Dalawang Taon, Tapos Na Ang Aking Kontrata

photo credit: 123rf.com
photo credit: 123rf.com
photo credit: 123rf.com

January 17, 2011

Nilisan ko ang ating bansa upang magtrabaho sa bansang banyaga.  Grabe, exactly two years ago na pala ang nakararaan buhat ng araw na iyon.  Dalawang taon na pala akong nagtratrabaho rito sa Riyadh 🙂 .

Ang bilis lang talaga ng panahon.  Parang kailan lang ay nagbibilang pa ako, may sariling “countdown” (sabay marka pa ng “X” sa kalenderyo kapag natapos ang isang araw); ” One month down.  23 months to go, tapos na ang kontrata ko.”  (sabi ko noong natapos ko ang aking 1st month)  Ngayon, shox,  TAPOS NA talaga ang 24 months.  Nairaos ko na ang 2 taong kontratang pinirmahan ko.

Sa loob ng dalawang taon, alam kong maraming nagbago.  May mga dumating sa buhay ko.  Mayroon namang nawala.  May mga bagay-bagay na nagyari na hindi na maibabalik pa sa dati ang lahat.

Ang lugar na iniwan ko; marami nang bagong infrastructure.  Lalo yatang gumanda ang bayan at siyudad namin ( Proud Ilongga).  Halatang-halata na patuloy ang pag-unlad ng Lambunao at ng kabuuan mismo ng Iloilo.  ( Ayos, marami na akong puwedeng puntahan kapag na-bore ako sa bahay).

Ang mga kaibigan ko; marami na ang nagkaasawa’t nagkaanak habang wala ako.  ( Ang dami ko nang utang na regalo sa mga inaanak ko. Gusto ko na ngang humirit na “PASS” muna ako sa pagiging ninang.  Ang dami na nila 🙂 ).

Ang mga kaklase ko noon; marami na rin ang nangibang bansa kagaya ko.  ( Hindi man lang kami nagpang-abot sa Pinas).

Ang mga dati kong kasamahan sa mga naging “part-time jobs” ko dati; may mga napromote na.  May iba rin namang umiba na ang linya.  Basta lahat, nag-career advancement.

Ang dalawa kong aso ( Sky and Spike); naging obese na raw at lalong naging maarte, dagdagan pa na mas naging makulit . ( Hmm..  sa akin siguro namana ang kaartehan at kakulitan.  Pero ang katakawan sa pagkain, hindi sa akin galing).

Maging sa aming pamilya, marami na rin ang nangyari at nagbago.  Si Tatay, inatake sa puso at naka-survive.  Ngayon, mas naging maalaga na siya sa kaniyang sarili at sa bagong buhay na ipinagkaloob sa kaniya.  Si Nanay. dumami ang sinubukang sideline.  Si En-en, graduate na at kumuha na ng Board exam.  (Sana makapasa).  Ngayon, happy naman siya sa part-time job niya.  Si Gerz naman, nakapag-world tour na.  Nag-eenjoy naman siya sa perks ng kursong kinukuha niya.

Lahat yata nagbago sa loob ng dalawang taon.  Muhang maninibago nga ako sa pag-uwi ko.

Ako?

Masasabi kong milya-milya na yata ang layo ko sa dating ako.  Nakisabay din ako sa agos ng panahon.  Nakisabay din sa mga pagbabagong dulot ng buhay.

At the age of 22, akala ko mature na ako at matibay.  Akala ko hindi na ako matitibag.  Mali pala ako.  Hilaw na hilaw pa pala ako pagdating sa mga aspeto ng buhay.  Dito ko lang nalaman what it really means to be strong and mature sa gitna ng mga hamon na kinakaharap ng isang taon.  Nakatulong talaga ang mga karanasan ko sa Disyerto sa paghubog kung ano man ako ngayon pagkalipas ng dalawang taon.

Marami akong natutunan.  Ang mga bagay na hindi ko nagagawa sa Pinas, nagawa ko na rito. Wala naman kasing ibang puwedeng asahan na gumawa kundi ang sarili ko.  Talagang, natuto ako buhat ng lumabas ako sa aking comfort zone, napalayo sa mga taong dinependehan ko sa loob ng maraming taon.

Bilang isang OFW, natutunan ko kung paano pahalagawan ang bawat Riyal na kinikita ko.  Bawat Riyal na bahagi ng sahod ko, pinaghirapan ko ng mabuti.  Minsan nga, parang ayaw ko nang gumastos 🙂 .  Iba pala talaga ang pakiramdam na ikaw mismo ang naghirap at nagpapawis sa perang hawak mo, kahit pa minsan ay parang dumaan lamang ang pera sa mga palad mo.  Gone with wind ang drama dahil pagkasahod, ipinapadala kaagad sa mga mahal sa buhay na nasa Pinas 🙂 . Ganoon naman yata ang cycle sa bawat OFW na nakilala ko.

Feeling ko, maninibago rin ang lahat sa akin pag-uwi ko.  Baka isipin pa nila na sinaniban ako at ibang tao ang dumating.  Hmm..  Kailan kaya ako makakauwi?  Sabi kasi ni Boss, hindi pa puwede. Mag-antay daw muna ako.  Ewan.  Bahala na.  Basta kailangan kong makauwi before the wedding of my cousin.  Hindi naman puwedeng wala ang Maid Of Honor sa araw ng kasal.  Naka-ready pa naman na ang gown na isusuot ko.  (Hindi naman halata na excited ako masyado 🙂 ) .

Marami man ang nagbago, marami man ang hindi na gaya ng dati ( and I know some things will never be the same again), alam ko na may purpose ang lahat lahat.  All the things na na-experience ko rito (all the good and the bad)  ay ipinagpapasalamat ko.  Alam ko na ang mga ito ang magiging bala ko sa pagharap ko sa susunod na chapters ng buhay ko.

Ang masasabi ko lang ngayon, SALAMAT PO, PANGINOON.  HINDI MO AKO PINABAYAAN MULA NOON HANGGANG NGAYON.

-April13 1/17/13- ( 2 taon na bilang OFW)

About april13

Nurse na nakastuck sa Disyerto. Writer na naglalakbay sa iba't ibang mundo ( hangga't kayang marating ng utak ko).
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!