Breaking the stigma of Mental Illness

Sa totoo lang, wala silang pakundangan. Ipakita mo man ang lagay mo o maging mga record ng pagpapa-therapy mo, mga reseta mo na ikaw ay sa isang psychiatrist na nagpapatingin ay sige pa rin sila sa pag-trigger sa iyo. Gawa nga na ang Mental Illness ay itinuturing na “The Invisible Illness” ay pakiramdam nila ay ok ka lang kahit emergency na ang pakiramdam mo dahil hindi mo na mawari ang narararmdaman mo. Porke wala kang bali, sugat o dugo sa katawan kung hindi ka rin lang naman suicidal ay wala. Wala kang mapapala sa iba, iyon ang masakit na katotohanan.

Ako si Karla Katrina, isa akong single parent of three, isa akong tattoo collector at muling bumabangon sa negosyo at  isa ako sa tinamaan ng ganitong sakit.

Mayroon akong Major Depressive Disorder, Obsessive Compulsive Disorder at Bipolar Disorder Type II. Maaari pa ngang mayroon pa akong ibang sakit na hindi pa diagnosed sa ngayon dahil hindi naman sumasapat ang higit sa dalawa o tatlong oras kada therapy mo na ma-diagnose ka sa pag-uusap n’yo ng doctor mo. Mga ilang balikan pa at pag-uusap hanggang sa ma-diagnose ka kagaya sa kaso ko.

Noong huli akong nag-blog patungkol sa ganito ay hindi pa ganoon kalala ang pakiramdam at lagay ko. At hindi ako regular kung magpatingin sa psychiatrist at hindi din regular ang pag-inom ko ng mga gamot ko kaso kinailangan na rin dahil unti-unti ay nagbabago na ako. Nararamdaman kong hindi na ako nagiging productive at mayroon nang hindi mawari sa pakiramdam ko.

Mula sa Clonazepam, Escitalopram, Clozapine, Olanzapine, Mirtazapine, Aripiprazole, Sertraline, Levomepromazine at Divalproex Sodium ay nasubukan ko na lahat na inumin. Ko-quota na ako sa dami ng tranquilizer, mood stabilizer at mga antipsychotic drugs na iniinom ko, bumuti lang ang lagay ko. O makatulog man lang at gumising na mapayapa ang pag-iisip.

At siyempre, lahat yan ay may side-effects. Kaso mas mainam mabuhay na may gamot kaysa sa wala. Isa sa pinaka grabeng epekto ng mga sakit ko ay kinailangan muna naming maghiwalay ng mga anak ko dahil sa hindi ko na sila kaya pang alagaan pansamantala habang hindi pa nakakasanayan ng katawan ko at hindi ko pa nakukuha ang ika nga ay tamang timpla ng mga gamot na para sa akin para mas maging stable ang lagay ko.

 

“BAKIT SILA GANOON?”

Iyan ang lagi kong tanong sa isip ko para sa mga taong kung magsalita sa akin ay kahit aso ay hindi kayang kainin. Kaunting palugit at pag-unawa lang naman ang hinahangad ko dahil hindi na talaga kinakaya ng utak ko ang lahat. Nagsimula ang depresyon ko sa pagkakabaon ko sa utang lalo na sa utang na loob na halos hindi na ako pinalaya ng iba dito.

May mga panahong may gamot para makatulog pero hindi ko na kayang itulog, may mga panahon din na nagugutom ako pero walang ganang kumain o isusuka ko rin lang at ang pakiramdam na lagi akong may sakit at yung tinatawag nga na racing thoughts, ke gising ako o hindi ay ganoon ang utak ko, hyper at iyon ang pilit na ginagamot sa akin, ang kumalma.

Sa totoo lang, hindi ko naman ginagawang palusot ang kalagayan ko. Umaabot lang din talaga ako sa punto na kahit sarili ko ay hindi ko na maintindihan at hindi ko na rin alam ang mga sagot sa mga tanong. At hindi ko malaman na kung kung kelan kalmado na ako ay saka magsasabay-sabay ang dating ng mga problema.

SUICIDAL THOUGHTS

Oo, umabot na ako sa ganyan na dati ay hindi naman. Madalas nakakarinig na ako ng mga boses na tumalon na lang sa tulay o mag-overdose. Minsan nga natatawa na lang ako, ano ba ang i-ooverdose ko eh minsan nga wala akong pambiling gamot! Mas tinitindihan ko pa ang kapit ko kapag inaatake na ako ng ganoon lalo na noong naospital ako.

Sa kadahilanang doon ko napatunayan na sarili ko lang ang tutulong talaga sa akin. May isa akong kaibigan na sumama sa akin sa ospital at nung kako ay umuwi na siya dahil hinihintay nga pala siya ng anak niya ay ang tanong niya sa akin ay, “Paano ka?”

