“Di Na Siya Nagpaparamdam”

Photo Credit: Loudly Crying Face Emoji

Kumakaripas ka ng takbo. ‘Yung takbong hinahabol ang oras, na akala mo kasali ka sa “fun run”. Matagal-tagal na rin yung huling “fun run” na sinalihan mo. Buwan ng Pebrero nung nakaraang taon pa. “12K Finisher” –  Ikaw ‘yun! Naalala mo. Pero ito, ibang usapan ‘to. Tumatakbo ka para sa isang mahalagang tao.

Pagbukas mo ng pinto ng isang sikat na “fastfood”, nakita mo ang kaibigan mo sa ‘di kalayuan.  Mga mata’y mugto. Hindi ka pa napapaupo ay…”’DI NA SIYA NAGPAPARAMDAM!!!”; sigaw niya! Sabay pahid sa mga luha at uhog. Buti na lang may libreng tissue. “’Di na siya nagpaparamdam.” Sabi niya ulit. Pero medyo kalmado na. “Baka BUHAY PA!” pabirong sagot ko.

Nakita ko. Tumawa ka. Kaya mo palang tumawa. May kasabay na luha nga lang na kanina mo pa gustong pigilan, pero ‘di mo magawa.

“Buhay pa ang mokong na ‘yun. Nakita ko sa FB may bago na siyang babae!” Hikbi mo. “Kasi naman pina-follow mo pa. Ayan tuloy pina-FOLLOWha ka…!” Biro ko ulit! At hinagis mo ‘yung basang tissue na muntik nang umabot sa mukha ko! At sabay tayong tumawa. Tawang nauwi sa halakhakan!

Ang sarap ng may kaibigan. ‘Yung laging nandiyan hindi lang pag kailangan mo. ‘Yung kaibigang totoo. ‘Yung isang tawag lang sa ’yo, kakaripas ka ng takbo. Kasi mahalaga siya sa ’yo. Mahal mo. Ayaw mo siyang nakikitang malungkot. Siyempre, hindi lang dahil maiksi ang buhay. Isa lang kamo. Parang ang saklap namang mabuhay para sa iisang tao lang. Unfair para sa maraming nagmamahal sa ’yo.

“Hindi na siya nagpaparamdam?”

Eh, ikaw ba? Sa sarili mo ay nagpaparamdam? O sadyang wala ka nang pakialam? Kasi ‘yung totoo, manhid ka na, as in “MANHID”. Pero nakita ko, kanina lang, tumawa ka…Humalakhak…’Yun ba ang manhid?

Kaibigan mo ako. Kilala kita. Huwag na lang natin kayang simulan ‘tong mga “payong kaibigan?” Sa kaka-payong kaibigan, ‘ayan, kahit kasagsagan ng summer, bumabaha…Bumabaha ng luha…!

“Tigilan mo na kakaiyak diyan,” sambit ko. “Nagmumukha ka nang ‘tarsier’.

Speaking of tarsier, alam n’yo ba? Ang tarsier pag iniiwan ng partner ay nade-depress? Sa sobrang depresyon, tinatangka nilang patayin ang kanilang sarili? By choking or banging their heads. (Naks! English!) Opo. May pagka-‘headbanger’ ang tarsier. Di ko ma-imagine. Nakakita na ako ng tarsier. Lolo ko kasi from Bohol. Pero naalala ko, ‘di rin naman kumikibo sa ’yo ang tarsier. “Di rin nagpaparamdam…” Dedma.

Pero ikaw (o ako), ay ‘di naman tarsier. Hindi rin “headbanger..” – “Hibang eh” lang? Hibang sa hindi nagpaparamdam?

…“Ako lang naman ang tarsier na manglilibre sa ’yo ng burger!” diretsahang sagot mo.

“Dahil may isang “hamburgero” na ‘di na nagpaparamdam?” Kantiyaw ko naman.

At tayo ulit ay nagtawanan.  “Ha-ha-ha!”

Nakakabingi ang tawanan ng dalawang magkaibigan na ang isa’t isa ang laging takbuhan.

Sa ’yo, may ‘di rin ba nagpaparamdam?

(Ikaw na ‘di na nagpaparamdam…, meron ka bang tinatakbuhan?)

(Photo Credit: Loudly Crying Face Emoji)

 

 

 

 

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!