“Biyaya ng Tunay na Pagkakaibigan”

Mahalaga sa buhay natin na magkaroon man lang nang kahit isang tunay na kaibigan. Yung kaibigan na may malasakit sa’yo. Yung mahalaga ka. Yung mahal ka.

Isang taon na ang lumipas. Sa takbo, hindi mo na kailangan kumaripas, dahil huli na. Huli na para gawin ang mga bagay na hindi mo nagawa noong nakaraang taon. Pero huli man daw at magaling, maihahabol din. Dahil sa totoo lang, panahon lang ang nagbabago: Yung petsa. Yung araw. Yung taon. Pero yung tao, at ang mga pangarap niya at mga gusto niyang gawin, kailanma’y hindi yun mababago ng panahon.

Ang ibig kong sabihin, isang taon – isang tao, at ikaw ‘yun!

Ano nga ba ang mga makabuluhang bagay na ginawa mo sa loob ng isang taon? May mga pangyayari ba’ng maganda at hindi maganda at naharap mo ‘to nang taos-puso? O tagos sa puso? Mas marami ba’ng oras na nakita mo ang sarili mong tumawa? O nagdurusa? May minahal ka bang mas lalo mong minahal? O mas pinili mong palayain siya? Dahil hindi na masaya? Pero sa dami ng katanungan ko’ng ‘to, isa lang naman talaga ang gusto kong itanong? “Naging mabuti ka bang tao?” Higit sa lahat, “Naging mabuti ka bang kaibigan?”

Dahil sa pagkakaalam ko, lahat tayo ay “kaibigan”. Ang pagkakaiba lang ay kung anong klase kang kaibigan? Dahil kung hindi ka kaibigan, malamang ikaw ay kaaway. O kaway-kaway lang. Walang personalan. In English, “no personal attachment”. Kahit nabilaukan ka pa habang kumakain, walang magdadala ng isang basong tubig para sa’yo. O habang naglalakad ka at ikaw ay natapilok, walang kamay na sasaklolo sa’yo. O yung madaling araw na at hindi ka pa makatulog, walang makikipagkuwentohan sa’yo – sa fb, twitter, viber, messenger, o text-text sa celfon mo. Dahil wala – wala kang kaibigan.

Mahalaga sa buhay natin na magkaroon man lang nang kahit isang tunay na kaibigan. Yung kaibigan na may malasakit sa’yo. Yung mahalaga ka. Yung mahal ka. Yun lang ‘yon sana, pero minsan, ‘yun pa ang mahirap gawin – ang maging totoong kaibigan.

Isang malaking karangalan at biyaya sa buhay ko ang magkaroon ng maraming-maraming mabubuti at totoong kaibigan. Sila ‘yung mga kaibigang nakagisnan ko simula pa pagkabata, hanggang sa kasalukuyan. Mga kaibigan ko mula Kindergarten, Elementary, High School, College, at mga pagkakaibigang nabuo habang nakipagsapalaran ako sa iba’t-ibang trabaho, gayun din dito sa Social Media bilang Nomatterwhat143 at yung pinaka-kwela sa lahat, bilang si #indayluwag.

 

Isang taon – isang tao – isang kaibigan, at ikaw ‘yun!

Hindi naman mahirap maging mabuti at totoong kaibigan. Pero ‘yung maging kaaway – masamang kaaway, ‘yun ang mahirap, lalo na’t minsan, siya ay iyong naging kaibigan.

Pero huwag na nating ungkatin, ang ugat at puno’t dulo. Tapos na. Nangyari na. “Nagkapatawaran, nagkalimutan” na nga, ‘di po ba?

Importante ang ngayon. Yung isang taon na lumipas ay bahagi na ng kahapon. At sa bawat kahapon, laging may itinuturong leksyon. Nasa sa’yo kung ikaw ay natuto dito o, nauto? Haha. ‘Papatawa lang. Ako k’se ang tipo na kaibigan na puno ng katatawanan. Laging may baong “joke” sa bulsa ko. Yung tipong wala kang mahuhugot na piso, pero meron namang pampaluwag-loob na biro (joke).

Kaya ang payo ko sa sarili ko at sa ‘yo bilang kaibigan ko: “Maging mabuting kaibigan. Kaibigang totoo. Hindi sumasalungat. Nakaraa’y hindi inuungkat. Dahil kaibigan, lumipas na ang isang taon. Ang hinaharap natin sa mga oras na ‘to ay ang ngayon – ang ngayon na punumpuno ng pag-asa. Maaga pa para mapariwara. Haha. Kaya sa ’yo kaibigan, “Cheers!” Huwag pahalata na tayo ay tumatanda na pala. Haha. Importante ang puso mo – ‘pusong bata, pusong masaya’. ‘to ang gusto para sa atin ni Santo Papa, to become a happy being.”

#indayluwag

Iba pa rin ang hatid na saya, kung may mga taong sumaya, dahil sa ’yo – dahil isa kang mabuting tao at kaibigan. Kaya kaibigan, huwag sayangin ang oras at panahon.

Umpisahan na nating bumuo ng alaala.

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!