Elya

Image by Pinterest

 

“Sino siya?” Napatanong na rin ang kaibigan niyang matagal nang hindi nagbabayad ng utang sa kanya, mag-aapat na buwan na at apat na buwan na ring nakalagay sa status niya na in relationship siya kay Elya.

“Tignan mo kasi ang profile pic niya p’re”, sabi niya. “Wala naman, quotes lang at infinity symbol,” tugon ng kaibigan niyang may dalawang libong pisong utang sa kanya.

Random add, click lang nang click sa add friend ang ginawa niya nang minsan ay may nagconfirm sa request niya at agad may nagpadala sa kanya ng pm.

Elya ang pangalan. Walang apelyido. Elya lang. Emoji, nakangiti. 🙂sumagot siya ng emoji rin nakakunot ang noo.

“Ikaw ba si Federico Manuel?” Pm sent. “Oo ako nga”, tugon niya. “Ako eto, si Cecille Santos, kaklase mo noong third year hi skul saka ko natransfer sa ibang skul. Maalala mo pa ako?” sabi niya.

“Wow!” oo naman. Kumusta ka na, nag-asawa ka na ba? Ilan na anak mo, nasa abroad ka ba? Saan ka na nakatira ngayon?” mga ratsadang tanong niya kay Elya.

At dun nag-umpisa ang muling pag-uusap nila hanggang sa naging sila na.

“Tindi mo, pre, malapit ka nang mawala sa 6/42 na lotto ngayon ka lang uli nainlab, s’an ka pa? Dapat bilisan mo na at nang mapakasalan mo na siya. Anakan mo agad kasi di magiging malayo, ‘yang nakaimbak sa pagitan ng hita mo, fossils na, hahaha!” pang-aasar na sabi ng kaibigan niyang hiniwalayan ng asawa dahil sa pagiging alcoholic.

“Kuwento mo naman sa kin si Elya oh, sino ba siya sa buhay mo?” dagdag na tanong ng kaibigan niyang hindi lang alcoholic kundi umamin sa kanyang isa siyang silahis.

” Si Elya kasi ganito ‘yun, malapit ang loob ko sa kanya nun, ako ‘yung nauna niyang nakilala sa skul kasi bagong lipat lang siya. Tapos nung may pa audition ng dance troupe, sumali siya. Grabe pre, ang galing niyang sumayaw, parang si Anjanette Abayari at Charlene Gonzales kung sumayaw. Nag-audition din ako nun, syempre nakuha ako kasi magaling akong tumambling at magsirko, kalas pa ang mga buto buto ko nun,” sabi niya sa kaibigan niyang mahilig pala sa gwapo.

“Oh tapos?” dugtong ng kaibigan niyang hindi pinalad magkaanak.

“Tapos, ayun, naging magpartner kami sa mga sayaw, at yung pinaka da best na sayaw namin ‘yung interpretative dance ng Ang huling El Bimbo, isa sa mga paborito kong kanta ng Eraserheads ‘yun, pre, napakaespesyal ng kantang ‘yun sa akin kasi ‘yun’ yung huling sayaw na kasama ko siya, pinalabas namin sa graduation program ng mga seniors namin”, kuwento niya sa kaibigan niyang hindi niya mahindiang pautangin.

“Anong nangyari?”

“Pre, lumipat na siya ng skul nun, hindi ko na alam, tapos eto nga ngayon, muling nagkrus ang landas namin sa fb. Shift! Ansaya, ‘di ba, biruin mo ‘yun, kaya siguro lagi akong basted hanggang ngayon kasi may isang tao talagang naghihintay para sa atin, ‘yung taong ‘yun na handa kang mahalin anuman ang kaanyuan at katauhan mo sa buhay, ‘yung taong akala mo hindi mo na matatagpuan ngunit nandiyan lang pala naghihintay ng pagkakataon, ‘yung taong naghihintay rin sa sangandaan ng tadhana para hagilapin ang makakasama sa paglalakad, paglalakbay para tuparin ang mga pinapangarap mo sa buhay,” masaya niyang banggit sa kaibigan niyang nakatulalang nakatitig sa kanya.

“Ikaw na, pre,, ikaw na, wala na akong masasabi, wish ko lang sana magkita na kayo at ‘wag na ‘wag mo na siyang pakakawalan pa,” sabi ng kaibigan niyang sumeryoso bigla.

“Oo, pre, next month magkikita na kami, sure na,” panigurado niya sa kaibigan niyang nag-iiba ang pangalan sa gabi.

“Pre, favor naman oh, minsan lang?”

“Ano yun?”

“Pautang uli ng limandaan”…..

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!