Bukas na Liham para sa iyo, Ging, sa ika-30 Anibersaryo ng pag-iisang Dibdib natin

Tatlumpung taon katumbas ng sampung libo at siyam na raan at limangpung araw  o dalawang daan anim napu’t dalawang libo at walong daang oras o labing limang milyon pitong daan anim napu’t walong libong minuto, ganoon na katagal ang ating samahan bilang mag-asawa. Isang bagay na mahirap abutin ngunit ating narating. Hindi sa kalsadang sementado kundi sa isang mataas at matarik na daanan na puno ng mga bato ng pagsubok at hamon.

Walang perpektong relasyon, lahat ng klaseng samahan ay nakakaharap ng mga bagay na sumusubok na yugyugin ang isang pondasyon na siyang nagpapalabas kung hanggang gaano kayo kakapit sa isa’t isa. Marami na rin naman na ang akala natin na perpektong buhay ng mga tao, kilala man o nababasa natin ay hindi tumatagal at bumibigay sa panahon na tila lumulubog na ang pagtitinginan sa isa’t isa. Kahit gaano ang gusto natin na isang magandang kinabukasan ay kailangan talagang walang sawang panindigan at kapit bisig na pagtulungan para malagpasan ang isang yugto ng bagyo ng buhay. Ang pag-aaway at pagtatampuhan ay parang isang panimpla sa buhay na siyang nagpapasarap kapag naaayos ang lahat.

Samahang sa hirap at ginhawa, sa mga araw na meron ring oras na nadadapa. Ito ang daan na ating tinahak. Sa panahon na tayo ay magkasama, binayayaan tayo ng limang anak na sa ngayon ay tapos na sa kanilang pag aaral. Oo,  marami ang nagtataka kung bakit sa ating maagang pagaasawa at sa sunod sunod na pagkakaroon ng mga anak ay di nila nakikita sa atin ang mga hirap na ating dinaranas sa mga panahong iyon. Sa mga panahon na nagkapatong patong ang mga pagsubok sa atin, sa materyal, pinansyal, emosyonal at samot saring mga problemang sumasalubong sa atin sa araw araw, lahat ay nalampasan dahil sa ating pagsandig sa isa’t isa. Oo, ako ang iyong sandalan at ikaw ang aking kapitan sa mga oras ng unos na dumaraan sa ating buhay. Kahit pakiramdam natin na rumorupok ang pondasyon sa mga nahahalong mga tukso pero hanggang sa huling sandali ay doon pa rin tayo kumakapit.

Ang salitang mahal kita ay hindi kailangan na binibigkas lamang at alam mo ‘yan. Sa bawat gabi bago matulog na ating sinasambit bago pumikit, sa ating paghahawak kamay habang naglalakad sa publikong lugar kahit na tayo ay lilyebo singwenta na, ang mga malalantik na tinginan at ngiti sa isa’t isa sa tuwing meron magpapatawa kahit ilang beses na itong nagawa, sa mga panahon na hindi tayo nahihiya na makita ng ating mga paghaharutan sa harapan ng ating mga anak. Lahat ito ay hindi natin pinagsasawaan na gawin dahil masarap ulitin at gawin ito sa taong kaparte na ng buhay mo.

Sa pagsalubong natin sa bagong liwanag sa ating ika-30th na pagiging mag-asawa ay hindi pa rin natatapos ang mga pagharap sa mga panibagong pagsubok ng ating buhay. Darating rin ang panahon na ang ating mga anak ay magkakaroon ng kaniya kanyang  buhay at sila ay magkakaroon na rin ng sariling pamilya. Tayo pa rin hanggang sa huli ang magiging magkasama at muling gunitain natin ang mga alaalang nagpanday sa atin ng matibay na relasyon.

 

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!