#BayaningTunay: “Ang Nanay Kong Nanny”

Nakaraan: “Ating higit na kilalanin ang ating mga bagong bayani, ang mga bayaning tunay,” ito ang sinabi ng guro sa kanyang mga mag-aaral. Nagpagawa siya ng sanaysay kung bakit tinatawag ngayong mga “BAGONG BAYANI”, bayaning tunay, ang mga OFWs.

“Ang Nanay Kong Nanny”

Noong bata pa ako, akala ko masaya, masarap ang may nanay na nasa abroad. Kung balikbayan boxes ang pag-uusapan, oo, totoo, masaya makatanggap ng sari-saring imported na bagay. Pero sa maraming taon, mahigit anim na taon na yata, makakasanayan mo na lang ang mga ito. Parang ordinaryo na lang at nagkakaroon lang ng bagong thrill kapag may bagong gadget na padala si Nanay.

Malungkot ang walang nanay sa tabi mo lalo na sa mga panahong may problema ka, nalulungkot, me graduation, birthday o ano mang okasyon sa pamilya at eskuwela. Pero masasanay ka rin na sa ibang kapamilya ka babaling — habang wala si Nanay. Kasi kailangan.

Pero sa pagiging bayani, hindi ko dati naiisip na bayani ang aming nanay dahil si Jose Rizal, Andres Bonifacio at iba pang bayani sa aming mga lessons ang alam ko lang na bayani. Inalam ko ang kahulugan nito bukod sa salitang kabayanihan o bayanihan.

Sino ba ang maituturing na bayani?

Sa nagoogle ko, ang isang bayani ay isang taong magiting o matapang. Ang salitang bayani ay ginagamit na pangtukoy o pang-uri, sa mga taong naglalaan ng tulong o pagpapahalaga sa kapakanan ng iba. Tinatawag na bayani ang tao kapag nakagawa siya ng kabutihan, sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng kanyang sarili o pagkamartir na inaalay bilang paninindigan para sa isang bagay na kanyang pinagpapahalagahan, (para sa bayan o sa kanyang minamahal.)

So hindi lang pala ‘yung mga nasa Sibika ang mga bayani.

Hindi lang ‘yung mga sumuong sa nasusunog na bahay o sasakyan para iligtas ang nakulong na tao sa loob.

Hindi lang ‘yung mga tao na nailigtas sa pagkakasagasa ang ilang bata at iba pang sitwasyon.

Bayani rin pala ang maraming OFW na kagaya ng aming nanay na nanny…

Kasi nagsasakripisyo siya sa malayong lugar na mas may pagkakakitaan upang kami ay mapag-aral sa mahusay na paaralan, upang mas may masarap na makakain, mas mahusay na maisusuot at mas maging maayos ang aming buhay.

Kasi nagpapakamartir siya sa malayong lugar na wala naman siyang kapamilya o kamag-anak na maaari niyang takbuhan kapag nalulungkot siya o may problema.

Kasi nagpapahalaga siya sa kapakanan ng iba, bukod sa amin na mga anak niya. Sinisikap niyang makatulong kahit papaano sa iba pa niyang kapatid at kamag-anak.

Kasi tinitiis niya ang sarili na bigyan ng luho upang mas makaipon siya para sa aming kinabukasan at matugunan ang marami naming pangangailangan.

Kasi nagpapakatibay siya – hindi lang sa loob ng isang araw kundi sa maraming araw, linggo, buwan at mga taon – kundi sa buong panahon na naroon siya sa banyagang lugar kasama ng pamilyang pinaglilingkuran.

Kasi tinitiis niya ang sakit ng pag-aalala kapag may sakit kami at batid niyang wala siyang magawa upang kami ay agad niyang mapuntahan upang alagaan.

May mas sasakit pa ba sa damdamin ng isang ina na nag-aalaga ng ibang bata habang ang kanyang sariling mga anak ay hindi niya maaruga?  Ang turuan ang kanyang mga alaga na maging mahusay sa pag-aaral samantalang kami ay hindi niya nagagabayan pagkat nasa malayo siya? May mas sasakit pa ba?

At kapag siya ang may karamdaman? Paano? Masama man ang pakiramdam ay sila rin ang maghahanda ng sarili nilang pagkain, gamot at panlunas. At kadalasan siguro ay inililihim pa ang pagkakasakit upang huwag kaming mag-alala.

Maraming taon na rin palang nagpapakabayani ang aming Nanay. Gustong-gusto man niyang mayakap kami sa pagtulog at makakuwentuhan, makasama sa pamamasyal, sa pagsisimba at sa mga programa namin sa paaralan… kailangan niyang labanan ang damdaming ina upang matapang siyang makabalik sa ibayong-dagat at makapagpatuloy kami sa aming pag-aaral at mas maalwang buhay.

Ganoon pala.

Mabuti na lang at naipaliwanag sa akin nang mas mabuti ng bespren ni Nanay.

Dahil kung si Nanay ang aking tatanungin, tiyak na hinding-hindi niya aaminin na hirap na hirap siyang labanan ang lahat ng pagsubok, ang lahat ng kalungkutan niya at mga nagiging problema sa kanyang trabaho…. upang huwag kaming mag-alala.

Bayani nga ang Nanay naming nanny. Hindi isang one-time hero kundi isang bayaning tunay...

“Kakayanin ang hirap gaano man kabigat ito…

Saan mang sulok ng mundo, kay rami na ng bayani….ngunit iba ang tulad mo….”

 

#BayaningTunay  #DFBI  #DFBloggersIntl   #Mommyjoyce

Part 1 –   http://definitelyfilipino.com/blog/bayaningtunay-bakit-nga-ba-tinatawag-na-bagong-bayani-ang-mga-ofws/

BT 5

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Source :

DF Blogs

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!