Father’s Day Mula Sa Isang Ulila

Pinanood ko ulit yung Taken 1 and 2 ni Liam Neeson. Natutuwa ako sa pelikulang iyon. Ang talino ng concept ng sequence at talaga namang mapapaisip ka kung paano nila malulusutan ‘yung kinahaharap nilang problema.

Pagkatapos kong manood, naalala ko si Papa. Halos parehas sila ng trabaho ni Liam Neeson sa pelikula. Higit pa roon, mas nakarelate ako sa bahagi na gustong-gustong makasama ng bida ‘yung pamilya niya ngunit kailangang magsakripisyo para sa nature ng trabaho niya.

Ang sakit. Siguro ganun din ang nararamdaman ni Papa noong nabubuhay pa siya.

Natatandaan ko noon, tumatakas siya sa kampo nila para lang makita kami kahit na isang araw lang o kaya kahit ilang oras lang. Hindi ko pa naiintindihan ang mga ganyang bagay noon dahil isa pa lamang akong paslit. Ang alam ko lang noon eh nasasabik ako na makita si Papa. Lagi akong nag-aabang sa mga sasakyan na daraan kung hihinto ba ito sa tapat namin. Lagi kong hinihintay ‘yung araw na sisigaw ulit ako ng “Papa! Papa! Nandito na si Papa!”  sabay halik sa kanyang pisngi.

Kapag nandito pa si Papa, siguro protective din siya kagaya ng bida sa pelikulang nabanggit ko kanina. Hindi man kasing talino at kasing eksperto ni Liam, sigurado, sa sarili niyang paraan ay poprotektahan niya kaming mga anak niya laban sa masasama. Sa totoo lang naiinggit ako sa mga kaibigan ko at kahit na sa mga nakasasalubong ko lang na mag-ama na nagbibiruan o magkasamang namimili sa mall. Kahit sa mga kakilala ko na nagrereklamo na napakahigpit ng mga tatay nila.

At least, sila, may tatay sila na andiyan lang. Concerned at ginagabayan sila.

Eh ako? Pangarap ko na lang na makasama ulit si Papa. Sa panalangin ko na lang siya mababati ng Happy Father’s Day. Hindi ko nga siya makasama sa mga espesyal na araw gaya ng Pasko o kaarawan man lang. Sino sila para magreklamo na istrikto ang mga tatay nila? Samantalang ako… kaming mga ulila sa ama ay umaasam na sana may tatay din kaming gagabay at magtatanggol sa amin.

Miss na miss ko na si Papa. Mahigit isang dekada na siyang wala ngunit hindi pa rin naampat ang mga luha ko kapag naaalala ko siya. Kapag napag-uusapan siya hindi ko maiwasang hindi umiyak. Parang kahapon lang nangyari ang lahat.  Hindi pa rin ako maka-move on sa pagkawala niya. Hirap na hirap ako na tanggapin na kinuha na siya sa amin.

Ang unfair dahil kung tutuusin hindi ko pa siya nakasama nang matagal. At ang pinakamasaklap? Dumating siya sa araw na itinakda niya. Ngunit nakahimlay na siya sa isang kahon na nagsisimbolo ng katapusan at walang hanggang pagdurusa.

Father’s Day na ulit.

Aaminin kong naging desperado akong makipag-bargain sa Diyos noon na sana ipahiram ka muna niya sa amin kahit isang oras lang. Ang sakit-sakit na kasing isipin… Ang hirap tanggapin hanggang nagyon. Sabi nila nakapaghihilom ng sugat ang panahon. Sabi nila makamo-move on din ako, pero bakit parang hindi? Parang ang sakit na naramdaman ko noon ay ganoon pa rin hanggang ngayon. Bakit kasi kailangang kunin siya nang napakaaga?

Hanggang ganito na lang siguro kita makakausap. Sulat. Panalangin. Katahimikan.

Alam ko namang hindi ka na babalik pero ‘di ko maiwasang hindi umasa na sana narito ka lang. Na panaginip lang ang lahat. Na hindi ikaw iyong laman ng malaking itim na kahon. Na sana dumating ka ulit at bigyan ng buhay ang bawat ngiti namin. Na sana muling makita ko kayong magkahawak-kamay ni Mama.

Si Mama na ang nagtaguyod sa amin mula noong nawala ka. Siya na ang tumayong ina at ama. Napakahirap ng pinagdaanan niya para mapalaki kami nang maayos. Alam ko na kung gaano kahirap sa akin ang pagkawala mo; hindi matutumbasan ang pighati na naramdaman niya at nararamdaman niya hanggang ngayon.

Happy Father’s Day, Papa. Alam ko na hindi ka na babalik, pero miss na miss na talaga kita.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!