Elementary Days: Ano’ng Naaalala Mo?

School Kids (Photo Credit: newsimadeup.blogspot)
School Kids (Photo Credit: newsimadeup.blogspot)
School Kids (Photo Credit: newsimadeup.blogspot)

Maliban sa pagbubutones ng iyong uniporme hanggang sa pagsusuot ng medyas at makintab na sapatos. Maliban sa bagong bag, notebook, lapis, at pambura na amoy chewing gum (na minsan pa ay natukso kang kagatin), ano pa nga ba ang mga bagay na naaalala mo noon sa elementarya?

Naaalala mo pa ba ang mga makukulay na ipit, na kung saan tuwang tuwa ang nanay mo na paghaluhaluin sa mahaba mong buhok? Habang sinasabing, “Ayan, kamukha mo na si Jolina” o kaya eh, “Ayan mukha ka nang Barbie.” Kung lalaki ka naman, lahat na yata ng usong hairstyle nasubukan mo. Mula sa pagiging clean-cut, katcho, backstreetboys, bagong gising o yung parang nakuryente hairstyle  lang. Sabi pa nga nila eh, patay ang butiki kapag nahulog.

Eh sa eskuwelahan na pinapasukan mo? Naaalala mo pa ba kung papaano ka nagmamadali para lang makahabol sa flag ceremony? Malas mo lang kung huli ka talaga, dahil hahanapin mo yung mga kaklase mo sa napakaraming pila ng mga estudyanteng magkakamukha. Lalo na kung tatak public school kang tulad ko, sa dami ng estudyante, good luck sa ‘yo.

Pamilyar pa ba sa iyo yung hagdanan na mula Lunes hanggang Biyernes mong inaakyat? Na kung aksidente kang mapahawak sa handrails at sa 4th floor pa ang room ninyo, congratulations! May libre ka nang tetano.

Eh kamusta naman ang mga Janitor? Naaalala mo pa ba? Paano nga ba namang hindi eh, sa isang napakalaking eskuwelahan tatlo lang sila. Yun nga lang dahil nga kakaunti, kahit banyo eh, hindi na masyadong malinisan. Kaya goodluck ulit sa iyo kung isa kang huwaran at masipag na estudyante, ihanda mo na yang floorwax, basahan, at bunot mo. Dahil maya-maya lang sisigaw na naman si Ma’am:

Group 1 – Linisin ang banyo! Group 2 – Sa corridor! Group 3 – Dito sa loob! (and so on, and so forth)”.

Kung tamad ka, yari ka kung sa first period yan pinagawa. Pero kung sa uwian, may pag-asa ka pa.

Goodbye teeeacheer, goodbye klasmeytsss. See you tomorrow.” *sabay lipad*

Eh ang iba’t ibang teacher na nakasalamuha mo na iba’t iba rin ang ugali? Nandiyan si Ma’am Science na feeling ko eh sobrang talino at sobrang metikolosa. Nandiyan si Ma’am Math na (ewan kung dahil sa subject na tinuturo) hindi ko talaga maging ka-close. Pakiramdam ko kasi ang sungit at lagi akong pinag-iinitan. Kapag ako na kasi ang tinatawag, “Huh? Napag-aralan ba namin ‘to?.”  Nandiyan si Sir MAPEH na Physical Education lang yata ang alam ituro. Kapag oras na ng Music at Arts eh “Get your notebook, please copy” sabay bukas sa isang buong manila paper niya, saka uubusin ang oras kauupo.

Eh ang love life mo noong elementarya, kumusta? Mas makulay pa ba sa sinabawang gulay? Isa ka rin ba sa mga masuwerteng nilalang na nakaranas kiligin dahil pinansin ka na naman ni crush? Yung tipong lahat ng mahahawakang gamit mo eh  hindi mo na palalabhan. Itatago lahat ng “remembrance” sa iyong kuwaderno. Kuwardernong puno ng pangalan niya at pangalan mong suki ng “FLAMES”. Isa ka rin ba sa mga nagtangkang isulat ang pangalan niya sa slam book na pinagpuyatan gawin ng classmate mo?

Q: Who is your crush?

