Buhay-OFW: Truths Behind The Lies

Image capture of MTV by Jeff James via GMA Records
Photo credit: www.lifestylefilipino.com

Akala ng marami sa ‘Pinas, masarap ang buhay ng isang OFW. Kaya tuloy ang karaniwang ambisyon ng mga estudyante ngayon ay makapag-abroad pagtapos ng kanilang mga kurso sa college.

Sino nga ba naman ang hindi mahahalina kapag nakikita mo ang mga pictures sa Facebook ng mga OFW na laging nakatawa, magagara ang mga suot at kung saan-saang magagandang lugar nakapapasyal.

Tuloy marami ang maling impresyon ukol sa buhay dito sa labas ng bansa, na akala nila ay isang makabagong ekstension ng paraiso.

Tulad halimbawa ng ipalabas ang pelikulang ‘Dubai’ ni Aga, John Lloyd at Claudine, marami ang humanga sa astetikong kagandahan ng siyudad. Pero hindi naman talaga makatotohanan ang pagsasalarawan ng mga karakter bilang isang OFW sa UAE. Marami ang humanga. Marami ang nagkainteres, pero marami din ang nagsisi nang maranasan ang tunay na buhay sa Dubai. Tsk tsk tsk!

Kaya dahil sa mga larawang nakikita sa FB, sa mga ekseheradong kwento ng ilang kababayan natin at dahil na rin sa pagtatago ng katotohanan ng mga OFW mismo upang huwag nang makapagdulot ng pag-aalala sa kanilang mga mahal sa buhay, maraming kasinungalingan ang nabuo sa isipan ng iba, lalo na dito sa Middle East.

Lie No. 5. Komportable at maalwan ang mga tirahan ng OFW. Siyempre dahil nakatira sila sa flat o villa. Air-conditioned ang mga kuwarto at maraming appliances sa loob. Sa ‘Pinas, astig ka di ba kapag nakatira ka  sa condo? At ang sarap pakingggan kapag sinabing villa. Parang mala-palasyong tirahan ng mga mayayaman.

Truth. Karamihan ng mga nakatira sa flat at villa ay sharing accommodation. Minsan apat o hanggang sampu ang laman ng isang kuwarto, double deck pa. Meron namang may partition na kapirasong dingding para may konting privacy pero kadalasan kasya lang ang isang katre at isang silya. Kung dadaan ka sa hallway kailangan nakatagilid dahil masikip at maximized ang space para maraming makaupa. Pipila ka sa banyo dahil sampu kayong naghihintay na sabay-sabay ang oras ng pasok. Pati kusina hindi pwedeng sabay-sabay magluto at kumain. Kung gutom ka na, ngumatngat ka na lang ng skyflakes.

Lie No. 4. Masarap palagi ang pagkain ng mga OFW. Siyempre dahil nakita sa mga post sa FB yung mga nilutong morcon, crispy pata, lobster at barbecue. Ang mga pagkaing ito ay bibihira lang lutuin sa ‘Pinas dahil mamahalin di ba? Sa abroad madali lang gumawa niyan dahil mura ang bilihin.

Truth. Kung nakakatikim man kami ng masasarap na pagkain, yun ay bibihira lamang. Kalimitan kapag sahod lang at kapag may okasyon. Ang mga nalalabing araw ng buwan ay puspos ng itlog, sardinas, corned beef, 555 tuna at ang walang kamatayang pansit canton. Pinaiikot lang ang mga iyan para hindi naman nakakasawa kung araw-araw naman. Dalawa kasi ang dahilan nito – una, wala na talagang oras magluto, at pangalawa, kapos sa budget lagi. Minsan isang pirasong shawarma at isang basong tubig, talo-talo na ang hapunan. Kaya kung sisilipin mo ang aming cabinet, ito ay mukhang miniature sari-sari-store ng pansit canton at mga de-lata.

Lie No. 3. Maluwag ang oras ng OFW. Kaya nga nakikita mo ang ang picture nila na lagi sa pasyalan at lakwatsa – sa mall, park at beach. Laging nakangiti at parang enjoy palagi ang buhay. Animo’y lingguhan kung magshopping at magaganda ang tanawin sa background ng mga larawan.

