Bata, bata, Paano Ka Palalakihin?

girlKung nais mong magkaroon ng isang matino at mabait na anak, dapat habang bata pa ay pangangaralan mo na. Disiplinahin mo at ipaliwanag ang mga bagay na dapat at hindi dapat gawin.

Huwag mong sabihin na “Hayaan mo na, eh kasi bata pa. “

Eh kasi bata pa kaya ganito, kaya ganyan.

Huwag mong balewalain ang bata dahil ang bata,  kapag hinayaan mong gawin ang gusto niya kahit mali ay gagawin niya. Madadala ito ng bata hanggang sa paglaki niya.

Ilang bata na ba ang lumaking matigas ang ulo o spoiled brat?

Marami na, ‘di ba?

Ang katwiran madalas ng nanay o ‘di kaya ng tatay ay, “Kasi nasanay siya noong bata siya, Eh kasi ganito, eh kasi ano..”

Kapag ang bata ay nakagawa ng kasalanan, huwag ipagsawalang-bahala — Dahil natitiyak kong maraming batang naliligaw ng landas sa kanilang paglaki dahil na sanay silang pinagsasabihan ng “Bahala Na o Bahala Ka na.”

Ang pagsasabi ng “Bahala Ka Na” ay may malaking impact sa bata. May mga batang iisipin nila o mararamdaman na para bang wala kang pakialam sa kanila. Kaya sa paglaki nila nasasanay silang gumawa ng sarili nilang desisyon.

Nagdedesisyon sila para sa sarili nila nang hindi hinihingi ang opinyon ng magulang nila. Dahil iniisip nila na sasabihin lang naman sa kanila ay “BAHALA KA.”

Kapag ang bata ay may hinihingi, huwag kang magbigay ng ganun-ganun lang. Masasanay ang bata na binibigyan o pinagbibigyan. Dapat sa tuwing manghihingi ang bata, ipapaliwanag mo sa kanya kung bakit hindi puwede o kung bakit bawal ibigay ang hinihingi niya, upang sa ganun ay mauunawaan niya kung bakit.  Dahil kapag bigay ka lang nang bigay, aakalain niya na lahat ng tao ay mapagbigay. Tiyak na sasama ang loob niya kapag may taong hihingan niya at hindi siya bibigyan.

Hindi rin sagot ang pagpalo sa bata upang madisiplina. Dahil ang pagpalo sa bata ay hindi mabuting halimbawa ng pagdidisiplina. May mga batang pinapalo, na lalo lang tumitigas ang ulo. Ang masaklap pa ay nagdadamdam ito at nagtatago ng sama ng loob sa magulang na namamalo.

Bakit mo papaluin ang anak mo na noong bata pa ay ingat na ingat kang huwag madapuan ng lamok> Ngayong nagkamali siya at nagkasala, papaluin mo na agad?

Huwag mo rin idaan sa sigaw ang pag didisiplina mo sa bata. Dahil nakakatanga ang pagsigaw sa bata. Kung nais mo siyang kausapin, lapitan mo, kalungin mo ang anak mo at ipaliwanag mo sa pamamagitan ng malumanay na salita.

Kung inakala mong nakabubuti sa bata ang pagsisigaw mo o pagpapalaki mo ng mata habang sinisigawan siya, nagkakamali ka. Lalo lang titigas ang ulo ng anak mo. Iwasan mo ring murahin ang bata. Dahil sigurado akong lalaking nagmumura ang anak mo. Kung ano kasi ang paulit-ulit na naririnig ng bata ay siyang gagayahin nito. Aakalain niyang tama ang pagmumura.

‘Di ba nga sa mata ng bata, lahat ay tama kung ito’y nakikita sa matatanda?

Kung gusto mo ng anak na mabait at matino, idaan mo sa paliwanag ang pagdidisiplina. Dahil hindi naman bingi ang anak mo na hindi niya maririnig ang paliwanag mo.

Lahat ng bata ay nagkakamali. Bigyan mo lang ng tamang pagdidisiplina at pansin ang bata, tiyak na lalaki itong isang mabuting anak na maaaring ipagmalaki pagdating ng araw.

About mjsweetiecarreon

My writings are filled with angst. Deep emotions and a wild imagination are a source of creativity. It is powerful and consuming. I like to entertain people through my stories. Life is one colorful rollercoaster ride . http://www.facebook.com/maryjoy.carreon.9
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!