Batang gumahasa ng kapwa bata: Kanino ang Pagkukulang?

(Photo Credit: lawjournalbd.com)
(Photo Credit: lawjournalbd.com)

Ilang beses na ring may napabalita na may menor de edad o nagbibinata pa lamang na gumahasa sa kapwa niya bata; gaya ng isang dose anyos na lumapastangan sa kalarong batang babae. Napakinggan ko ang salaysay ng kaanak sa radyo. Nalaman lamang ang pangyayari dahil sa pagdaing ng paslit na masakit ang kanyang kaselanan nang siya’y pinaliliguan ng kanyang ina. Nakitang namamaga ito kaya’t pinasuri sa isang doctor na nagpatunay na may nangyaring pang-aabuso sa paslit.

Natukoy naman ang nagbibinata pa lamang na kalaro na siyang may gawa; ngunit dahil sa ito’y dose anyos lamang, hindi ito mananagot sa batas pagkat ang batas ay tumutukoy na ang nasa edad na 18 anyos pataas lamang ang maaaring patawan ng parusa.

May iba pang mga pangyayari kung saan ang isang tres anyos ay ginahasa rin ng apat na batang lalaki; opo, mga batang lalaki pa lamang. Isang 2 anyos naman ang ginahasa ng isang 17-anyos na binatilyo at marami pang juvenile cases ng panggagahasa.

Paano na ang mga kasong ganito? Paano na ang mga bata? Idadaan na lamang ba sa limot ang lahat?

Hayyyy nakuuu talaga! Napakarami na ng mga pangyayaring gaya nito. Mga musmos na lumaspatangan sa kapwa musmos, bukod pa sa mga nasa legal nang edad na nananamantala sa mga paslit. Bakit kaya ito nangyayari? Kanino ang pagkakasala? Kanino ang pagkukulang?

Sa aming pagtatanong at pagkalap ng mga impormasyon, may ilang mga bagay ang nagdudulot ng negatibo at masamang impluwensiya sa isip at moralidad ng mga bata.

1. Kapaligiran – kapag ang bata ay lumalaki sa isang lugar na tila walang pakundangan sa moralidad at ito’y lantad sa mga tanawing sekswal o makamundo, nagiging normal sa kanya ang mga ganoong bagay lalo na kung walang magulang na sumasalag sa mga negatibong nakikita nito sa kanyang kapaligiran. Kabilang na ang impluwensiya ng peer group o barkadahan na kung hindi nagagabayan ng mga magulang ay maaaring mawala rin sa tamang landas ang isang nagbibinata o nagdadalaga at madala ang maling gawi sa kanyang pagtanda.

2. Tahanang/Pamilyang kinabibilangan – may mga naipalabas na sa telebisyon kung saan may mga mag-asawa na nagkaroon ng maraming anak sa kabila ng masikip na tinitirhan at sama-samang pagtulog sa isang kuwadradong tirahan. May mga magulang din na sadyang ipinipisan sa kanilang pagtulog ang mga paslit na anak kahit may ibang silid sa kanilang tahanan. Hindi malayong nakakakita o nakaririnig ang mga paslit ng mga pagtatalik ng kanilang mga magulang. Nagdudulot ito ng pagkapukaw sa kanilang sekswalidad at maaaring nakapagtatanim ito ng kaisipan na walang masama kung sila ay sumubok rin.

Naalala ko tuloy ang isang anim na taong gulang na batang lalaki na nagkukuwento na nagtatalik daw ang kanyang mga magulang tuwing madaling-araw. Iminumuwestra pa sa mga kalaro at kapitbahay kung ano ang nakikita niyang ginagawa ng kanyang ama sa kanyang ina. Labis na hiya ang nadama ng kanyang mga magulang, ngunit mas higit ang dapat nilang ipag-alala sa na-corrupt na isip ng kanilang anak. Kaya iminumungkahi na hangga’t maaari ay sa ibang silid dapat natutulog ang mga anak upang hindi nakamumulatan ang pribadong oras ng mga magulang.

3. Mga Pornograpiya – Nakalulungkot na nangagkalat na ang pornograpiya sa mga panoorin man o babasahin. May mga magulang na may mga rated x na pelikula o mga babasahin sa kanilang bahay na iniiwang pakalat-kalat lamang at pumupukaw sa kuryosidad ng mga naiiwang anak sa bahay. Maagang nabubuksan ang kamalayan ng bata sa mga bagay na sekswal at ang kakulangan sa sex education at gabay mula sa magulang ang nagdadala sa mga bata sa mga bagay na hindi tama at hindi kaayaaya. Ang isa pang nakatatakot ay yaong mga nagkaroon ng psychological imbalance kung saan nauuwi sa pagiging rapist ang ilan o kaya’y nymphomaniac.

Isang malaking isyu pa rin ang pagkaligaw ng ilang mga kabataan sa kabila ng maraming programa at mga organisasyon para sa mga ito; marami pa rin ang nagkakamali at naliligaw ng landas na nagdadala sa mga ito sa kapahamakan at maling gawain; isang lumalalang kalagayan ng lipunan.

4. Kakulangan sa ‘Parental care’ – Ang pamilya, bilang basic unit of society, ang siyang pinakaugat ng pagkabuo ng pagkatao ng isang bata. Kapag sapat ang pangangalaga ng mga magulang at hinubog sa mabuti at maayos ang isang bata, tiyak na magiging malusog ang kaisipan at emosyonal na aspeto ng isang bata. Kung nakatatanggap ng maayos na paggabay mula sa mga magulang, hindi malilito o maliligaw ang isang bata. Ang batang kulang o kaya’y walang pagkalingang natatanggap sa kanyang magulang ay kadalasang nakapupulot ng mga asal o values mula sa kanyang kapaligiran at peer group. Kung negatibo rin ang nasa kanyang paligid at walang parental care na natatanggap mula sa mga magulang, naku… nakaaawang bata.

Kanino nga ba ang responsibilidad na mapalaki nang maayos at mabuti ang mga anak?

Siyempre, sa magulang pa rin talaga nakaatang ang obligasyon na maibigay ang mga karapatan ng mga bata. Ang ikabubuti ng mga anak ay nakasalalay pa rin sa kamay ng mga magulang. Kung tunay na nagmamahal ang mga magulang, sisikapin ng mga ito na mapalaki nang mahusay ang mga anak, ‘di ba?

Ang ugat kasi ng masaya at maayos na pamilya ay pagmamahalan na siyang magbubuklod sa mga miyembro nito at ang kagustuhan na mapabuti ang kalagayan at katayuan ng bawat isa.

Hay naku, sa totoo lang, wala sigurong kawawang bata kung walang pasaway na mga magulang! Dapat yata ay gawin ding kakabit ang magulang sa mga kasong kasasangkutan ng kanilang mga menor de edad na anak!

Ano sa palagay n’yo???

About Mommyjoyce

Isang simpleng nanay na adik magbasa, adik magsulat at adik sa anak! Idol ko si Mother Theresa, kaboses ako dati ni Ate Shawie Cuneta (joke); maawain sa mga madudungis, siga sa mga taong nang-aapi, at lifecoach sa mga kabataan at mga magulang na walang ibang makausap, Ang simpleng motto ko in life: Cherish everyday (not just because it could be my last); kundi kasi, bukas iba na naman ang flavor ng buhay! Kaya namnaming maigi!
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!