“BOKNOY”

1378897_1388685778032280_1533985771_n

 Siya si Benjamin Gascon o Boknoy. Edad otso. Tipikal na batang lumaki sa mahirap na pamilya. Walang maayos na trabaho ang mga magulang. Halos ang butihing ina lamang niya na si Aling Corazon ang madalas kumayod. Bukod kasi sa laseng…gero ang amang si Mang Gustin, ay nuknukan pa ito ng katamaran.

Panganay sa apat na magkakapatid si Boknoy. Na sa murang edad, ay namulat na rin sa pagtatrabaho. Madalas na palakad-lakad siya sa lansangan para mamulot ng mga bagay na puwedeng ikalakal. Nariyang pati mga basurahan sa lansangan ay kinakalkal niya makakita lamang ng plastic o bote na puwedeng ipagbili sa junkshop! Sa edad niyang iyon, minsan lamang nakatuntong ng paaralan si Boknoy, nung Kindergarten siya.

Mula noon, hindi na siya ulit pumasok sa eskuwelahan dala ng kakapusan sa pera. Kaya sa murang edad, pati responsibilidadna dapat ay ang amang si Mang Gustin ang gumagawa ay sakanya napunta. Sa araw-araw na pangangalakal ni Boknoy sa lansangan, malaki na para sakanya ang 50 pesos na kikitain niya sa isang araw. Na siyang ipambibili niya ng isang kilong bigas at yung matitira, ipagkakasya niyang ipambibili ng tinapay para sa mga kapatid niya na pasalubong pag-uwi ng bahay.

Minsan, sa paglalakad ni Boknoy para humanap ng bote’t plastic, ay di-sinasadyang nagawi siya sa pampublikong paaralan sa lugar nila. Saglit siyang napahinto habang isa-isang pinagmamasdan ang mga mag-aaral na labas-masok sa eskuwelahan. Nakaramdam siya ng inggit sa mga mag-aaral. Na ang iba ay inihahatid pa ng mga magulang nila. Naisip niya na sana, kagaya rin siya ng mga batang ito. Na nakasuot ng uniporme, may magagarang bag at ang ilan ay may dalang lunchbox pa. Biglang naawa sa sarili si Boknoy. May namumuong mga luha sa mga mata niya habang nakatanaw sa mga mag-aaral.

Noon pa niya gustong pumasok ulit sa paaralan. Madalas na pag-awayan nila ito ng amang si Mang Gustin, tuwing papakiusapan niya ang mga magulang na ipasok ulit sa eskuwelahan…

“Tay, Nay, puwede po bang sa susunod na pasukan, mag-aral ulit ako,” Sabi noon ni Boknoy sa mga magulang habang sila’y naghahapunan. Tinitigan siya ng matalim ng ama. Sabay sabing: “Mamulot ka na lang ng mga bote’t plastic at nang may pakinabang ka naman! Halos wala na nga tayong makaen, iyan pang pagkakagastusanang iniisip mo. Saka, yang utak mo wala rin laman kaya bakit ka pa papasok sa eskuwelahan?”

Napayuko si Boknoy. Pinipigilan niyang huwag umiyak sa harap ng mga magulang. Lalo na sa kanyang ama, dahil pihadong sasaktan ulit siya nito pag umiyak siya. Samantalang tahimik lang ang inang si Aling Corazon.

Kapag nag-iisa na lamang si Boknoy, saka siya humahagulgol ng iyak. Hindi niya magawang magalit sa kanyang ama. Dahil kahit ganun ang trato nito sa kanya, Mahal na mahal pa rin niya ang kanyang Ama. Pero mali ang akala ng kanyang amang si Mang Gustin. Hindi totoong mahina ang ulo niya. Katunayan nung nasa Kindergarten siya, grumadweyt siya noon na third honor. Naalala pa niya nung panahon na tumuntong siya sa entablado para sabitan ng medalya kasama ang kanyang Ina. Wala noon ang kanyang Ama na sa kalasingan ay naabutan na lang nilang mag-ina noon na nakatulog sa may tarangkahan ng bahay nila. Pangarap ni Boknoy na maging Piloto paglaki niya. Madalas na laruin nila ng kapitbahay niyang si Jay-Jay ang eroplanong papel. Nasabi niya rito na kapag naging piloto siya, isasama niya ang kaibigan sa paglibot sa buong mundo.

Magkasing-edad sila ni Jay-jay. Ngunit mapalad ito dahil nakakapag-aral ito. Grade-two na si Jay-jay. “Noy, bigay ko na sa’yo tong papel at lapis ko sayo. Para kapag wala kang ginagawa, magpraktis kang magsulat,” Isang araw ay sabi ni Jay-jay sakanya sabay abot sa hawak nito. “Hindi ka kaya pagalitan ng Nanay mo pag binigay mo sa’kin to, Jayjay?” Nagdadalawang-isip na tugon-sagot ni Boknoy. “Hindi a. Saka, si Nanay pa nga nagsabi sakin na ibigay ko ito sayo. Binilhan kasi ako ng bago ni Nanay kanina,” nakangiting sagot ni Jayjay. Nagpasalamat si Boknoy. Hindi ito ang unang beses na binigyan siya ni Jay-jay ng gamit sa eskuwelahan.