Truth. Tulad sa ‘Pinas, otso-oras din ang trabaho namin dito, minsan mahigit pa. Isang araw lang kadalasan ang weekend at kung minamalas ay kailangan pang pumasok ng overtime. Pagdating sa bahay, pagod sa trabaho at sa biyahe dahil matrapik din. Minsan mas pinipili na lang na matulog at magpahinga kahit nakakalimutan nang kumain ng hapunan. Kung makakapag-off naman sa weekend, ginugugol ito sa paglalaba, pamamalantsa at paglilinis kaya halos wala ding pahinga. Dito walang gagawa ng gawaing iyon para sayo, kundi ikaw mismo kaya hindi pwedeng tatamad-tamad.

Lie No. 2. Masaya at masarap ang buhay ng OFW kaya karamihan sa kanila ay inaabot ng maraming taon – sampu, bente o mahigit pa – sa pag-aabroad. Mas gusto na nilang manatili at magtrabaho sa ibang bansa dahil nakasanayan na nila ito at dito sila masaya. In short, ayaw na nilang umuwi pa ng Pilipinas.

Truth.  Sa araw-araw na inilagi namin dito, wala kaming inaasam at ipinagdarasal kundi ang makauwi na sa sariling bansa at makapiling na ang pamilya ng tuluyan, for good ika nga. Pero dahil sa wala talagang magandang option, mas pinili na lang na patuloy na magtrabaho bilang OFW dahil ito lang ang nakikita naming paraan para matustusan ang panagangailangan ng mga naiwan sa ‘Pinas. Isang malaking sakripisyo sa amin ang mawalay sa pamilya, pero mas nananaig ang aming kagustuhan na mabigyan sila ng magandang buhay.

Lie No. 1 (Ultimate Lie).  MARAMING PERA ANG MGA OFW DAHIL MALAKI ANG KANILANG SAHOD. Oo nga naman, dahil sa bawat uwi ay grabe ang pasalubong, kaliwa’t-kanan ang handaan at laging may balikbayan box. Kaya anytime na humingi ang pamilya, kayang-kayang ibigay ang pangangailangan. Kaya okey lang magwaldas ng pera dahil sustentado ng mga kamag-anak sa abroad.

Truth. Suwelduhan din kami dito at buwanan katulad sa’Pinas. Ang ipinadadala namin ay talagang nakalaan na iyan at kung may natitira man para sa amin ay allowance lang sa gastusin sa isang buwan. Sa madaling sabi, budgeted ang pera kaya eksakto lang sa pangangailangan. Kung may emergency sa’Pinas, kandaugaga kami kung saan hahagilap ng pera at kadalasan ay nagungutang na lang para makapagpadala. Ang pasalubong kapag uuwi ay paunti-unting iniipon para hindi biglaan ang gastos. Kung hindi man mapagbigyan minsan ang mga kahilingan ng kamag-anak, simple lang ang dahilan – wala talagang pera kaya sana ay maunawaan dahil mas mabigat sa loob namin kung wala kaming naibibigay.

Hindi ito isang panunumbat kundi pagsiswalat lamang ng katotohanan ng buhay ng isang OFW. Wala kaming ninanais kundi ang tuparin ang pangarap namin para sa aming pamilya. Kaya ginagawa namin ang lahat para magsakripisyo kahit hindi na naming ito ipinaparating pa sa aming mga naiwan sa ‘Pinas.

Kaya kung nakita n’yo sa picture ni nanay, tatay, ate, kuya, pinsan at kamag-anak na OFW na nakatawa at nakangiti sila doon, huwag kayong maniwala. Iyon ay isang huwad na ngiti at kasinungalingan.

Dahil ang tunay na kaligayahan ng isang OFW ay wala dito sa abroad, kundi sa piling ng aming minamahal.

Para sa ating mga OFW!

About necessary_evil

The fact that no one understands you does not make you an artist! You can visit my website: http://retroandsoul.wordpress.com/ and my Facebook page Retro and Soul : https://www.facebook.com/retroandsoul?ref=hl
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!