A: _ _ _ _ _ _ _ _

Gusto mo pa ng thrill? Eh alam na naman yata iyan ng buong eskuwelahan. Magugulat ka nalang na pinagpipiyestahan ng mga tsismosa mong kaklase, at parang crossword puzzle na sinasagutan.

Yung mga acronym (credit sa kung sino mang henyong naka-isip ng mga iyon) na kung saan-saan mo nakikita. Meron sa notebook mo, sa notebook ng katabi mo, sa notebook ng lahat ng kaklase mo.

J – Just

A – Always

P – Pray

A – At

N – Night

I – I

T – Trust

A – And

L – Love

Y – You

Eh yung sikat at walang kamatayang 7B’s? Remember?

Book Before Boys Because Boys Bring Babies.

Henyo talaga, hindi ba? Bigyan ng jacket!

Eh yung krimen na talamak saan mang bahagi ng inyong eskuwelahan? Tama, vandalism. Sa mga pader, sa mga desk, pati yata sa bark ng mga puno eh.

 WANTED: TEXTMATE 09xxxxxxxxx (urgent)

1.a 2.b 3.c 4.d …

Lisa love Diego #18

PUSH BUTTON TO EJECT TEACHER

Eh sa pintuan ng C.R. ninyong diary at mistulang “comic relief” ng lahat, nakapagbasa ka na ba?

Speaking of C.R. mawawala ba ang mga kuwento ng kababalaghan diyan? Mga kuwento ng kaklase mong ipinasa pa mula sa kanila ng kanilang mga ninuno? Si ate na nakabitin sa taas, yung batang gabi-gabi kung umiiyak, yung multong gala na kung saan saang room nakikita. Yung multo ng chalk, multo ng blackboard, multo ng eraser, multo ng pencil case, nakita mo na? Halos daigin na ang raitings ng Okatokat sa sobrang dami ng tagasubaybay. Isama mo pa, yung “dating-sementeryo-ang-eskuwelahan-natin” issue, na kahit saang eskuwelahan na yata ako mapunta eh hindi mawala-wala. Naisip ko tuloy, buong lupain ng Pilipinas naging sementeryo yata.

FAVORITE SUBJECT: Recess

Sino ba naman ang hindi sasagot ng ganiyan? Eh iyan lang ang oras na makikipagkulitan ka na naman sa katabi mo. Oras na magkakalaman ang nanlalamig na sikmura.

Kung may kaya ka, ito na yung oras para buksan na ang egg sandwich na ma-ingat na ibinalot ng mommy mo, at inumin ang walang kasing tamis na orange juice na tinimpla para lang sa iyo (hindi ka kasi nagpapa-inom). Kung walang baon, bili ka na lang ng lutong sopas na nakalagay sa mamantikang plastic cup (with matching hair strand and make-up). Mamili sa tray na may iba’t ibang klaseng chichiria, kendi, at kakanin. Ihanda mo na rin yung piso mo kasi pagkatapos ng recess, may announcement:

“Kulang /Nawawala yung benta!”. Ayan, pang-abono.

Yung mga kalokohan mo dati, naaalala mo pa? Isa ka ba sa gang na nagdidikit ng kung anu-ano sa likod ng classmates mo?

“Pangit ako”

“Sipain ninyo ako”

“Crush ko si (insert name here)”

Isa ka ba sa mga taong tuwang tuwa na kapag nangalabit na sa kaklase, sabay talikod? Eh sa mga nantitisod sa kanila para madapa? Suki ka ba ng guidance office? Sikat ba magulang mo?

Noisy, Hindi na po ako mag-iingay, Isusumbong kita sa mama ko, dedbaydedbay (divided by). Isa lang yan sa mga salita na naging tatak na ng ating buhay elementarya, buhay ng pagiging isang bata.

Minsan masarap lang balikan, o bumisita muli sa mga alaala ng dating eskuwelahan at buhay mo. Mas masarap pang balikan kaysa sa MISSION, VISION, and GOAL na kahit kailan hindi mo naman nakabisado.

About anne

Isang taong sa pagsusulat lamang naibabaling ang hindi lubusang masabi ng bibig. Seryoso ngunit madalas ay bata-isip. Hindi nag-aral ng pormal sa pagsusulat, hinahayaang ang puso at isip ang magtakda ng bawat titik.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!