Confession of a Full-time Happy Wife

happy family
happy family

“Ang pag aasawa ay hindi parang mainit kanin na isusubo mo lang at pag napaso ka ay puwede mo na itong iluwa…”

Dise-otso anyos ako noong makilala ko ang aking asawa. Hindi pa ako tapos sa pag-aaral at siya naman katatapos pa lang sa kolehiyo at kasama sa kategoryang “jobless”. Siya ang unang ngpatibok ng aking puso. Palibhasa bata ako at inosente ng mga panahong iyan. Ang alam ko lang, sa mga panahong kasama ko siya ay ang pinakamasasayang araw ng aking buhay. Masaya akong nagmamahal at minamahal.

Tumagal ng halos anim na buwan lang ang aming relasyon. Hanggang sa hindi namin inaasahan, dala ng kapusukan ng aming kabataan, nagbunga ang aming pagmamahalan. Dise-otso pa lang ako at may bata na sa aking sinapupunan. Magiging Ina na ako sa mga susunod na buwan.

Hindi iyan nagustuhan ng aking mga magulang. Sandamakmak na salita ang inabot ko sa aking ina. Nakakahiya daw ako at magiging miserable na daw ang buhay ko dahil hindi ko matatapos ang aking pag-aaral. Ngunit sa kabila niyan at ng aming kabataan, hindi ako pinabayaan ng aking asawa. Pinanindigan niya ako at ang bunga ng aming pagmamahalan. Humarap siya sa aking mga magulang at hiningi ang mga kamay ko. Nagpakasal kami at magkasama kaming bumuo ng isang masayang pamilya gaya ng pinangarap namin noon.

Ngunit hindi naging madali ang buhay namin. Tatlong taon na kaming kasal at dalawa na din ang aming anak. Ramdam ko na ang hirap ng buhay. Salat sa napakaraming bagay. Ang aking asawa ay abala sa paghahanap-buhay upang may maipantawid gutom kami araw-araw. Samantalang ako, dahil sa hindi ako nakatapos ng pag-aaral, mailap sa akin ang trabaho, kaya sa bahay lang ako at nag-aalaga ng aming mga anak.

Hindi ito ang buhay na aking pinangarap. Gusto ko pa ring magtrabaho. Kitang kita ko ang aking mga kaibigan, masaya silang nagtatrabaho at may kanya kanyang silang career na ipinagmamalaki, at yun ang wala ako. Pumasok na sa aking sistema ang pagsisisi. Pagsisisi kung bakit ako nag-asawa nang maaga. Pagsisisi kung bakit hindi ako nakinig sa pangaral ng aking mga magulang. Pagsisisi dahil marami akong bagay na gustong gawin pero hindi ko magawa dahil sa responsibilidad ko bilang ina at asawa. Nilalamon na ng insekyuridad ang buo kong pagkatao.

Apektado na din ang pagsasama naming mag-asawa dahil dito. Lagi nang mainit ang aking ulo at ang asawa ko ang napagbubuntungan ko. Mabait lang talaga ang aking asawa at kahit anong narinig niya sa akin ay hindi n’ya ako pinatulan. Iniintindi n’ya ako sa abot ng kanyang makakaya. Gusto ko nang sumuko noon. Ayaw ko na ng buhay na mayroon ako. Gusto ko ding magkaroon ng career kagaya ng mga kaibigan ko.

Pinayagan ako ng asawa ko na maghanap ulit ng trabaho para daw maalis ang insekyuridad ko. Sa pagkakataong ito, suwerte ko, nakahanap ako ng trabaho.  Naging maayos ako sa mga unang buwan. Bumalik ang sigla ko bilang isang tao at babae. Parang nagkaroon na ng direksyon ang buhay ko. Ngunit sa umpisa lang pala yan. Dahil sa mahabang oras ng trabaho, wala na akong oras sa asawa at mga anak ko.

Nakita ko na ang pagkakaiba noong nasa bahay lang ako at noong nag-umpisa na akong magtrabaho. Pagdating ko sa bahay galing trabaho, patulog na ang mga anak ko at paalis naman papuntang trabaho ang asawa ko. Mas hindi na naging normal ang buhay ko, buhay namin. Naawa na ako sa asawa at mga anak ko. Dumadaan ang kanilang araw na wala sa loob ng bahay ang kanilang ilaw ng tahanan. Hindi ko alam ang kanilang pinagdadaanan sa loob ng bahay habang wala ako. Marahil mahirap, dahil mahirap maging isang ilaw ng tahanan. Nagdesisyon akong magbitiw na lang sa trabaho.

Oo, naging makasarili ako noong una dahil sarili ko lang ang inisip ko. Marahil, epekto ito ng maagang pag-aasawa at hindi muna na enjoy ang pagiging dalaga. Marahil, hindi pa buo ang pagkatao ko noon at pilit kong hinanap kung saan talaga ako magiging masaya. At nagkamali ako. Wala pala sa labas ng bahay ang kaligayahan ko kundi nasa loob lang ng apat na sulok ng aming bahay. Hindi ko hahayaan na hindi ko maalagaan ang aking pamilya dahil lang sa paghahanap ng mga bagay na nawala na sa akin. Eto ang buhay na mayroon ako ngayon, pagbubutihin ko na lang. Sabi nga “when life gives you lemons, make lemonade”.

Minsan kailangan lang siguro nating dumaan sa pagsubok upang maging mas mabuti tayong tao. Mas alam ko na ngayon ang lugar ko. Mas klaro na sa akin ang priority ko ngayon. Mas masaya akong kasama at pinagsisilbihan ang asawa at mga anak ko buong araw. Ito na ang career ko ngayon at hindi ko na pagsisihan ang maging isang full time mom and wife 🙂

author:  iamfrozenfire

p.e./kf

 

 

About iamfrozenfire

hindi naman talaga ako mahilig magsulat, magbasa pwede pa! pero naisip ko hindi kaya ng memory ko ang pagiisip at pag alala sa lahat ng pangyayari sa buhay ko, buhay mo at buhay natin kaya bakit hindi ko na lang isulat kung ano sa tingin ko ang angkop sa buhay mo, buhay ko at buhay natin... palibhasa babae kaya madalas masaktan, ewan ko b sa mga yan!! bait ko naman 😀
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!