Cynthia – Kabanata XXVI

 IKA-19 ng Agosto, 1984, nang makabalik ako ng bansa. Dalawang linggo na rin akong narito at sinisimulan na namin ang pag-aasikaso sa aming kasal ni Lia na gaganapin sa ikalawa ng Oktubre. Anibersaryo ng araw kung kailan kami naging magkasintahan ang petsang pinili namin.

 Ang emosyon ay tunay ngang kayang manipulahin ng tao. Nagawa ko ang ninais ko. Wala na sa puso ko si Cita – mga alaala na lamang niya ang narito. Ang mga gunita ay mahirap burahin. Makakalimot ka ng ilang detalye pero hindi mo makakalimutan ang lahat.

 Hindi kahinaang matatawag ang katotohanang hindi ko naalis ang kahapon sa aking isipan. Hindi naman kailangang mawala ng mga iyon. Kailangan lamang ng mga tao na manaig sa mga ito. Hindi natin dapat hayaan na pagalawin ng mga gunitang ito ang kasalukuyan, tayo dapat ang maging makapangyarihan para maging kontrolado natin sila.

 PAPUNTA ako sa Maynila. Kakausapin ko si Cita. Nais ko na lahat ng mga kaibigan ko ay makarating sa kasal ko. Pag-ibig lang ang nawala, hindi ang pagkakaibigan. Ngayong masaya na kami pareho sa aming mga kapareha ay dapat mawala na ang latak ng masakit na nakaraan.

Habang nagmamaneho ay bumabalik ako sa panahon.

Parang kailan lamang ay laro lang ang lahat.

“Kapag  lumaki na tayo, ako pa rin ba ang pakakasalan mo?” Ito ang tanong ko kay Cita.

“Oo,” nakangiting sabi niya. “Ayoko kasi kina Noni, Biboy at Pael.”

“Pa’no mo ako papakasalan?“ sabat ni Pael. “Pari nga ako, ‘di ba? ”

Nagtawanan ang mga kalaro namin. Natawa na rin kami.

Hanggang sa ipinangako ko sa harap ng simbahan na si Cita ang babaeng pakakasalan ko pagdating ng panahon.

 “Pangit ka kaya!” pang-aasar niya ulit.

“Anong sabi mo?” kunwari ay naiinis kong tanong.

Tumakbo siya palayo.

Hindi ko na siya hinabol pa noon. Tiningnan ko nalang ang simbahan, ang mga ikinasal at ang mga taong nakabihis ng magagarang kasuotan. Nasabi ko na lamang sa aking sarili na darating ang panahon at papakasalan ko si Cita sa simbahang iyon. Dito pa lamang ay nabuo na sa isip ko ang imahe ng isang kasalan na kabibilangan ko, ng aking pamilya at ng aking mga kababata.

Maraming pagsubok ang dumaan. Kung minsan nga ay parang gusto ko ng sumuko,  parang lahat na lang ng problema at kalungkutan ay ibinabato sa akin ng mundong ito. Minsan, gusto ko ng tumigil sa paghinga at manahimik na sa ilalim ng lupa ngunit sa tuwing titingnan ko si Cita ay nakikita ko rin ang dahilan kung bakit nagigising pa ako sa pagkakahimbing tuwing umaga. Lahat ay nakayanan ko ng dahil sa kanya – pati ang mangako na para bang kayang-kaya kong tuparin ang bawat katagang binitawan ko.

“Babalik ako, Cita. Babalik ako at kukunin kita. Ilalayo kita sa maruming hangin, sa mga tirahang tagpi-tagpi ang dingding, sa mundong malayo sa gusto natin. Hindi mo na kakailanganin pang mangalakal, o kaya ay magtuhog at magtinda ng sampaguita. Mag-aaral akong mabuti, gagamitin ko ang aking talento para magawa kong iguhit ang isang napakagandang kapalaran. Pagkatapos, magpapakasal tayo sa simbahang kinaiilangan natin pasukin kapag araw ng Linggo dahil sa marurumi nating tsinelas. Ikaw ang magiging pinakamaganda sa lahat ng ikinasal doon. Babalik ako para sa ‘yo at sa habambuhay na gusto kong sulitin kasama ka. Pangako, babalik ako. Babalikan kita.”

Wala naman talaga akong balak na sumira. Mahal na mahal ko si Cita at siya ang tanging inspirasyon ko sa tuwing hirap na hiraap na akong lumaban. Sa kanya ko lamang nakikita ang pag-asang hatid ng bawat umaga. Sa kanya lang – kung hindi dumating si Lia.

Hindi mo ba talaga kayang hiwalayan si Cynthia?” muling tanong sa akin ni Lia. “Hindi mo ba talaga kayang gawin ‘yon?”

“Kung hindi mo pa kaya sa ngayon, handa akong—” Hindi na niya itinuloy ang sasabihin niya pero naunawaan ko iyon. Niyakap ko siya. Alam kong naunawaan din niya ako.

Pero, wala na akong dapat pagsisihan pa. Nangyari na ang mga nangyari. Hindi ko na maibabalik ang kahapon. At saka, naging maayos naman ang lahat. Napunta si Cita kay Emil na hindi hamak naman na mas magaling sa akin – kilala at yumaman sa sarili niyang paraan. Hindi siguro ako magiging katulad ni Emil, sa tingin ko ay hindi talaga.

Naging maayos din naman ang lahat sa amin ni Lia. Gustong-gusto siya ni Lolo at para bang mas nagkalapit lalo kami dahil sa kanya. Tanggap na tanggap din ako ng pamilya niya.

Sa palagay ko, ang paghihiwalay namin ni Cita ay nakabuti para sa lahat. Sa ngayon, isa lamang ang nais ko at iyon ay ang mabawi ang pagkakaibigan namin na tinangay palayo ng mapait na kahapon.

(Itutuloy)

2159723-256-k206828

(Ang nobelang ito ay nailathala sa pahayagang Balita mula Disyembre 2013 hanggang Pebrero 2014.)

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!