Dahil Sa’kin, Sa’yo, Sa’Tin

philippines poverty

Nasaan na ang maunlad at kinaiinggitan nating bansa? Dalawampu’t anim na taon na ang nakalipas mula nung Edsa Revolution. Pero nasaan na ang pinaglaban nating pagbabago?

philippines poverty

Bakit marami pa rin ang nagugutom? Bakit marami pa rin ang nagtitiis ng lamig sa kalsada at pinagtagpi-tagping kahoy at yero sa kakulangan ng mga pabahay? Bakit marami pa rin ang walang trabaho?  Bakit marami pa ring nawawalang pondo? Bakit marami pa ring nagugutom? Bakit marami pa ring di makapag-aral? Bakit marami pa ring pinapatay at pumapatay? Bakit marami pa ring mahirap? Bakit nga ba di na umaahon ang Pilipinas at tila tuluyan nang nasadlak sa putikan?

Dahil sa’tin.

Sa’tin? Bakit tayo? Wala naman tayong ginagawa ha!

Yun na nga problema e. Wala tayong ginagawa.

May magagawa ba tayo? E mismong mga pinuno nga ng bansa natin walang magawa.

Sus, ano pa bang bago diyan? Sino pa bang hindi nakakaalam niyan? Halos lahat na tayo idinadaing ‘yan. Maski nga ang kawalan ng bigas na isasaing sa araw-araw, isinisisi natin sa gobyerno. Pero ilang eleksyon na ba ang nagdaan? Nakailang palit na ba tayo ng presidente sa pag-aakalang may pagbabagong magaganap? Minsan ba naisip natin na baka naman nasa atin na pala ang problema? Kahit naman kasi sinong iboto at mahalal sa posisyon, inaayawan at pinabababa natin.

Tama na muna sigurong ibato ang lahat ng kamalasan sa buhay natin sa gobyerno. Tigilan na natin ang paghihintay na may gagawa ng mga bagay para sa atin. Dapat nating malaman na walang isang pinuno ang sasapat sa dami ng problema ng bansa. Pansinin natin ang paglalakad ng isang talangka, hindi umuusad; patagilid na, mabagal pa. Kaya tigilan na natin ang pagiging utak-talangka, di tayo aasenso niyan.

Kung magtuturuan at magsisisihan na lang tayo habang nakikipagtsismisan at nagbabasa ng mga sanaysay na tulad nito, wala pa ring mangyayari. Kailangan nating kumilos. Himbis na ayusin ang mga bloke sa tetris para maunahan ang mga kaibigan mo sa facebook ranking at mag-tweet ng kinain mo kaninang umaga sa twitter at pag-uubos ng oras sa maghapon kakabasa ng mga kalokohan sa 9gag, ibahagi ang mga kaisipang tulad nito. Para saan pa ang mga sumusulat kung walang bumabasa? Para saan ang mga bumabasa kung wala namang umaaksyon? Kailangang simulan natin ang pagbabago sa sarili natin.

“Change will not come if we wait for some other person or some other time. We are the ones we’ve been waiting for. We are the change that we seek.” ~Barack Obama

Oops, scroll up. Basahin ulit. Nagdadalawang-isip ka siguro kung may pakialam ba talaga ako sa Pilipinas? Ibang presidente ata ang naisulat ko. H’wag mo nang gawing big deal yan. Wala na tayong panahon para sa pamimilosopo mo dahil nahawa ka na kay Vice Ganda, Boy Pick-Up, at SimSimi.

Tanong tayo nang tanong. Puna tayo nang puna. Maghihintay na lang ba tayo sa pagbabagong hinihahangad natin? Ano na ba ang nagawa natin para sa bayan? At kung hindi pa tayo ngayon kikilos, kailan pa?

Lahat ng bagay sa una’y mahirap at masakit. Ngunit pasasaan ba’y giginhawa’t makakaahon rin tayo. Magkakapatid tayo at kailangan tayo ng ating inang bayan. Isantabi muna natin ang inggit at hinanakit sa ating kapwa. Tsaka na muna tayo magpayabangan at magpasiklaban. Kailangan nating magtulungan.

Hindi mo ba pinangarap na makilala tayong muli at tingalain sa buong mundo hindi lamang dahil sa mga talentadong Pinoy Pride at pinakamadaming pinakamahabang pinakamalaking pinakapinaka? O hindi ka man lang ba nahihiyang numero uno tayo sa pinaka-corrupt na bansa sa Asia at may pinakamaruming airport?

Tayo ang dahilan kung bakit walang pagkakaisa. Tayo ang dahilan kung bakit nagsusumigaw sa paghihirap ang Perlas ng Silanganan. At tayo rin ang magiging dahilan ng pag-asenso nitong muli.

Dahil sa’kin pwedeng magising ka sa katotohanan. Dahil sa’yo pwedeng magsimula na ang mga pagkilos. Dahil sa’tin pwedeng magbago ang bulok na sistema ng bayang ito.

Photo credit: talakayanatkalusugan.com

Enhanced by Zemanta

About WithLoveAriane

I am 24 years of age and a nurse by profession. Weblog has been my outlet for self-expression. I started way back in 2007. It is not the minutiae of my everyday life. Rather, a portal that opens up my thoughts and feelings to my trusty friends - my multiply contacts. It gives me voice to things I am not prepared to say to someone's face. And for years of blogging, I realized that 95% of my entries were written in English. So I thought of this - making a public blog account - a hundred times. I am not sure the world would probably want to hear what I’ve got to say. But I really do love expressing myself through writing and I believe I still have a lot to say - in my native language. With Love, Ariane
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!