Buwis

(Photo Credit: letsjustbepositive.tumblr)

 

(Photo Credit:  letsjustbepositive.tumblr)
(Photo Credit: letsjustbepositive.tumblr)

Dito po sa amin sa Barangay Panasahan ay may salitang bukambibig ng mga matatanda noong araw. Ito ang salitang “buwis,” pero huwag ka munang mag-isip o magsalita na alam ko na yan.Kasi hindi ito yung binabayaran natin sa gobyerno. Maririnig mo ito kapag may namatay sa ilog dahil sa pagkalunod. Ayon sa mga matatanda sa aming lugar diumano ay talagang may nalulunod sa ilog taon-taon, dahil nagbubuwis ito ng buhay. Malapit lamang ang ilog na ito mula sa amin, siguro 5 minuto hanggang 10 minuto itong lakarin.At dito kami madalas maligo noon. Hindi pa kasi gaanong uso ang mga resort noon kung mayroon man iilan lang di gaya ngayon.

Sa kabila na may ganitong paniniwala ang mga matatanda sa aming lugar ay hindi ito nakapigil sa aming hilig na maligo sa ilog. Isa na marahil ang paliligo sa ilog sa masasayang karanasan at bahagi ng aming pagiging bata. Tuwing araw ng Sabado at Linggo kadalasan ay laman kami ng ilog. Lalo na kapag panahon ng bakasyon sa eskwela, kapag wala kami sa bahay, kadalasan ay nasa ilog kami at dito rin kami kadalasang sinusundo o pinapasundo ng aming mga magulang. Balewala sa amin ang palagi nilang paalala “anak nagbubuwis ng buhay ang ilog.” Kung gaano nila kadalas itong sabihin, hindi ko na maalala. Ang totoo niyan ay mas madalas pa yata kaming nasa ilog kaysa sa kanilang paulit-ulit na paalala. Kulit no! Kasi nga ang nasa isip namin, hindi naman totoo yun! Panakot lang nila sa amin para huwag kaming magtampisaw sa ilog.

Pero alam mo bang may nakakatuwang pangyayari tungkol sa paliligo namin sa ilog. Ito yung panahon na nagpatuli kaming mga magkababata. Mismong ang mga magulang namin na pinagbabawalan kaming maligo sa ilog ay sila pa ang nagtulak sa amin na maligo sa ilog. Ayon kasi sa kanila “mas mapapadali ang paggaling ng aming sugat” kapag naligo’t nagbabad kami sa ilog dahil maalat ang tubig nito. Nakikini-kinita mo na siguro ang senaryo? Dahil nga sila na mismo ang nagsabing maligo kami sa ilog. Heto na, para kaming mga baboy na nakawala sa kural. Talon dito, talon doon, tampisaw dito, tampisaw doon, kasabay ng malalakas na halakhakan naming magkababata dahil sa saya na aming nararanasan.

Subalit katulad nga ng madalas na sinasabi ng iba “hindi pasko araw-araw.” Natapos ang masasayang araw na iyon. Nang gumaling na ang aming sugat sa pagkakatuli. Balik na naman ang musika ng aming mga tainga. Sabi ni nanay, sabi ni tatay “anak, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag kang maliligo sa ilog, nagbubuwis ng buhay iyon?”

Alam mo sa totoo lang, nakakaramdam din naman kami ng takot. Kapag nakakabalita na may namatay dahil nalunod sa ilog. Sa puntong ito, napapaisip din naman ako. Ilang Linggo siguro ang lilipas na hindi man lang kami magpupunta sa ilog. Pero, pagkalipas ng ilang Linggo magyayaya na ako o kaya’y ang aking mga kalaro na maligo sa ilog, tampisawan na.

Minsan, napag-isip-isip ko, sino kaya ang nagsimula at nakaisip na ang salitang buwis ay iugnay sa pangyayaring may nalulunod sa ilog? Sa totoo lang, hindi na bago sa aking pandinig ang salitang ito. Nang umuwi kami ng aming pamilya sa lalawigan ng aking ina sa Negros, Occidental. Siguro 6 hanggang 8 taon ako noon. Pero hindi ko ito narinig sa bayan ng aking ina. Kundi ng kami ay magtungo sa lalawigan ng Ilo-Ilo sa paanyaya ng kapatid ng aking ina na magpunta doon, taga-roon kasi ang napangasawa niya. Sa lugar kung saan sila naninirahan, ilang hakbang lang nasa ilog ka na. May kwento pa nga na sa ilog na iyon ay may syokoy na lumalabas.

Sandali, sandali lang! Baka kung saan na tayo mapunta! Balik tayo sa aming lugar. Sa tanong na nasabi ko kanina, sino kaya ang nagsimula at nakaisip na ang salitang buwis ay iugnay sa pangyayaring may nalulunod sa ilog? Ikaw, alam mo ba ang sagot? Ako, sa totoo lang, hindi ko alam ang sagot hanggang ngayon. Ah! Teka! Teka! Teka lang! may sagot pala ako, hindi nga lang kung sino, kundi ang dahilan. Ang dahilan ay para takutin kami at ang iba pang mga bata upang huwag maligo sa ilog.