Marami na rin itong naibigay sakanya na gaya ng pinaglumaan nitong Libro, Crayola, Notebook, at kung anu ano pa. Na siyang pinagkakaabalahan niya kapag tapos na siya sa pamumulot ng bote’t plastic. “Sabi ni Nanay, sayang daw na hindi ka nakakapasok sa eskuwelahan. Kasi, matalinong bata ka raw. Kung lumaki-laki pa raw ang kinikita nila sa gulayan, baka sina Tatay at Nanay na raw magpaaral sayo,” Isang araw ay sabi ni Jayjay sa kanya. Naroon silang magkaibigan sa paborito nilang tambayan. Malungkot na napatingin sa malayo si Boknoy. “Masuwerte ka Jay-jay, kasi kaya kang pag-aralin ng mga magulang mo. Saka, kahit panu nabibili nila yung mga gusto mong laruan. At higit sa lahat, hindi ka gaya ko na araw-araw nangangalakal sa lansangan,” mangiyak-ngiyakna turan niya. Inakbayan siya ni Jay-Jay. “Sabi ni teacher Ana, ang mga batang mababait raw, ay pagpapalain ni Jesus. Kaya alam ko na darating ang araw, makakapasok ka ulit sa eskuwelahan, Noy!” nakangiting sabi ni Jay-jay. Muling napadaan si Boknoy sa harapan ng eskuwelahang iyon ng umagang iyon. At gaya ng malimit gawin, mataman niyang pinagmamasdan ang mga mag-aaral na labas-masok sa eskuwelahang iyon na may kasamang inggit. Gustong gusto na niyang muling mag-aral. Dangan nga lamang at walang sapat na pera ang mga magulang niya. Sa pagkakataong iyon, di na napigilan ni Boknoy na mapaiyak dahil sa pagkahabag sa sarili.

Walang ibang inaasam-asam ang batang puso niya kundi ang muling makatuntong ng paaralan. Sa murang edad, marami ng binuong mga pangarap si Boknoy sa isip niya. Una na rito ang maiahon sa kahirapan ang mga magulang at tatlong mga kapatid. Nasabi niya sa sarili na hindi magagaya sakanya ang mga kapatid niya na hindi nakapag-aral. Kasalukuyang naglalakad si Boknoy sa gilid ng kalsada ng hapong iyon. Kagagaling lang niya sa pangangalakal at dahil malaki ang napagbentahan, marami siyang nabiling pagkaen na pasalubong sa mga kapatid niya. Masaya si Boknoy ng araw na iyon. Alam kasi niya na matutuwa ang mga kapatid niya sa kanyang pasalubong.

Tatawid na sana siya nang walang anu ano’y may kotseng humaharurot sa takbo ang biglang humagip sa kanya. Tumilapon siya at unang tumama ang ulo niya sa semento. Nagkagulo ang mga tao sa paligid at huli na para dalhin sa ospital ang kahabag habag na sinapit ni Boknoy. Dagli itong binawian ng buhay! Walang humpay sa pagtangis ang mga magulang ni Boknoy sa sinapit na yun ng bata. Lalo na ang kanyang ama na puno ngayon ng pagsisisi. Lalo na nang matagpuan nila ang mga tinatagong sulat ni Boknoy kasama ang isang malaking piggery bank na naglalaman ng mga barya na pinaghihirapangipunin ni Boknoy mula sa araw araw na pangangalakal. Anang isang sulat ni Boknoy: “Naiintindihan ko kung bakit hindi ako kayang pag-aralin nina Itay at inay. Kahit naiinggit ako sa mga batang pumapasok sa eskuwelahan, lalo na kay Jay-jay, ay di ko pa rin magawang magalit. Sa tuwing napapadaan ako sa eskuwelahan, di ko maiwasang maiyak dahil sa awa sa sarili. Kaya mag-iipon ako ng pera para balang-araw, makapasok ulit ako sa paaralan gaya ni Jay-jay.

Marami kasi akong mga pangarap para kina Itay at Inay. Lalo na sa mga kapatid ko. Gusto ko mabigyan ang itay at inay ng magandang bahay. Hindi gaya ng barung barong naming bahay. Naaawa ako kay Itay at Inay tuwing bumubuhos ang ulan. Hirap sila kung paano gagawin para matakpan ang mga butas sa bubungan ng bahay. Naaawa rin ako sa tatlo kong mga kapatid na halos sumasala lagi sa pagkaen. Ni wala silang maayos na damit na maisusuot. Kaya magpupursige ako na makaipon ng pera para may pantustos sa pag aaral ko. Kahit mahirapan ako sa pamumulot ng mga bote’t plastic sa lansangan. Tama ang sabi ng teacher Ana ni Jayjay. Pinagpapala ni Jesus ang mga batang mababait!”

 Note: This is merely fictional. Hindi ko po ito hinango sa tunay na buhay. Ito’y kathang isip ko po lamang. Enjoy reading! ????

About Orlie Jacob

Isang simpleng "Tea Boy" sa Gitnang Silangan na nagbabakasakali na sa bansang Arabo matagpuan ang suwerte. Tatlong taon nang OFW at tanging pagsusulat ang libangan at talentong p'wedeng ipagmalaki. Sa pagsusulat, nagkakaroon ako ng sarili kong mundo kasama ang aking mga "IMAGINARY FRIENDS". Dati na rin akong nakapagsulat sa "LIWAYWAY MAGAZINE" at bukod sa pagba-blog, nagsusulat din ako ng Nobela sa Wattpad. Kung bibigyan ng pagkakataon, nais kong buhayin ang LITERATURANG PILIPINO sa pamamagitan ng aking mga akda na maiikling kuwento. Idolo ko sina Ginoong Efren Abueg, Ginang Lualhati Bautista, Bob Ong, at iba pang batikang manunulat sa ating bansa. Nawa'y maibigan n'yo rin ang bawat akda ko rito sa Definitely Filipino!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!