“E, Ano Ngayon Kung ‘Di Ako Pogi?”

996846_653441174680887_1922960500_n

(Note: ito po’y likha lamang ng malikot kong imahinasyon at wala po akong pinatutungkulan. Ito’y isang paksa na may aral at katuturan )
Hindi na ako conscious sa hitsura ko, ‘di gaya dati na parang ang bigat sa loob na tanggapin ang katotohanan na hindi man lang ako naambunan kahit konting APPEAL man lang. Siguro nang magsabog ang Diyos ng kaguwapuhan, kasarapan ng tulog ko. Kaya eto ako ngayon, sawimpalad. Inay ko po!
Ako si Phil Klent Santos. Kung may isang bagay na pogi sa akin, e ‘yun, ang pangalan ko. Ewan ko ba kung bakit ito ang ipinangalan sa akin ng mga magulang ko. Nahabag sila siguro sa hilatsa ng pagmumukha ko nung sinilang ako. Kaya ginawang tunog foreigner ang pangalan ko. Pero mas kilala ako sa bansag na Tado. Ang layo sa pangalan ko, mas malapit sa pagmumukha ko na kahit yata sina Doktora Vicky Belo at Dr. Calayan ay wala nang remedyo para mabago ang mukhang ‘to. Pero gaya ng naunang nasabi ko, I learned to accept the truth. Coz truth can set you free.
Paano naman kaya sa lipunan na ginagalawan natin? Sa dami na ng panlalait na natatanggap ko sa ibang tao, manhid na ang pakiramdam ko. At yan ang realidad sa buhay ng tao na kailanman ay hindi na mawawala sa atin. Ang mga taong MAPANLAIT o MAPANG-HUSGA.
Kung dati, nakikipagbasagan ako ng mukha sa mga kalaro ko na kung makapanlait e wagas. Pero ngayon sa edad kong 20, graduate na ako diyan. Wala din kasi akong mapapala kung papatulan ko pa sila. Isa pa, tama naman sila. Ang Pangit ko. Kahit saang anggulo tignan, puro hugis tatsulok, octagon, hexagon ang makikita sa akin. Different shapes na kung may award lang para sa mga gaya ko, malamang ay hakot-award na ako. Kaso, ibang award ang lagi kong natatanggap. Gaya nga ng sabi ng Pinsan kong beki na si Shamcey…Best in Chaka Award daw!
Pero sa kabila ng aking Pisikal na Kaanyuan, isang bagay ang maipagmamalaki ko sa lahat. Hindi sa nagbubuhat ako ng sarili kong bangko. Pero alam ng mga taong nakakikilala sa akin na Mabuti akong tao.
Sabi nga ng mga tropa ko, sana nag-padre na lang daw ako. Masayahin, pala-Simba, matulungin sa kapwa, at mabuting anak. Na lagi kong sinasagot ng…”Mga tol, panget na nga ako. Tapos panget pa ugali ko, di lalong wala ng gustong maging kaibigan ako diba? Baka tuluyan na akong itakwil ng buong kumunidad ng Cul desac!”
Wala naman talagang Panget na nilikha ang Diyos. Tayong mga tao lang ang nag-iisip na panget ang isang tao na ang iba, ginagawang katatawanan ang iba na akala mo NASA KANILA NA ANG LAHAT. Pero ako, kung may isang bagay na ayaw kong gawin sa kapwa ko, yun ay ang Tapakan o Laitin sila. Lalo na kung alam kong ang taong iyon ay mas nakahihigit sa akin sa ibang aspeto.  Isa pa, wala din naman tayong mapapala kung pipintasan o pagtatawanan natin ang isang tao dahil sa kanyang panlabas na kaanyuan diba?
Kaya ako, ‘di man ako Guwapo. Idadaan ko na lang sa paggawa ng kabutihan sa aking kapwa at sa mga mahal ko sa buhay ang kakulangang iyon. At kahit patuloy akong laitin o pagtawanan ng iba dahil sa hitsura ko, dedma na lang.
E, ANO NGAYON KUNG ‘DI AKO POGI???
Basta ang importante, hindi ako pangit sa panloob na katangian at lalo na sa paningin ng Diyos. 🙂

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!