“Buntis ako…”

Image by DanEvans via Pixabay

Mga sari-saring pagsabi ng “buntis ako”:

Hon, buntis ako, sana lalaki na para magkaroon na ng kapatid na lalaki ang anim na babaeng anak natin.
– sabi ni misis sa kanyang mister na obsessed magkaroon ng junior.

Beh, buntis ako, paano na ang mga pangarap ko sa buhay?
– malungkot na sabi ng second year college student sa kanyang istambay na boyfriend.

Bes, buntis ako, hindi ko alam kung sino ang ama.
– tulirong sabi ng gabi-gabing puyat na dalaga sa kanyang bestfriend.

Tay, buntis ako, patawarin n’yo po ako.
– sabi ng naglayas at nagsisising anak sa text sa kanyang laborer na ama.

Sa wakas, buntis ako! After how many years!
– post sa FB ng late 30s na corporate lady at sumalang sa in-vitro fertilization sa Singapore.

Mamang pulis, buntis ako, ikulong n’yo siya o kung gusto niya pakasalan niya ako!
– turo ng matabang babae sa nakaposas at nahihintakutang payatot at iniidolong modelo ng brief.

Father, buntis ako, magkukumpisal ba ako?
– usal ng babaeng deboto sa paring nakabuntis sa kanya.

Mayor, buntis ako, itutuloy ko ba ito?
– bulong ng seksing sekretarya sa may-asawang pulitikong dalawang dekada na sa puwesto.

Dad, buntis ako, kailangan ko ng mas malaking apartment.
– saad at hiling ng kabit na batang-batang GRO sa kanyang de-kotseng sugar daddy.

Guys, I’m so buntis, me, look oh, two pulang lines.
– pagmamalaking sabi ng yuppy sa kanyang mga kaibigan habang naghahang-out sa Starbucks Makati.

Doc, really, buntis ako? I hate this!
– hindi makapaniwala at nagtatanong na sabi ng nagpacheck-up na career-motivated woman sa kanyang doctor.

Mam, buntis ako, na gang-rape po ako sa rave party.
– paglalahad ng menor de edad sa kanyang guro sa Values Education.

Hey Joe, buntis ako, I’m pregnant in English, send me money and come home soon.
– video chat ng single parent na pinay sa matandang foreigner na fiancée niya.

Feeling ko buntis ako, nagsiping kami ni Alden Richards kagabi. Charot!
– masayang pagkukuwento ng baklang parlorista sa ginugupitang kliyente.

Pare, buntis ako, natatakot ako baka malaman ni kumpare mo na nasa Dubai.
– nagugulumihang wika ng misis sa kalaguyo na ninong ng kanyang anak.

P’re, buntis ako, Five months! Hahaha!
– intro ng lalaking walang ginawa kundi uminom araw-araw kasama ngkanyang mga barkadang nagsisilakihan din ang mga tiyan.

ed37b30620f61c3e81584d04ee44408be273ead61fb012449df0_640_pregnant
Image by DanEvans via Pixabay

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...