugutan naman si Red kung bakit napapanisan na siya ng laway kakatahimik. Ang tanong, hanggang kelan siya ganyan?

Nasa bandang gitna ng mapunong lugar ang puwesto namin. In-occupy namin ang pitong mesa na magkakatabing nakapuwesto sa buhanginan.  Malapit din kami sa poso, doon din ata yung hugasan ng mga pinagkainan. Ilang metro lang din ang layo ng CR na may apat na pinto sa pwesto namin. Hindi gaanong kagandahan pero pwede na, lalo pa’t nasa gitna kami ng isla. Hindi pwede maging choosy. Iniisip ko lang kung ano ang ilaw sa gabi. Balita ko kasi walang kuryente dito. Pagka-check ko nga ng cellphone, wala ng signal. Buti nakapag-text na ko kanina bago kami sumakay ng bangka. Sa ngayon goodbye modern world muna. Bakasyon muna ang peg.

Matapos mailapag ang mga gamit, isa-isa ng tinayo ang mga tent. In-assist naman kami nila kuyang bangkero sa pagtatayo kaya wala pang kalahating oras e nakapwesto na ang mga tent namin. Dikit-dikit ang distansya, para kaming nasa evacuation center sa dami ng nakalatag na tent. Kanya-kanya na kami ng pwesto. Mabuti mabilis pumili si Mikai. Kinuha niya yung medyo malaki na kasya kaming apat. Doon na rin namin inilagay ang mga gamit namin. Magpapalit na sana ako ng damit kaso tinamad ako. Hindi na rin naman nagpalit ng damit mga kasama ko kaya makikiuso na rin ako.

“Guys, after fifteen minutes pa raw yung lunch so pwede muna kayo maggala-gala habang inaantay ma-prepare yung pagkain.” Sabi ni TL sa’min.

Fifteen minutes pa? Pambihira. Gutom na ko e. Parang hindi ako nabusog dun sa hopia kanina. Kanin talaga gusto ko.

Halos sabay-sabay kaming napa-wow ng hubarin na ni Thea ang manipis na jacket. Yung mga kagrupo naming mga lalake, speechless na din pagkakita sa kanya. Lumitaw na ang mayabang niyang suso sa suot na brownish na two piece. Hindi man nito hinubad ang short, pero sapat na ang hubog ng katawan niya para magyabang ng vital stats. Dagdag hotness pa sa porma niya ang shades na halos hindi na makita ang kilay niya sa laki. Babae ako, pero isa ako sa napa-wow at na-starstruck sa ganda niya. Nakakainggit. Nahiya ako bigla sa figure ko.

Nilingon ko si Red, aalamin ko kung ano ang reaction niya, pero wala siya kahit saan. Saan na naman kaya siya nagsuot?

“Hoooooy! Anong eksena yan???” si Mikai, pagkalabas niya ng tent. Initial reaction niya ng makita niya si Thea na kasalukuyang nagtatali ng buhok. “May bikini contest ba? Ha? Ha? Magdamit ka!” sabay takip nito ng shawl sa katawan ni Thea. Tawanan kami.

“Bakla ka nasa dagat tayo kayo wa-pakels sa outfit ko…” sabi ni Thea na natatawa na din. Halos hindi nito maitali ang buhok sa panggugulo ni Mikai.

“At ano ang gusto mong palabasin? Na ikaw lang ang diyosa dito?” sabay taas ng manggas at tuck-in ng t-shirt ni Mikai. Nag-posing na rin siyang parang candidate sa Miss Universe.

“Inangkin ko ba?” pormang nagtataray naman si Thea, pero pabiro naman.

“Wag mong sabihing mas malusog yang mga alaga mo. Pasalamat ka at hindi pa ko nagkaka-mens at hindi pa namamaga ang dede ko.” tawanan ulit. Laughtrip talaga mga banat ni bakla.

Inawat na ni Daph yun dalawa sa trip nila at niyaya kaming maglakad-lakad. Mainit ang buhangin pati ang singaw ng dagat. For sure maya-maya lang mangingitim na kami. At yun ang nakalimutan ko! Sunblock! Kainis!

Hindi pa rin maalis sa’ken ang mainggit sa itsura ni Thea. Walang mata ang hindi napapalingon sa kanya pag may nakakasalubong sa kanya. Si Thea naman, parang wala lang. Parang okey lang sa kanya na pagpantasyahan ang katawan niya. Deadma lang kahit pinuputakti ng mga manyak na mata ang katawan niya. Lalo pa siyang naging ‘hot’ ng magsimula na siyang pawisan. Parang gusto ko din hubarin ang t-shirt ko. Kaso nahihiya ako sa panloob ko. Mumurahin lang kasi. At isa pa, hindi rin naman ganun ka-healthy ang dede ko. Yung kay Thea, suso. Yung akin dede. Pang-high school yung laki.

 

Nakita namin si Red, kausap pa rin si kuyang bangkero. Pero nakasilong na sila dun sa may puno, malapit sa tindahan ng mga souvenir. Tatlo na sila magkakausap. Isa pang bangkero. Makikita sa facial expression nila ang seryosong pag-uusap. Ni hindi nga nila napansin ang pagdaan namin. Hindi rin sila natinag sa ka-sexy-han ni Thea.

“Kanina pa sila nag-uusap nila kuya. Buti naman at may nakakausap siya…” sabi ko pagkalampas namin kila Red.

“Ganyan talaga yan. Mas gusto niya kausap stranger. Sa office, kahit mga guard tino-tropa niyan.” Sabi ni Daph.

“Girl naalala mo yung kumain tayo sa KFC? Yung naubos yung oras niya kasi nagkwentuhan sila nung crew? Echusera yung lolo mo di ba?” sabi naman ni Mikai.

“Oo, yun yung time na mas kinausap pa niya yung crew kesa sa’ten.” Sagot ni Daph.

“Yung sa SM, remember? Yung katabi nating matanda dun sa food court?” si Thea.

“Ay oo bakla! Kakaiba yung moment na yun. Sa sobrang busy nila magkwentuhan e hindi na niya nakain yung pagkain niya.” natatawang reaction ni Mikai. “Ano nga kinain natin nun?”

“Takoyaki. First time natin kainin kasi paborito ng lolo mo. Wala tayong maisip na food trip nun kaya siya nag-aya kumain nun. In fairness masarap naman siya.” si Thea.

“Nanuod tayo ng movie nun di ba?”

“Oo, X-Men ata yun.”

“Oo nga, na-miss ko nga yung ganung moment. Lahat ata ng trip nyang kainin na-enjoy din natin.” Sabi ni Daph.

“Yung moment o si Red?” tanong ni Thea.

 

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.