#BayaningTunay: Bakit nga ba tinatawag na “BAGONG BAYANI” ang mga OFWs?

Image credit: Mommyjoyce

Nagbigay ng takdang-aralin ang isang guro sa Araling Panlipunan. Nagpapagawa ng maikling sanaysay kung bakit tinatawag ngayong mga “BAGONG BAYANI” ang mga OFWs.

Umandar ang bulungan sa klase.

“Bakit nga ba?” ang tanungan ng magkaklase sa Grade 8.

“Nag-abroad lang, bayani na ba ‘yun?” ang tanong naman ng isang mag-aaral.

Hindi nakatiis ang isang mag-aaral at lakas-loob na nagtanong sa kanilang guro.

“Ma’am, paano po ba malalaman kung bayani ang isang tao?”

“Ano bang pagkakaalam n’yo sa bayani?” balik-tanong naman ng guro.

Ang bibong si Nesly ang unang sumagot: “Ma’am, ‘yung may ginawang kahanga-hanga at nakapagligtas ng kapwa ay isang bayani”

“Yun pong kagaya ni Gat Rizal at Bonifacio na binuwis ang buhay para sa bayan,” singit naman ni Angel.

“‘Yung tumulong sa kapwa, nag-alaga kahit hindi niya kaanu-ano katulad ni Tandang Sora, Ma’am,” dagdag ni Realyn.

“Ma’am sa google po, ang hero “is a person who is admired or idealized for courage, outstanding achievements, or noble qualities,” sinabi naman ni Narlyn habang tangan-tangan ang kanyang cellphone.

“Nabasa ko rin po ito. ‘A hero is selfless, a genuinely good person, and someone willing to risk their own life to save another,” pahabol naman ni Necol.

“Ayan, pagsama-samahin n’yo lahat ng inyong mga sinagot at inyong isipin… paano nga ba ikokonek ang mga ito sa mga OFW?” ani ng guro.

Pinatayo rin niya ang mga batang may magulang o kapamilyang OFW; marami-rami rin pala.

“Subukan ninyong tanungin ang inyong mga magulang o kapamilya na OFW, kumustahin sila. Sa kanila n’yo malalaman kung bakit nga ba sila tinatawag ngayong mga bagong bayani…mga bayaning tunay – real heroes. Alamin n’yo rin kung ano ‘yung Republic Act 8042   o   the Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995.”

“Ating higit na kilalanin ang ating mga bagong bayani, ang mga bayaning tunay,” pagtatapos ng guro.

Sa ‘di kalayuan ay maririnig ang isang tinig na umaawit….

“Tunay na bayani ang tulad mo…. kahit pa sariling buhay ay iaalay mo. Saan mang sulok ng mundo, kay rami na ng bayani….ngunit iba ang tulad mo….”

#BayaningTunay   #DFBI    #DFBloggersIntl     #Mommyjoyce

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!