Doon Sa Tahanan Ng Mga Anghel

Kamusta mga DF Blog readers!

Gusto ko po sanang ibahagi sa inyo ang naging karanasan ko nang bumisita kami sa isang lugar na tinuring kong “Tahanan ng mga Anghel”.  Isang karanasan na umantig sa puso ko bilang isang tao at dumurog sa puso ko bilang isang ina.

Ang grupo namin (isang pribadong kumpanya) ay bumisita sa isang orphanage sa San Juan City – ang White Cross Children’s Home.  Isa itong institusyon na itinayo ni Mrs. Victoria Lopez de Araneta noong taong 1937 at kumakalinga sa mga anak ng may sakit na tuberculosis.

Sa kasalukuyan, dahil na rinWhite cross children's home (3) sa tulong ng mga taong walang sawang nagbahagi ng kanilang oras at tulong pinansyal, mas lumawak pa ang serbisyo ng institusyong ito at kumakalinga na din ng mga batang biktima ng kahirapan, kalupitan at kapabayaan ng kanilang mga magulang. Sa ngayon, ang White Cross ang nagsisilbing pansamantalang tahanan ng 94 na bata.

May dinadaos na children’s party nang dumating kami. Ito’y sponsored ng isang pribadong grupo din para sa malalaking bata sa institusyon. Bakas sa mukha ng mga bata ang kasiyahan ng mga oras na yun.

Ang grupo naman namin ay dinala sa kwarto ng mga Cherubim.  Ito yung grupo ng mga batang nasa edad 6 buwan hanggang 2 taong gulang. Kasalukuyang inaalagaan ng isang caregiver ang (13) labintatlong bata na nandirito.  Di ko lubos maisip ang sakripisyo ng pag-aalaga ng 13 bata.  Sa dalawang anak ko pa nga lang ay halos di ako magkandakumahog at malosyang na sa pag-aalaga, etong 13 pa kaya?

Habang abala ang grupo ko sa picture taking at pakikipaglaro sa mga bata, mas pinili kong lumapit na lang sa caregiver at tulungan siya sa pag-aasikaso sa iba pang mga bata.  Ito na rin ang pagkakataon kong makipag-kwentuhan sa kanya.

“Nay, di po ba kayo napapagod sa pag-aalaga sa mga batang ito? Ilang taon na po ba ninyo ito ginagawa?  Di po kasi biro ang solong pag-aalaga sa kanila eh”, tanong ko sa kanya.

“Hindi naman po Ma’am.  Halos 6 years na din po ako dito.  Malalaki na rin naman po yung mga anak ko kaya naisipan kong magtrabaho dito.  Pag nalaman po ninyo ang kwento ng mga batang yan, hindi po pagod ang mararamdaman ninyo kundi pagmamahal.”

Naantig ang puso ko sa kanyang sagot.  Sana’y marami pang tulad niya na may mabuting puso na handang magsakripisyo para sa kapakanan ng mga batang ito.

Nung nagbigay ng orientation, naikwento nga sa amin ang iba’t ibang kwento kung paano napunta ang mga batang ito:

  • Abandoned children – Ito yung mga batang di batid kung saan nanggaling at kung sino ang mga magulang o kapamilya.  Sila yung mga tuluyan nang pinabayaan at inabandona. Mga batang napulot sa kalsada, natagpuan sa basurahan, iniwanan sa mga ospital o natagpuan sa labas ng gate ng institusyon at sa kung saan pa.  Ang malalang kaso na naikwento ay isang baby na napulot sa basurahan, maga ang paa nito dahil sa kagat ng daga.  Grabe di ba?  Napaka-walang kwentang ina naman ng ina ng batang yun.  Halos madurog ang puso ko sa narinig ko. Hindi ko ma-imagine ang sakit na naramdaman ng isang baby habang kinakagat ng daga ang paa niya.  Pero tunay na di nagpapabaya ang Diyos, gumawa Siya ng paraan para maisalba ang bata sa kapahamakan.  May nakarinig sa pag-iyak ng bata, nakita siya at binigay sa institusyong ito para sila na ang mag-aruga.  Sila na din ang nagpagamot sa kanya.  Sa ngayon, ang batang iyon ay nasa maayos na at inampon ng mag-asawang nasa Australia.
  • Surrendered children – Ito ang mga batang kusang loob na ibinigay sa institusyon.  Mga batang boluntaryong binigay ng kanilang mga magulang dala ng kahirapan. Ang iba dito ay mga batang naisalba ng DSWD sa kalupitan at kapabayaan ng kapamilya nila.  Ang iba naman ay mga anak ng mga batang-ina na wala pang kakayahang magpalaki ng anak nila.  Meron ding anak sa pakikiapid, bunga ng incest relationship, anak ng rape victim, anak ng mga babaeng ginahasa ng mapagsamantalang tao at ng mismong kapamilya niya (ginahasa ng ama, lolo, kapatid o pinsan). Meron ding anak ng preso, baliw, atbp.