Buti pa siya naisip pa iyon, samantalang iyong mga nilapitan ko ng tulong noon na nagmakaawa pa ako ay pinaglaruan lang ang sitwasyon ko. Isinabay pa ang sisi at pakikipagtalo. Napakasakit, napakabigat sa pakiramdam. Ang laman ng utak ko noon ay magpakatatag dahil ayan, nakita ko na na ano man ang mangyari ay wala akong bilang sa kanila.

HINDI MO MAPIPILIT ANG TAO NA UMASTA O MAG-ISIP SA PARAANG INAASAHAN MO KAHIT NA NASASAKTAN KA NA AT NAKAKARAMDAM NA NG AWA SA SARILI…

Iyan ang isa sa itinuturo sa amin sa bawat therapy namin, ang maging matiyaga na hintayin na mag-heal kami sa mga pinagdaanan namin at patawarin na lang ang mga taong nagdulot sa iyo nang paglala ng kalagayan mo. At oo, may utang ka man sa kanila o utang na loob ay makakabuti na minsan ay i-ignore mo din sila. Maging mabait ka sa sarili mo kesa saluhin mo lahat ng sakit samantalang wala ka ngang magagawa pa sa ngayon kaya huwag na munang ipilit dahil kahit ano pang paliwanag mo, mas masasakit pa rin ang sasabihin sa iyo, patindi nang patindi. Minsan nga hindi na tao ang tingin ko sa sarili ko, o parang balewala na lahat ng naririnig ko, manhid na ako na ewan pero hindi ko naman masabing manhid nga talaga dahil nasasaktan pa din ako at umaasa na may darating din na iba pang mas makakaunawa sa akin bukod sa mga kagaya ko din ang sakit at pinagdadaanan.

ANG PAKIKIPAGLABAN SA SAKIT NA ITO…

Ang hirap, kung mayroon pang lalagpas sa salitang mahirap o napaka hirap ay iyon na siguro iyon. May mga pagkakataong ni hindi ko kayang bumangon o maligo pero hihintayin ko ang buwelo ko kasi kailangan ko pa rin na maghanapbuhay para sa mga anak ko, sa pantustos sa mga gamut ko at para sa mga utang ko o personal na obligasyon sa ibang tao. Ang tatlong mga anak ko ang determinasyon ko sa pakikipaglaban sa sakit na ito lalo na sa mga panahong nawawalan na ako ng pag-asa at gusto ko nang mamatay. Inaalala ko na lang ang mga salita nila na sa murang edad nila ay sinasabi nilang magpakatatag ako.

Isa rin sa masasabi kong stronghold ko ay ang mga tunay kong kaibigan na sa meron at sa wala ay andiyan para sa akin at pilit na umuunawa at rumerespeto sa damdamin ko. Sa totoo lang, nasa puso ko maging ang pinaka maliit na mabuti magawa para sa akin ng ibang tao.

ALAM KONG WALANG LUNAS ANG SAKIT NA ITO PERO BAKIT PA DAW AKO NAGPAPAGAMOT?

Ang mga gamot ko ang dahilan kung bakit buhay pa din ako ngayon at nababasa mo ito. Ito kasi ang nagsisilbing mood stabilizer ko o antipsychotic. Para na rin malabanan ko ang sobrang kalungkutan, anxiety o mga suicidal thoughts ko. Parte na rin talaga ng sakit na ito ang maging sobrang anxious ka. Iyong tipong katapusan na lagi ng mundo lalo at lapitin ako ng problema. Iyong tipong nagkakalma ako ng sarili saka naman magsasabay-sabay ang dating ng lahat. At hindi rin biro ang libo-libong halaga ng pagpapatingin at mga gamot mabuhay lamang. Oo, inaamin ko minsan ayaw ko nang magising pa pero kailanman ay hindi ako nag-self harm. Sa tuwing makakaisip ako ng dilim sa utak ko ay mas lalo akong nagiging busy o inililigo ko pero pag hindi talaga kaya ay dapat maging sedated ako. Nakakapagod ang sakit na ito sa totoo lang. Paulit-ulit, pabalik-balik at pakiramdam ko pinaglalaruan ako ng tadhana. Switch na nga ang tingin ko sa sarili ko na puwedeng naka-on at naka-off.

May mga pagkakataong hyper ako at tila ba walang makakasira ng mood o araw ko tapos ilang minuto lang ay iba na naman ang pakiramdam ko, diyos ko talaga! Minsan naman kulang na lang pati bubong ng unit ko ay linisan ko na sa sobrang sipag ko at minsan naman halos ayaw kong kumilos at kung anu-ano ang tumatakbo sa isip ko. May mga pagkakataong kahit tulog ako ay ang mga racing thoughts ko pa rin ang laman ng panaginip ko.

Sa mga ganoong punto ay nag-iiiyak na ako, tumatalon o sumisigaw sa unan na patahimikin naman na sana ang utak ko at pagod na pagod na ako. Kapag maluwag na ang loob ko ay kinakaya kong mag-ayos ng sarili para maayos-ayos naman akong haharap sa tao ngunit minsan hindi kayang itago ng mga mata ko at ng aura ko ang nararamdaman ko.