Sa paglipas ng panahon, habang nadadagdagan ang aking edad. Dahan-dahan namang nawawala sa bibig ng mga naninirahan sa aming lugar ang salitang nagbubuwis ng buhay ang ilog taon-taon. Sa palagay mo, bakit kaya? Marahil, ibabalik mo sa akin ang tanong, ikaw, ano sa palagay mo? Sa aking palagay, dahil sa ating bansa ay sumasabay sa globalisasyon. Kaya nga, nariyan ang mga batas na ipinasa upang maging suporta sa pagsusulong nito. Halimbawa, ang LAND USE CONVERTION na ipinatupad sa panahon ng panunungkulan ng dating Pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Fidel V. Ramos. Maraming bukirin at palaisdaan ang tinamaan nito. Maraming bukirin at palaisdaan ay sementado na ngayon.Ginawa ng mga subdivision.

Hindi rin nakaligtas ang palayan at palaisdaan na ilang hakbang lang mula sa aming bahay. Ngayon ay mataas na pader na ng subdivision ang aming katabi. Wala ng binabawalan ng mga magulang na maligo sa ilog. Ito na ang maririnig mo ngayon, “anak huwag kang maglalaro sa baha, baka magkasakit ka!”

Nakakatuwa di ba? Naisip ko na yan! Magtatanong ka, anong nakakatuwa? Ganito kasi iyon, dati ang panakot ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ito, “anak, huwag kang maliligo sa ilog, nagbubuwis ng buhay iyon.” Ngayon! Anak, huwag kang maglaro o maligo sa baha, baka magkasakit ka! Bakit?

Itinatanong mo sa akin, kung bakit? Kasi nga ang ilog na panapaliguan namin noon ay wala na. Wala na! Hindi dahil sa ito ay tinambakan na kundi dahil sa dumi at polusyon na mayroon ito. Wala na ang ilog kung saan kami tumatalon, nagtatampisaw at naghahalakhakan dahil sa saya. Ang malungkot nga nito, marahil ang mga karanasan namin sa paliligo noon sa ilog ay sa kwento na lang mararanasan at maririnig ng sumisibol na henerasyon sa aming lugar.

Marami sa mga makabagong henerasyon sa aming lugar partikular na ang mga kalalakihan na hindi na naranasan o mararanasan pang maligo sa ilog. Katunayan nga niyan, ang dalawa kong anak na lalake ay pinatuli ko noong nakaraang bakasyon. Pero hindi ko sila pinaligo sa ilog para mapabilis ang paggaling ng kanilang sugat. Kung maliligo sila sa ilog, baka imbes na mapabilis ang paggaling ng kanilang sugat ay tumagal pa. Baka nga maospital pa dahil sa impeksyon. Di gaya ng panahon namin, kapag may tinuli siguradong sa ilog magtatampisaw.

Tapos na ang pagtalon, pagtatampisaw at paghahalakhakan sa ilog dahil na rin siguro sa mabilis na paglaganap ng makabagong teknolohiya at pagsabay natin sa globalisasyon. Maging ang ideya nga na nagbubuwis ng buhay ang ilog taon-taon kasama na ring natapos. Siguro sa panahon ngayon, ganito na ang sasabihin ng mga magulang para huwag maligo’t maglaro sa ilog o baha ang kanilang mga anak. Anak huwag kang maglalaro’t maliligo sa ilog o baha, kapag ginawa mo yon, ibibili kita ng iPod o kaya iPhone at kung ano-ano pang electronic gadgets.

Malayo na nga ang ating narating, mula sa mga simpleng bagay at karanasan na nakapagpapasaya sa atin noon hanggang sa mga sensitibo at kumplikadong teknolohiya ngayon. Ang pananakot na nagbubuwis ng buhay ang ilog taon-taon, kung hindi umubra sa amin noon lalong hindi ito uubra sa mga bata at kabataan ngayon. Siguradong pagtatawanan ka kapag sinabi mo ito sa kanila o kaya ay harap-harapang sasabihin nila sa iyo, “nagbubuwis ng buhay ang ilog,” kalokohan! Panahon pa ni kopong-kopong yan o kahit nga ang salitang ito ay di na rin yata nila alam.Kung nakaligtas ka man sa salitang ito siguradong hindi ka makakaligtas sa isang ito, saang nasyon ka ba galing? Kung ganito ang nakikini-kinita mong senaryo, tiyak na hindi mo na tatangkain pang sabihin ito kung may makikita ka mang bata na naliligo sa ilog.

Mahaba na nga ang ating nilakbay mula sa kahapon patungo sa ngayon. Wala na nga sa bokabularyo’t bibig kahit pa nga ng matatanda sa aming lugar ang salitang buwis na nakaugnay sa namamatay dahil sa pagkalunod sa ilog. Kasabay ng lumipas ng kahapon ang salitang nagbubuwis ng buhay ang ilog taon-taon. Magkagayunman, sa iyong bumabasa nito mayroon akong nais ipaabot. Kung may sandaling napaisip at napangiti ka habang binabasa mo ito, hindi ko alam. Kung nakasabay ka sa aking paggunita, hindi ko alam. Kung may masayang karanasan ka kasama ng iyong mga kalaro sa paliligo sa ilog, hindi ko alam. Kung naranasan mo mang maligo sa ilog o hindi, hindi ko alam. Kung mayroon kang pangit na karanasan na may kaugnayan sa ilog na pilit mong kinakalimutan, lalong hindi ko alam. Kung nalimot mo man at ng marami ang buwis na nakaugnay sa ilog. Sana ay huwag mong malimutan ang buwis na nakaugnay sa gobyerno. Magbayad ka ng tamang buwis, tinamaan ka ng magaling!

About "Ka Mike"

cultural enthusiast.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!