Balikbayan

(Photo Credit: forcivilminds.org )
(Photo Credit:  forcivilminds.org )
(Photo Credit: forcivilminds.org )

Nagtapos ako bilang isang guro sa aking mahal na bayan, kumbaga passion ko sana ito kasi mula pa ng ako’y maliit pagiging guro ang gusto kong maging paglaki ko. Kapag tinatanong ako noon ng aming kapitbahay kung ano ba ang aking ambisyon; tatayo ako nang matuwid at sasabihing:

“I want to be a teacher, a teacher good and wise, iI want to serve my country by teaching little boys and girls like me to read and write,” palakpakan ang aming kapitbahay sa aking maliksing sagot.

Nakamit ko ang aking pagiging guro mula sa pagsisikap ng aking ama at ina, mula sa pag-aararo ni tatay sa bukid kasama si kalakian, mula sa paglalaba ni Nanay sa mayamang kapitbahay namin. Masayang-masaya ang aking magulang ng diploma’y makamtan at makaakyat ang mga kawawang magulang sa entablado ng aming paaralan. Bilang panganay, sa siyam ba magkakapatid; puno nang pagpupursige at determinasyon upang makatulong. Maluwalhating naipasa ang pagsusulit para sa lisensya nang pagiging guro. Ganun pa man, ang patakaran sa aming lugar ay nahahaluan nang pamumulitika nang mga nanunungkulan, ‘ika nga ng aking naririnig; ” makapapasok ka lang kung malapit ka kay Mayor, o may baker ka na magpapasok,”

Gaano pa man ka kwalipikado ang mga papeles ay ” No vacancy o No item yet.” Ito lahat ang sinasabi sa tuwing ako’y mag-aaplay, kahit panlima na ako sa ranking ay nauuna pang matanggap ang nasa hulihan nang listahan kasi nga kamag-anak ni Mayor o Congressman. Iyan ang napakahirap na sistema sa ating bayan.

Upang makatulong sa mga naghihintay na mga kapatid at magulang, nagbakasaling mangibang bayan, baka doon may bakante nang mapagtatrabahuan, isinilid ko muna sa aking maleta ang aking titulong guro upang magpakatulong sa ibang lahi.

Tamang hinala kong tanggap na tanggap ako ng ahensyang aking inaplayan upang maging kadama sa dayuhang bayan, maraming bakante, sa katunayan, nagrerekrut pa sila ng mga aplikante. Lahat dito ‘welcome’ ang sasabihin, walang tinatanggihan.

Nanilbihan akong katulong sa bansang Saudi, dati pa takot na akong makarinig sa salitang Gitnang Silangan, takot ako sa Arabo, ngunit kailangan. Ang takot na bumabalot sa aking pagkatao’y napalitan ng kapanatagan nang ako’y mapunta sa mga among mababait. Itinuring nila akong panganay na anak, hindi sila naging maramot, hindi alila ang pagtanggap nila sa akin. Swerte kong matatawag na napunta ako sa kanila.

Mga kapatid ko’y inangkin ko ang gastusin sa pag-aaral pati ang mga gastusin sa pang araw-araw sa bahay. Bumibili na rin kami ng bigas kasi naibenta na si kalakian noong magkasakit si Tatay.

Sa labing walong taon kung paninilbihan dito sa aking mga amo, tatlong beses lang ako nakapagbakasyon, kasi inaalala ko ang aking pamilya noong mamatay si Nanay dahil sa tb at mga apat na sumunod na taon naman si Tatay ang pumanaw dahil na rin sa edad at mahinang katawan. Hindi ko na naisip ang aking sarili, hindi ko na ito napagtuunan, nakalimutan ko na ring mag-asawa. Nawili na ako sa pagtatrabaho at nag-aalalang wala silang makain dahil ako lang ang inaasahan.

Ubos-ubos ang aking perang pinaghirapan para sa aking pamilya, lagi pang short, nangungutang pa ako minsan sa mga amo ko para sa tuition ng aking mga kapatid. Ang masaklap lang, sa kanilang lahat ay walang nakatapos sa pag-aaral kahit isa. Ang ibang kapatid kong lalaki ay bisyo at babae ang inatupag, at maagang nakapag-asawa dahil nakabuntis ang mga ito> Pati panganganak ay responsibilidad ko. Mga kapatid kong babae ay maagang lumandi kaya walang nakatapos. Maagang napasok sa pag-aasawa dahil wala na nga kaming mga magulang at ako ay malayo, wala nang nakapagsasabi sa kanila.

Pati mga kamag-anak ko minsan ding umaasa sa akin, nangungutang nang walang bayaran. Ito’y aking hinahayaan na lamang dahil sila ay nagagalit kapag oras na ng singilan. Kesyo mayabang na ako; kasi abroad ako. Ang totoo, ako ay walang -wala kahit sentimo.

Minsan isang araw sa bahay ng aking mga amo, habang naglilinis sa bintana, tumuntong ako para maabot ko ang cobwebs na tila matagal nang namamalagi sa bandang iyon nang bintana. Sa hindi inaasahang pangyayari ay nadulas ako at nahulog sa bintana. Nasa ikalimang palapag pa naman kami. Wala akong malay tao nang buhatin patungong hospital. Namulat na lang akong nakabendahe ang aking ulo at walang pakiramdam ang aking pang ibabang parte ng katawan.

Tumagal ako ng limang buwan sa pagamutan, mga amo ko ay ako naman ang pinagsisilbihan. Matindi ang kanilang pag-aalala sa aking kalagayan.

Sa bawat araw na nagdaraan ay wala man lang nakaaalalang magtext sa aking mga kapatid upang ako ay kumustahin. Roaming ko ay laging tinititigan hanggang ito ay malowbat, walang mensahe na aking inaasam.

Ako’y nagtataka kung bakit hanggang ngayon ang mga paa ko ay hindi pa rin maigalaw. Inaakay ako at binibihisan ng mga narses na nag-aalaga sa akin sa pagamutan. Minsan, naitanong ko sa doktor ang aking alalahanin.

” total lower extremity paralysis’

Ako’y napatiim-bagang at napagtantong inutil na ako habang buhay, wala na akong pag-asang makalakad.

Napagdesisyunan ng aking mga among ako ay pauwiin na lamang, nakipag-ugnayan sila sa aking pamilya, sa aking mga kapatid. Ngunit wala silang nakuhang tugon mula mga iyon. Nakipag-ugnayan sila sa Embahada ng ating bansa para sa aking pagbabalikbayan.

Dumating na ang araw ng malungkot na pamamaalam sa aking mababait na amo. Walang tigil ang daloy ng aking luha alang-alang sa kanilang kabutihan. Mga yakap at tapik sa balikat lang ang kanilang tugon.

Nakasakay ng ambulansya patungong paliparan, patungo sa eroplanong maghahatid sa aking bayan.

Sinalubong ako ng mga taga Owwa at taga Golden Acres at doon daw ang aking bagong tirahan, doon ay may mag-aalaga sa akin. Doon ay magiging masaya ako kasama ang mga taong abandonado at mga napulot sa kalye. Mga taong wala nang mapuntahan.

Habang nakaupo sa aking upuang de gulong, nagmumuni-muni…kay sakit ng aking nararamdaman; dahil sa kabila ng aking pagpapakahirap para sa aking mga kapatid, ako rin pala ay mag-iisa at iaabandona.

Kung alam ko lang…..

About Mary Adelleine J.Esic

I write to please myself...out of passion.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!