DF Iskolar Yuna: “Huwag sayangin ang pagkakataon na ibinibigay sa atin”

Image via Pixabay

Marami siguro ang makaka-relate sa kuwento ng buhay niya.

Definitely Filipino iskolar… ‘yan si Yuna.

Tubong Alibihaban, Quezon siya at may apat na nakababatang kapatid.

Pinangarap niyang maiangat ang kanilang buhay lalo pa’t may karamdaman ang kanilang ama at namamasukan lamang bilang kasambahay ang kanilang ina. Hindi man sapat ang kinikita nito ay kinakikitaan ng tapang at lakas ng loob ang ina ni Yuna upang maitaguyod ang kanilang pamilya sa probinsiya sa abot ng kanyang makakaya.

Sa kanyang ina humugot ng lakas ng loob si Yuna upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral… upang magkaroon ng mas malaking tsansa sa mabuting buhay ang kanilang pamilya.

Hindi madali ang kanyang pinagdaanan. Naranasan niya ang maging working student sa edad na 18, graveyard shift at nag-oovertime hangga’t kaya ng katawan. Pumapasok siya sa kolehiyo sa hapon; 5-9 pm. Nagtipid siya nang husto, na ultimo pagkain nang maayos ay hindi niya magawa pagkat kailangan niyang magbayad ng tuition, boarding house at magpadala ng pantustos sa kanyang mga kapatid.  Pinilit niyang mabuhay sa isang meal sa isang araw, na kadalasan ay yaong isang free meal nila sa trabaho.

Pinilit niyang kayanin, ngunit hindi kinaya ng kanyang isip at katawan.

Aral, trabaho, stress, kakulangan sa tulog at pahinga, at pantustos. Nagkaroon siya ng anxiety disorder at madalas na nahihimatay pagkat nalilipasan ng gutom at nape-pressure sa mga aralin at proyekto sa kolehiyo. Ni hindi na niya maharap nang maayos ang kanyang pag-aaral. Hirap na rin siyang matulog. Magastos rin kasi ang kursong Information Technology. Sa paglaki ng kanyang mga kailangang bayaran at bilhin ay siya namang pagliit ng kanyang pag-asa na makakatapos pa siya.

Dumating pa nga sa punto na parang hinang-hina na siya, pagod na pagod at parang ayaw na niyang gumising. Natutulala na lang siya, napapaiyak at hindi na maharap ang trabaho.

Paano magpapatuloy?

Sa gitna ng kanyang mabigat na pinagdaraanan ay dinala siya ng guhit ng kapalaran sa tahanan ng nagpasimula ng gawain para sa mga batang nangangalakal. Nang siya ay muling nag-collapse, doon siya hinatid ng medical team mula sa kanyang paaralan.

The rest is history.

Napabilang siya sa mga DF Iskolars taong 2015; sa mga kabataang sinusuportahan ng magkakaibigan sa grupong Definitely Filipino.

May mga tumulong sa pang-allowance, sa pang-tuition. May grupo na dalawang beses kada taon na naghahatid ng mga gamit pang-iskuwela at pamasko sa mga iskolars.

Tinulungan siyang makabangon. Lahat ng mga pangangailangan niya, mga pantustos ay kanilang pinagtulung-tulungan. Kinupkop siya ng nagpasimula ng gawain, itinuring na anak, pinatira sa kanilang tahanan kasama ng iba pang kabataan at dahil educator ito ay ginabayan na rin siya sa kanyang mga aralin.

Marso 2017 – Walang pagsidlan ng tuwa ang kanyang mga magulang sa kanyang pagtatapos. Dumalo rin ang taong gumabay sa kanya na itinuring niyang pangalawang ina.

Nang sumapit ang Mayo ay natulungan pa nito si Yuna na magkaroon ng maayos na trabaho.  Tinulungan pa rin siyang makaipon, patuloy siyang sinusuportahan pagkat bago pa lamang ang kanyang mga pakpak.

Mabilis ang pagpapala ng Panginoon.  Sa maikling panahon ay nakakuha sila ng kanyang ina ng maliit na lupa sa probinsya at napatayuan na nila ito ng munting bahay kahit pautay-utay.  Simple  man at aba ito sa paningin ng iba, ito’y kayamanan na sa kanilang pamilya na ang iniwang bahay ay mala-kubong kawayan at sahig ang lupa.

Ayon sa gumabay kay Yuna, masaya siya pagkat hindi nasayang ang suporta at pag-aaruga na ibinigay sa kanya. Iyon umano ang pinakamahalaga sa mga nag-i-sponsor na magkakaibigan sa DF na kung tutuusin ay hindi rin naman mayayaman. ‘Yung malaman nila na na hindi nasayang ang kanilang pagsuporta at nagiging maunlad ang buhay ng kabataang tinulungang makapagtapos sa pag-aaral.

Patuloy lang ang paggabay nito kay Yuna lalo na sa usaping financial literacy at organization. Mayroon na rin siyang bank account at regular na naghuhulog dito. May e-loading sideline rin siya!

Masaya rin ang lola at mga kapatid ni Yuna pagkat mas naaayudahan na sila ng kanilang Ate sa pag-aaral at naibilang pa sila sa DF Iskolars kaya’t may suporta rin silang natatanggap bilang pantulong sa kanilang pag-aaral.

Hindi pa naman OFW si Yuna, ngunit pinasasaya na niya ang kanilang pamilya sa kanyang mga munting padala. Balikbayan box? Oo, local version man ito hindi matatawaran ang tuwa ng magkakapatid nang matanggap nila ang dalawang kahon ng padala.  ^_^

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Life gets better!

Payo ni Yuna sa mga kapwa niya iskolar sa Definitely Filipino:

Makinig, sumunod, magsikap. Hindi lahat ay nabibiyayaan ng magandang pagkakataon. Huwag itong sasayangin. Matutong sumunod sa gabay ng mga may mabubuting puso pagkat hindi ka nila dadalhin sa maling daan.

Narito ang December 2016 video ni Yuna kalakip ang pasasalamat sa mga sponsors na magkakaibigan. God bless you more!

 

DF Iskolars 6th Year —  Nagsimula sa anim na kalakal iskolars noong December 2011 at ngayon ay nasa 45 na ang mga napabilang na iskolar bukod pa sa ibang outreach na ginagawa ng grupo ng DF sponsors gaya ng “Blanket Project” at”A Thread of Hope”.

Nawa’y na-inspire kayo sa kuwento ni Iskolar Yuna!

#DefinitelyFilipino  #DFBI   #6thYear

2016 Anniversary Video

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!