Edsa Tayo ???

Photo credit: untvweb.com

Isang malaking palaisipan sa akin ang Edsa Tayo na isinusulong ng ilang indibidwal bilang offshoot ng Million People March sa Luneta noong August 26, Araw ng mga Bayani.

Bagama’t malinaw at pauli-ulit nilang ipinahahayag na ang layunin nito ay walang pagkakaiba sa #MillionPeopleMarch – ang pagsusulong sa tuluyang pag-abolish ng pork barrel, hindi maiwasang mabalot ito ng hiwaga, kontrobersiya at mga tanong.

Unang-una ay ang napiling petsa – September 11, na hindi naman lingid sa karamihan ay ang kaarawan ng namayapang diktador at dating presidente na si Ferdinand Marcos. Ano ba ang kaugnayan ng petsang ito sa nagsusulong ng Edsa Tayo?

Wala naman daw ayon kay Junep Ocampo, ang tumatayong organizer ng pagtitipon-slash-prayer vigil. Kung ganun, bakit naman sa isang weekday pa itinaon na alam naman natin kung gaano katrapik sa Edsa sa mga ordinaryong araw? Kung tutuusin pwede naman siyang i-move sa ibang araw tulad hailmbawa ng Sabado o Linggo para wag nang makadagdag pa sa kalbaryo ng mga karaniwang empleyado. Iyon eh kung talagang walang significance ang  nasabingpetsang pinili nila.

Pangalawa, ito ba ay talagang supling o kapatid ng Million People March? Kung nagkakahalintulad man sila ng layunin, bakit ang mga nagpasimuno noon ng pagtitipon sa Luneta tulad ni Peachy Bretana ay idinidistansiya ang kanilang mga sarili sa Edsa Tayo, at patuloy na itinatangging may kaugnayan sila dito.

Kapansin-pansin din ang pananahimik ng netizens at social media tungkol sa pagsusulong ng Edsa Tayo, malayong- malayo noon sa #MillionPeopleMarch kung saan nasaksihan ng karamihan ang kanilang aktibismo na siyang naging pangunahing daan upang kumalat na parang apoy sa internet ang nasabing protesta. Ngunit karamihan sa kanila ngayon ay hindi nagpahayag ng suporta dito, kung hindi man ay tuluyang pagbatikos sa tunay na layunin ng pagkilos.

Isa pang nakakaintrigang isyu na may kinalaman sa Edsa Tayo na nabasa ko mula sa column ni Conrado de Quiros (PDI)ay ang paghiling sa mga dadalo na magsuot ng pula, puti at asul (red, white and blue). Sa unang tingin, mauunawaan mo na ang nais nilang ipahayag ay simbolismo ng kulay ng ating sariling watawat. Pero para sa mga hindi nakakaalala, ang mga kulay ding ito ang kulay ng Kilusang Bagong Lipunan ni Marcos.

Coincidence? Marahil. Pero bakit hindi kasali ang DILAW, na siyang kulay ng araw at bituin sa ating bandila? Nakalimutan ba ang dilaw , sinadya o talagang allergic sila sa yellow?

Isang hiwaga din sa akin ang mga personalidad sa likod ng Edsa Tayo. Maliban kay Junep Ocampo na sinasabing may kaugnayan sa UNA, bagama’t mariing pinagtatanggol niya na walang kulay pulitika ang mangyayari sa September 11, ay walang masyadong kilalang tao na lumalabas para magpahayag ng suporta. Bagama’t napanood ko sa TV minsan ang  pagsang-ayon dito ng ilang artista tulad nina Nora Aunor, Kuh Ledesma at Si Jim Paredes ng APO, na kilalang aktibista  mula pa noong 1986 Edsa hanggang sa Million People March. Hindi kaya masorpresa na lang tayo na sa kabila ng pananahimik ng ilan ay lumabas ang tunay na mga tao sa likod nito? Iyan ay malalaman natin sa takdang araw.

Kung meron mang common denominator ang Edsa I, Million People March at Edsa Tayo, ito  ay ang suporta ng simbahan, partikular na ang CBCP , isang bagay na medyo nakapagpabawas ng aking paghihinala. Subalit, bagaman at nagpahayag ng pagsang-ayon ang CBCP sa layunin ng Edsa Tayo, ay itinanggi naman nitong sila ang may pasimuno.

Maaaring ito ay isang conspiracy theory lamang, ngunit ito lang ang aking masasabi.

Ang adhikain ng Million People March ay isang dalisay at hinihingi ng pagkakataon. Kung ang Edsa Tayo ay namamaybay din sa kahalintulad na direksiyon, dapat lang na suportahan ito ng mga tao bilang isang karugtong ng sinimulan natin sa Luneta.

Ngunit, kung ito ay isang panlilinlang para lamang maisulong ang personal na interes ng iilan, upang makapaghasik ng kalituhan sa karamihan o mailayo ang atensiyon sa kasalukuyang nangyayari, marapat lamang na mahubaran ng pagkukunwari ang mga taong ito. Isa itong malinaw na pagsasamantala sa kaganapan ngayon upang dayain ang tunay na hinahangad ng bayan – ang pagbabago.

At sana nga ay mali ang aking hinala.

Related Article: http://opinion.inquirer.net/60681/no-you-dont

                                 http://www.mb.com.ph/edsa-tayo-still-a-go-organizer-says/

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!