“Biyaheng Cebu Safari”

 

 

Dati sinabi ko, “Saan man ako ipadpad ng hangin, doon ako hihinga…”

Nakarating na ako kung saan-saan. Naibaling ko na aking pagtingin kung kani-knino, pero ang puso ko, bakit laging bumabalik sa’yo? Doon ko pa mismo naitanong sa aking sarili habang binabagtas ang ekta-ektaryang lupain sa loob ng “Cebu Safari and Adventure Park”. Sa magagandang tanawin, mata ko’y namangha. Natulala. Parang dati lang kung saan kaharap kita. Kasama. Lagi akong namamangha. Laging natutulala. Dahil ang isang tulad mo ay parte ng buhay ko, at mahal na mahal ako…

At sa aking paglalakad, doon sa pugad ng iba’t ibang klase ng ibon ako ay napadpad. Pero ang mga ibon doon ay malayang lumilipad sa loob ng Aviary. Nakakulong mang maituturing, pero hindi umiiyak. Sa mga red Parakeets, ika’y maaakit. Masaya sila at nagpapasaya, Habang malayang kumakain ng Mangga sa palad mo. At sa mga Makaws, ikaw ay mapapa-Wow! “Sana nga Makaw na lang ako. Gusto ko na ring makawala sa alaala mo.” Haha.

 

Paano? Tanong ko sa malalaking puno. Dahil kung ang pagmamahal ko ay binhing naitanim dito, siguro isa na rin itong matayog na puno. Punong punumpuno ng mga alaala – masalimuot man o masaya,  doon pa rin tayo huhugot ng lakas, “dahil malayo-layo pa ang tatahaking landas. Mag-ingat baka kayo madulas!”– Hirit ng isa sa kasamahan ko sa trabaho!

Okay lang naman siguro madulas lalo’t ikaw ay nasa labas, yung tipong nasa gitna ng maraming tao, tiyak sa’yo ay may sasalo. Pero ‘yung sa’kin hindi lang ako basta nadulas. “Nahulog ako. Hulog na hulog, sa’yo…”

 

At sa isang matsing na naglalambitin, kumakain ng saging, gusto kong maglambing! Naalala ko tuloy  kasabihan sa Bisaya ‘yung “Bahala’g saging, basta loving!?” Kasabihang hindi dapat iasa ang kinabukasan ng isa’t isa. Try n’yo kaya kumain ng saging umaga, tanghali, gabi tingnan ko kung hindi kayo mapabilang sa mga tsonggo  sa Safari! Haha. Kaya pag kasama sila, “Bawal ang nakasimangot!” Haha.

Pero paano ka naman sisimangot sa ganda ng palibot? Walang araw na masisira, o ulong mauuto dito sa kung saan ako nakatayo. Mabilis lang ang isang segundo, paglingon mo may nakatingin na sa’yo. Isang Llamang nagpapa-kyut! Kung makatingin ang lagkit at nakangiti pa.  “Nakakawala ng problema…”

 

 

 

 

Sa anim na suggested routes sa loob ng Cebu Safari, apat lang napuntahan ko. Hindi ko naman k’se kailangang makita lahat. Ang mga naabot ng aking tanaw ay sapat na para sumaya at magpasalamat sa Kanya na siyang nagmamay-ari ng lahat: “Sa mga luntiang dahon, sa huni ng mga ibon, sa matatayog na puno, sa mga bulaklak na sumusuyo, sa preskong hangin na humahalik sa ating mga pisngi, lahat ‘yon laging magpapa-alala kung gaano Niya tayo kamahal…”

Pero ano nga ba ang aking mga munimuni  sa Cebu Safari noong Easter Sunday?

“Tinanong ko lang sarili ko, sino nga ba ako? Ano ba ang papel na ginagampanan ko sa mundong ‘to? Bakit sa kabila ng aking mga tawa ‘di ko pa rin mapigilang lumuha? Ano ba ang mga pagkukulang ko na hindi ko napunan man lang sa abot ng aking makakaya? Bakit nakukuha pa rin akong saktan, hangad ko lang naman ay mahalin? Ng tapat, totoo, sagad sa buto? 

Habang tinatahak ko ang daan sabay hinto, doon ko napagtanto…Ako ay isang tagpi-tagping pangarap. Pira-pirasong puso…Nakatingin sa malayo. Nag-iisip ng malalim. Sobrang lalim, malulunod lahat ng alpabeto. Lahat ng nararamdaman. Lahat ng ibig sabihin. Magdidilim ang paningin dahil sa mga luhang unti-unting mamumuo sa mga mata mo. At sa pagpatak nito, makikiiyak ang mundo sa’yo. Makikidalamhati…”

Kaibigan, tandaan mo, hindi ka nag-iisa. Lagi sayo ay may makaka-alala, dahil mahalaga ka. Hindi man sa paningin ng taong minamahal mo, sa paningin naman Niya, na laging nagmamahal sa’yo, tayo ay nakakasiguro.

Tahakin natin ang landas patungo sa bahaghari. Doon, walang sawi. Wala ring wagi. Walang ikaw. Walang ako. Walang tayo. Walang wala. Ano lang meron? Sarili mong nabuo at ang limang Easter munimuni quotes galing sa’king puso.

“Walang bagay na walang kuwenta, kung marunong kang magpahalaga.”

“Kung lagi kang nakakaalala, walang dahilan para kalimutan ka.”

“Kung sa matinding pagkakamali ikaw ay natuto, hindi ka na basta basta mauuto.”

“Walang malaki o maliit na bagay, kung ang pagtingin na ibinibigay mo dito ay pantay pantay.”

“Ang pagmamahal na kusang ibinibigay at walang hinihinging kapalit, ‘yun ang klase ng pagmamahal na hindi ka ipagpapalit.”

Kaya mga ka-DF, huwag magmukmok. Umiwas sa walang katapusang himutok diyan sa isang sulok. Lumabas ng bahay. Mamasyal. Summer na baka nakakalimutan mo?

“Oist #indayluwag! Huminga ng malalim. Malayo-layo pa ang ating lalakarin!” Sigaw ng katabi ko. 🙂

Happy Summer, mga ka-DF!

 

(Photo Credit: #indayluwag & Joseph P. Lozada)

 

Loading...

About Nomatterwhat143

Analyst ang aking propesyon. Pag bagot, walang magawa, nagsusulat. Dati nung maliit pa ako, pinapalo. Ngayon pina-follow (hehe!) Kung hindi ako nagsusulat, nakikinig ng musik. Minsan naman wala lang imik. Tahimik. Mata'y ipipikit. Matutulog. Pag gising, magkakape. Pag walang kape, okay lang basta tayo'y mug-KAPEling hehe! Corny? Yun ako. 🙂 Page owner/Admin din ako ng https://www.facebook.com/iloveannemurray/; https://www.facebook.com/nomatterwhat143/.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!