Baliw

101734822_9584f078b0_distant

Paano nga ba tatahakin ang landas na kay labo?
Yung di mo na alam ang ‘yong nadarama ‘pagkat sya’y may tinatago
Pag isip at damdamin kapwa tila ay nabakante,
Lagablab ng pag-ibig na dati’y naroon ay tila nag impake

Susugal ka pa ba sa pag-ibig na walang pangako?
Kung sa’yong nakaraan ika’y malimit naiiwang nakapako?
Nagpapakatanga sa pagsintang hindi naging sapat
Isinuko ang lahat para sa taong di mo tiyak kung sya’y tapat

Ilalahad nya sa iyo kwento ng kanyang lumipas,
Subalit sa muling pagsasalaysay ay iba na ang binibigkas
Kapag ‘yong pinuna ay agad na nyang ikagagalit
Kaya tatanggapin mo na lamang kahit na dibdib mo’y napupunit

Ang nais mo ay maintindihan ang bawat dahilan
Ng kanyang mga wika’t kilos na tila manhid sa’yong pagdaramdam
Payapang isip at damdamin ang syang tanging nais mo
“Isipin mo ang gusto mong isipin”, yan ang lagi nyang sagot sa’yo

Ang lason na kanyang tinurok sa iyo ay kay bagsik
Nangangamba pag araw at sa gabi’y gising kahit na nakapikit
Kinikitil maging ang respeto mo sayong sarili
Tila piraso ng dekorasyon sa bahay kung ika’y ituring lagi

Dahan-dahan parang ulap patuloy syang lumalayo,
Bakit hindi pa biglain kung pag ibig ay tuluyan nang naglaho?
Kalahati man ng yong buhay ang ginugol sa kanya,
Sakdal mo mang pag-ibig ay walang magagawa kapag ayaw na nya.

At tila ba isang baliw ika’y patuloy pang kumapit
Sa pag asa at sa pangako ng bukas na hindi kailanman sasapit
Kaya matuos mo man ang bawat luha na pumatak,
Lahat sila’y walang saysay dahil ang puso mo’y sukdulan nang wasak

Pagbutihan man o gipitin o pilit na sagipin,
Patuloy sya sa paglayo parang liham na inilipad ng hangin
At sa pagitan ng iyong pagluha at paghihibik
Ay ang mapait na alaala ng wagas na pagsintang nabigo mong makamit.

About The Rain

Things will befall us whether we like it or not ... just like the rain.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!