Sa dalawang grupong ito, masasabi kong mas may pusong-ina pa ang mga ina ng surrendered children.   Bakit kamo? Mas pinili kasi nilang ibigay na lang ang anak nila para mas magkaroon ng magandang buhay.  Para hindi sila lumaki sa kahirapan, sa pangit na environment at sa kahihiyan.  Maaring hindi man iyon sapat na dahilan, pero OK na din yun kesa naman dun sa mga inang nang-iwan ng anak nila sa basurahan.

Nakakalungkot isipin na ang higit na nagdurusa ay ang mga inosenteng batang nandirito ngayon na sa murang edad ay nakaranas na ng kalupitan at kapababayaan ng kanilang mismong ina; ng mismong magulang nila.  Dapat ang mga anghel na ito ay inaalagaan at minamahal, hindi pinapabayaan, hindi iniiwan o pinamimigay na parang tuta lang o kaya’y tinatapon na parang basura sa mga basurahan.

Ayokong manghusga sa mga ina ng mga batang ito.  Hindi ko naman alam ang tunay na pinagdaanan nila.  Tulad nila, hindi rin ako isang perpektong ina.  Maaring may sarili silang mga kadahilanan kung bakit nila nagawa iyon.  Pero dahil na din sa kabutihan ng ibang tao, ang mga batang nandirito ay tinuring na isang biyayang galing sa Diyos at kahit anuman pa man ang nangyari ay hinding hindi Niya ito pababayaan.

“Bakit kasi biniyayaan pa sila ng anak ni God eh hindi naman nila kayang buhayin at mahalin?”  Sabi yun ng isa kong ka-grupo. Nasa edad 40+ na siya, may asawa at di pa din nabiyayaan ng anak.  Nabuntis man siya ay binawi din agad, nakunan siya.  Ramdam ko ang sakit na nadarama niya at naiintindihan ko kung bakit niya nasabi ang mga salitang yun.

“Oo nga naman. Sana tinanggalan na lang ng matris ang nanay ng mga yan eh.  Wala silang karapatan na maging isang ina”, wika naman ng isa ko pang kasama.

Hindi ko din alam kung bakit ganun.  Minsan iniisip natin ay unfair si God.  Yung gusto magka-anak ay di nagkaka-anak, pero itong walang kwentang ina naman ay nabiyayaan ng anak pero pinabayaan, inabandona at tinapon lang naman yung anak niya.

Pero ito lang ang sigurado ako – hindi Siya natutuwa sa mga nangyayaring ito.  Mas nalulungkot Siya kasi ang mga anghel na ito na dapat ay minamahal at inaaaruga ay pinabayaan, inabandona at binasura lang ng iba.

Mabait ang Diyos, hindi Siya papayag na ganun na lang ang mangyari sa mga batang yun.  At isa ang institusyong ito na ginamit Niyang instrumento para ipadama ang pagmamahal Niya sa mga batang ito.  Para ipadama sa kanila ang pagmamahal Niya, na hindi sila balewala sa Kanya.

“Time to go guys.  Magbabay na kayo sa mga babies ninyo”,  wika yun ng boss ko.  Malapit na palang mag-12:00, tapos na ang oras ng dalaw namin.  Kanya kanyang picture-taking uli bago umalis, nilapag na ang mga bata sa kani-kanilang crib at nagbabay na.

“Nay, alis na po kami”, paalam ko sa caregiver nila.

“Salamat sa pagdalaw ninyo”, sagot naman niya.

Sinadya kong magpahuli sa paglabas ng kwartong iyon.  Bakas sa mukha ng mga bata ang saya pero ang iba ay nagsi-iyakan na. Nararamdaman nilang iiwanan na naman sila.  Sabay ng pag-iyak nila, ang pagtulo din ng aking luha. Di ko mapigil ang sarili ko na mahabag sa mga batang ito. Umaasa na lang ako na darating ang panahon na matatagpuan din nila ang mga taong tatanggap sa kanila bilang isang kapamilya.  Yung mga taong  mamahalin din sila, aalagaan at di na itatapon na parang basura.  Sa paglabas ko ng pinto,  nag-iwan ako ng isang dasal na sigurado akong didinggin Niya:  “Lord, patuloy po ninyong gabayan ang mga anghel na ito. Kayo na po ang bahala sa kanila. ”

Nangako ako sa sarili ko na muli akong babalik sa lugar na ito.  Hindi man ako mayamang tao, konting tulong man lang ang kaya kong maibigay ay babalik pa din ako sa lugar na tinuring kong  tahanan ng mga anghel.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa White Cross Children’s Home, click nyo lang po ito: http://www.dot.com.ph/whitecross/

Sana po ay naantig din ang puso ninyo sa simpleng blog na ito.  Kung gusto po ninyong dumalaw, mag-volunteer, tumulong o mag-donate para sa mga batang nandito, ito po ang kanilang contact details:

Address:  White Cross, Inc.  #276 Santolan Road, San Juan, Metro Manila

Tel #:  724-2145; 721-2779

email address: [email protected]

God bless everyone!

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!