DISKRIMINASYON sa Mga HSW (household Service Worker)

(Photo Credit: laht.com)
(Photo Credit:  laht.com)
(Photo Credit: laht.com)

HSW (household service worker) o mas kilala sa tawag na DH. Ito ang may pinakamababang antas ng trabaho sa ibang bansa, ang pagiging katulong; pero isa sa mga pinakamarangal na paghahanapbuhay din ito para sa pamilyang naiwan sa Pinas at mga umaasa sa padala mula sa pagtatrabaho sa ibayong dagat. 

Kadama, katulong, alipin, muchacha, sila ay tinataasan ng kilay at nilalait ng mga taong mapagmataas. Inaapakan at ikinahihiya pa minsan ng kapamilyang naiwan dahil sa ngalan nang trabaho. Dahil ang alam nila na ang trabaho nito ay magkuskos ng inidoro,maglinis at utus-utusan lamang ng mga amo. Kung wala pang suwerte ay sinisigaw-sigawan at minamaltrato pa ng mga abusadong amo.

Naaalala ko nang ako’y papunta dito sa bansang Kuwait upang makipagsapalaran at tumingin kung anong hitsura ng Dinar. Nakasabayan ko mula sa ahensyang inaplayan ay ang anim na pung katulong na makikipagsapalaran at magbabakasaling gumanda nang kaunti ang buhay ng pamilyang naiwan. Bitbit-bitbit ang mga maletang may lamang pangarap at magandang adhikain para sa mga anak. 

Ako’y pang anim na pu’t isa sa bilang. Ako lang ang naiiba ang posisyong inaplayan sa grupong iyon.

Noong nasa Pambansang paliparan na kami ng Pampanga, palibhasa’y mga “first timer” sila, napakaingay at may halo-halong emosyong makikita sa bawat isa. Mayroon nanginginig sa takot at nangangamba kung anong buhay mayroon sila sa daratnang bansa. Mayroon namang kampante lang na tila baga’y naglalaro lang ito at hindi seryoso sa buhay na susuungin. Pero karamiha’y puno ng pangamba ang mga mukha. Samo’t-saring isipin ang pumapasok sa mga kukote ng mga ito. 

Habang papalapit ang grupo sa mga bakanteng upuan, may nauna nang nakaupo doon na tingin ko’y Europa ang destinasyon base sa naririnig kong usapan ng mga ito. 

“Mga katulong ito, sigurado ako; papuntang Middle east,” nauulinigan kong wika ng babaeng kulay mais ang buhok sabay pang ismid nito.

“Tiyak, aba! sa mga mukhang iyan klarong pagiging muchacha lang ang alam na trabaho ng mga iyan’ dugtong pa ng kausap nito.

Napansin nilang nakatitig ako sa kanila at alam nilang matiim akong nakikinig sa kanilang usapan.

“Kawawa naman sila, magpapaalipin sa ibang bansa at kakarampot lang ang suweldong kikitain.” Ang babaeng may kulay mais ang buhok ulit ang nagsalita.

Nang pasakay na kami sa eroplanong maghahatid sa amin tungo sa pangarap, pati mga Stewardees ay nagtanong, “Hey, what are your work in abroad? Are you all DH?’ Sa akin pa talaga nakaharap na tila’y manghang-mangha sa kulompon ng mga pasahero nila. 

Gusto ko sanang sabihing, Private nurse po ako doon, pero hindi ko ito nagawang isatinig. Hinayaan ko na lamang ito.

Kahit mga kapwa OFW’ng nakasasalubong sa mga mall kapag nalaman nilang katulong ka lamang ay parang kay dumi mong tingnan; kasi halos hindi namamansin ang mga ito lalo pa’t nakauniporme na may apron

Ang hindi alam ng karamihan na halos lahat ng mga katulong ay mayroong mataas na pinag-aralan, mga degree holder ang karamihan na hindi lang nabigyan ng tsansang makapaglingkod sa sariling bayan.

Tama; kakarampot na suweldo lang ang kinikita ng mga HSW na nagtatrabaho sa ibayong dagat. Minsang ang kakarampot na iyon ay hindi pa naibibigay ng mga salbaheng mga amo, minsan din ay kasabay ng pagbibigay ng kaunting pinagtrabahuan ay may kasama pang pang-aabuso. Tunay ngang nakaaawa ang mga walang suwerteng HSW natin mga kababayan. 

In fairness naman, may iba na nakatatagpo ng mga among kapamilya ang turing sa kanila. ‘Ika nga ay suwertehan lang.

Silang mga HSW at lahat kaming mga OFW ang tinatawag na Bagong Bayani ng makabagong henerasyon, ngunit napagtutuunan ba kami ng pansin ng Gobyerno sa tuwing mayroon kaming kahilingan? Mga munting hinaing ay napakadalang kung ibigay, mga inaabusong mga kababayan ay hindi mabigyan pansin ng mga kinauukulan. Kahit pa nga pagrepatriate sa mga bangkay dito sa ibayong dagat ay umaabot pa ng ilang buwan. 

Nasaan ang Hustisya para sa aming mga OFW? Mga anak din naman kami ni Inang bayan Pilipinas, at mga pinsan ni Juan dela Cruz ngunit tila yata limot na kami ng Gobyerno gayung kay laki ng mga remitancess na napupunta sa kaban ng bayan..

Sana pantay-pantay ang tingin sa atin regardless sa trabahong mayroon tayo. Dahil tayong mga nagtatrabaho sa ibang bansa, lahat tayo ay alipin dahil mayroon tayong mga amo.

Akda ni :  Mary Adelleine J. Esic ng DFBI Family

About Mary Adelleine J.Esic

I write to please myself...out of passion.