EXTRA-ng HERO!

Ako ang klase ng tao na mahilig sa trailer ng pelikula. Minsan nga kahit di ko na mapanood ang buong pelikula, makita ko lang ang trailer masaya na ako. ‘Pag may mga kaibigan ako na nagtatanong kung maganda nga ba ang pelikula na ‘yun- sasabihin ko- OO, maganda ang trailer! Kaya siguro minsan, nabubuwiset na sila sa akin kaya di na sila ulit nagtatanong pa.

Eh, ano naman ang magagawa ko kung trailer lang ang napanood ko. Ako na ata kasi ang pinakatamad na tao sa mundo kung panonood ng pelikula ang usapan. Matutulog na lang ako o kaya’y magfeFacebook.

Sa kahiligan ko sa trailer ng pelikula minsan ay nahagip ng mouse ko sa computer ang “Six degrees of separation from Lilia Cuntapay”. ‘Di ko sana panonoorin kasi parang wala lang at English ang title. ‘Di naman kasi ako mahilig sa mga pelikulang “Hollywood” tulad ng iba na parang ginagawang batayan ang panonood nila ng pelikulang ingles sa pagiging matalino at may alam. Ngunit may kung anong magneto ang humikayat sa akin para panoorin ko ang trailer. Di kilala ang artista. Pero may isang pamilyar ang mukha. Siya pala si Lilia Cuntapay.

Lilia Cuntapay?

Sino nga ba si Lilia Cuntapay? Sa totoo lang hindi ko rin siya kilala- maaaring sa mukha pero hindi sa pangalan. Ilang beses ko na bang nakita ang pagmumukha niya? Siya nga! Siya yung laging gumaganap na aswang sa pelikulang Shake Rattle and Roll o kaya’y manananggal o kaya’y mangkukulam. Isa siya sa mga artista na dinadaanan lang ng camera- sa madaling salita, EXTRA.

Ngunit sa trailer na pinanood ko, ‘di siya extra kundi bilang isang bida. ‘Di ko alam, naantig lang ang puso ko at ngayon ko lang naisip na Bakit ngayon lang? Kung tutuusin isa si Lilia Cuntapay sa mga artistang may karakter. Ngunit di ko naman masisisi kung bakit naging mailap sa kanya ang kasikatan. Dahil nasa mundo siya na ang tanging batayan ay kagandahan at sa mundo ng pasikatan, walang puwang ang isang katulad niya.

Maaaring wala siyang karisma at alindog tulad ni Anne Curtis at Christine Reyes. Wala siyang makinis na balat tulad ng kay Lucy Torres at Gretchen Barreto. Hindi niya maaaring abutin ang isang bilyong piso na talent fee tulad ng kay Sharon Cuneta, ngunit maaaring kasing halaga ng isang bilyon ang kanyang pagmamahal sa industriya kaya naman kahit mga cameo role at kung anu-ano na lang ay ginagawa niya hindi para sa kanyang sarili kundi para mapaganda ang pelikula na kabilang siya.

Aminin natin- hindi magiging Horror ang isang movie na wala ang isang Lilia Cuntapay.

Nais ko sanang makita ang isang Lilia Cuntapay sa kanyang naiibang pagganap bilang isang bida at hindi bilang isang aswang, isang mangkukulam o isang manananggal. Nais ko sanang makita ang kalibre ni Lilia bilang isang artista na pinanday na ng panahon kaso hanggang trailer lang ako.

P.S. Kahit hindi ko mapanood ang pelikula mo- nais kong sabihin sa ‘yo na FAN mo na ako. Kahit trailer lang ang napanood ko, masasabi kong karapat-dapat kang bigyan ng parangal bilang isa sa mga pinakamahusay na aktres sa anumang karakter na iyong ginagampanan.

Saludo ako sayo Lilia Cuntapay!

Pa autograph naman kung sakaling magkita tayo.

Enhanced by Zemanta
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!