Madalas kong sabihin na peste ang sakit na ito. Kalmado din naman sana ako kung wala lang ang mga trigger sa akin. May mga pagkakataong nagmamakaawa na ako sa kanila pero sige pa rin, iyon ang nagdudulot ng awa sa sarili sa akin o minsan ay galit, na parang sino ba sila para ganunin ako o tratuhing parang hayop sa kabila ng pagmamakaawa ko at pagpapaintindi sa kanila ng lagay ko ay wala pa rin.

Minsan naman naikukuwento ko na pala ang buahy ko sa iba nang hindi ko namamalayan, minsan maluwag sa pakiramdam, minsan naman may guilt pagkatapos. Ewan ko ba, hindi ko din mawari. Ang alam ko lang ay pagod na pagod na ako sa sakit ko na paulit-ulit na lang. Wala naman akong choice kundi maghintay na umepekto na nang tuluyan ang mga gamot sa sistema ko.

PAANO KO IPINAPAUNAWA SA IBA LALO NA SA MGA ANAK KO ANG KONDISYON KO…

Nakakatuwang isipin na sa pagiging prangka ko ay madali akong nauunawaan o matanggap ng iba. Maging  mga anak ko ay iniisip lamang na ito ay simpleng sakit na gagaling din at magiging maayos din ang lahat sa katagalan. Ang mga taong patuloy na sumusuporta sa akin at rumerespeto ano man ang kondisyon ko ay patuloy na pinaghuhugutan ko ng lakas ng loob sa pakikipaglaban sa sakit na ito at siya rin na minsan na nagpapaganda ng araw o gabi ko sa pagtulog.

PARA SA IYO NA NAGBABASA NITO…

Parehas ba tayo nang nararamdaman? Diagnosed ka man o hindi ay binabati kita na nababasa mo pa ito. Ibig sabihin ay kagaya din kita na kung tawagin ay warrior. Minsan nga nahihiya na akong magpayo lalo at marami ang humihingi sa akin nito dahil ako mismo ay nawawalan na rin ng pag-asa, hindi na ako kagaya dati na sobra kung sumuong sa laban at problema. Ang natutunan ko lang ay puwede rin naman pala akong magpahinga, huwag mag-isip at kayanin unti-unti ang mga bagay na dati ay madali lamang sa akin. Natutunan kong mahalin at alagaan ang sarili ko at higit sa lahat ay ang maging mabait sa sarili.

PAANO NGA BA YANG SINASABING MAGING MABAIT KA NAMAN SA SARILI MO?

Ano man ang sitwasyon mo sa ibang tao ay huwag na huwag mo silang hayaan na tapak-tapakan ka, lumaban ka sa tamang paraan gaano man kalaki ang utang na loob mo sa kanila. Hindi mo kinakailangang maging bastos, bagkus kung naipaliwanag mo na nang maayos ang laman ng puso mo at sige pa rin sila sa pambababahura at pangungutya sa iyo ay huwag mo na silang kausapin muna. Ipahinga mo pansamantala ang isip mo, umiyak ka kung kinakailangan at tandaan mo na minsan ay ok lang na hindi ka ok. tanggapin mo ang sarili mo, malay natin bukas makalawa ay magiging maayos ang pakiramdam mo hindi ka man tuluyang maghilom.

Muli, maraming salamat sa oras mo sa pagbabasa at sana sa munti kong paraan na magsulat ay kahit paano ay natulungan kita o napagaan ko ang loob mo.

Binabati kita sa pagsilay mo sa panibagong araw sa buhay mo…

 

About hellraiser1117

Sabi nga nila may sarili akong mundo. Malalim depende sa tumitingin pero madalas hindi nila ako masakyan o maarok. Ang katahimikan ng gabi ang pinaka gusto ko sa lahat, pakiramdam ko andoon ako sa mundo kong ako lang yata ang mayroong ganoon. Hindi naman sa lahat ng oras ay dapat bumabase ang pakiramdam at pananaw natin sa klase ng basehan ng mga tao sa paligid natin sa kung ano ang tama o kaaya-aya sa paningin nila. Dahil pag dumating na ang dilim, ikaw lang mag-isa ang andyan. Maaaring ang mga bagay na hindi mo naiintindihan pero tinatanggap mo na lang ang maging karamay mo pero tuloy-tuloy ka lang hanggang may liwanag na ulit at pag bayad na ang kuryente niyo. Malamang naputulan lang kayo. But wait, there's more! Ah oo ganyan ako, 'yung madadala ka sa lalim ko tapos biglang magiging gago. 'Yung paiyak ka na sana eh kaso naudlot pa. Kaya nga kung tawagin nila ako eh baliw, bipolar, topak, gaga o siraulo. Kahit alin doon ok lang, ganoon din naman ang tingin ko sa kanila kaya quits lang hehe! Tara! Yosi at kape muna...