Bigong pag-ibig sa magkabilang panig ng ‘old school na Cream-O’

Photo credit: The Regular Consumer

May gusto akong kainin, iyong kung tawagin ko ay “old school na Cream-O” – ang tagal ko na kasi naghahanap nito pero wala akong mabilhan. Wala na ba nito? Parang panaginip, parang guni-guni, parang isang alaalang hindi mo alam kung totoo o hindi. May gusto akong makita, ikaw – ang tagal na kasi kitang hinahanap pero hindi na kita matagpuan. Nasaan na ba ang dating ikaw, ang dating tayo? Parang panaginip, parang guni-guni, parang isang alaalang hindi ko alam kung totoo o hindi.

Grade 3 tayo noong unang beses kitang makatabi sa upuan;  hindi kasi alphabetical ang ayos ng upo, “find your height” daw. Dahil palakaibigan ka naman, hindi ako nahirapang pakibagayan ka.

Isang araw, pinabaunan ka ng nanay mo ng Cream-O – iyong nasa kahon na kulay gold, ‘yong may nakalagay na “Chocolate Coated Choco Cream Sandwich Cookies.” Paborito ko iyon pati iyong isa, iyong kulay asul ang lagayan.

At nakatatawa pa sa nakatatawa, humingi ako sa iyo – bagay na hindi mo naman tinanggihan. At ito ang pinakanakakatawa sa lahat, naging matalik tayong magkaibigan dahil sa pagkain.

Mabilis na lumipas ang mga taon, nagkolehiyo na tayo. Sinubukan kong hingiin ang pag-ibig mo, umasang katulad lang ito ng pagbabahagi mo sa akin ng baon mo. Sinubukan ko. Sinubukan ko pero tinawanan mo lang ako.

Tinawanan mo ako nang sabihin kong mahal kita. Hindi ko alam kung bakit pero tawang-tawa ka kahit seryosong-seryoso kong sinabi iyon. Sa katatawa mo, hindi mo napansin na pinagpapawisan na ako nang malamig, na namumula na ang mukha ko, na gusto ko na lang lumubog sa kinatatayuan ko.

Binatukan kita. Buti naman hindi ka naniwala, sabi ko sa iyo. Hindi tayo talo, dagdag ko pa.

Natahimik ka. Hindi rin ako nagsalita. Tumawa ka nang malakas.

Pagkatapos ay niyaya mo akong magmerienda. Wala iyong paborito natin. Kumain na lang tayo ng burger.

Lumipas ang mga taon, nahanap mo na ang taong para sa iyo. Kasabay nito, bigla naman akong walang mabilhan ng “old school na Cream-O.” Sa maikling sabi, sabay kayong nawala sa akin.

Ikaw at ako ay parang ang magkabilang panig ng “old school na Cream-O” – hindi nagtatagpo kahit magkadikit lang naman at nababalot pa ng iisang matamis na sangkap.

Mahirap umibig sa kaibigan.

Hay, ewan.

Malupit ang buhay kung minsan!

Sa kabilang parte ng ‘old school na Cream-O’

May gusto akong kainin, iyong kung tawagin mo ay “old school na Cream-O” – ang tagal ko na kasi naghahanap nito pero wala akong mabilhan. Wala na ba nito? Parang panaginip, parang guni-guni, parang isang alaalang hindi mo alam kung totoo o hindi. May gusto akong makita, ikaw – ang tagal na kasi kitang hinahanap pero hindi na kita matagpuan. Nasaan na ba ang dating ikaw, ang dating tayo? Parang panaginip, parang guni-guni, parang isang alaalang hindi ko alam kung totoo o hindi.

Grade 3 tayo noong unang beses kitang makatabi sa upuan;  hindi kasi alphabetical ang ayos ng upo, “find your height” daw. Dahil palakaibigan ka naman, hindi ako nahirapang pakibagayan ka.

Isang araw, pinabaunan ako ng mommy ko ng Cream-O – iyong nasa kahon na kulay gold, ‘yong may nakalagay na “Chocolate Coated Choco Cream Sandwich Cookies.” Sabi mo paborito ko iyon pati iyong isa, iyong kulay asul ang lagayan. Parehas pala tayo!

At nakatatawa pa sa nakatatawa, humingi ka sa akin – bagay na hindi ko naman tinanggihan. At ito ang pinakanakakatawa sa lahat, naging matalik tayong magkaibigan dahil sa pagkain.

Mabilis na lumipas ang mga taon, nagkolehiyo na tayo. Sinubukan mong hingiin ang pag-ibig ko, siguro ay umasa kang katulad lang ito ng pagbabahagi ko sa iyo ng baon ko. Tinawanan lang kita.

Tinawanan kita nang sabihin mong mahal kita. Seryosong-seryoso mong sinabi iyon pero tumawa pa rin ako nang tumawa. Tumawa ako nang tumawa kahit pinagpapawisan ka na nang malamig, namumula na ang mukha mo, at halatang gusto mo na lang lumubog sa kinatatayuan mo.

Binatukan mo ako. Sabi mo, mabuti naman at hindi ako naniwala. Hindi ‘ka mo tayo talo.

Natahimik ako. Hindi ka na rin nagsalita. Tumawa ako nang malakas; kahit nasaktan talaga ako. Kaibigan lang talaga ang tingin mo sa akin. Hindi tayo talo, kahit lalaki ka naman at babae ako. Hindi tayo talo. Oo na, hindi puwedeng maging tayo.

Pagkatapos ay niyaya kitang magmerienda. Wala iyong paborito natin. Kumain na lang tayo ng burger.

Lumipas ang mga taon, nahanap ko na ang taong para sa akin – siguro. Noong dumating siya, gustuhin man niya akong bilhan ng paborito ko e wala na siyang mahanap. Pero ayos lang, kasabay ng biglaan mong paglayo e mabuti na sigurong hindi na ako makakain ulit ng “old school na Cream-O.”

Naisip ko, sana pala hindi na lang kita binigyan ng baon ko noong Grade 3 tayo. Kung alam ko lang na magiging madamot ka sa hinaharap. Kung alam ko lang na hindi mo ako mamahalin.

Ikaw at ako ay parang ang magkabilang panig ng “old school na Cream-O” – hindi nagtatagpo kahit magkadikit lang naman at nababalot pa ng iisang matamis na sangkap.

Tsokolate, tsokolate, tsokolate – “Old school na Cream-O.”

Sa dami ng pinagsaluhan nating tsokolate, gusto kong isiping kahit minsan ay naging espesyal din ako.

Kaso hindi. Isa lang akong kendi – baon mo palagi pero natitiis mong itabi lang sa iyong bulsa. Sana tsokolate na lang ako; sana “old school na Cream-O” na lang ako. Para hindi mo ako kayang tiisin. Para hanap-hanapin mo rin ako.

Mahirap umibig sa kaibigan.

Hay, ewan.

Malupit ang buhay kung minsan!

About Charina Clarisse Echaluce

Charina Clarisse Echaluce is a journalist by profession and a literary writer by passion. She had her first novel published at Balita newspaper, from 2013 to 2014. She is the owner of Minsan Okay Lang Ma-traffic Facebook page and the author of Minsan Okay Lang Ma-traffic book. Other pages: http://minsanokaylangmatraffic.wordpress.com/ http://www.wattpad.com/user/CINDErainLLA http://twitter.com/OKLangMatraffic http://instagram.com/trafficinwords2016
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!