Balik-Tanaw: Ang Pagpapa-Long Hair ng mga Kabataan Noong 90’s

479833_10151427873624536_1655893798_n

“Isa kang Batang 90’s kung alam mong karamihan ng mga kalalakihan noong Dekada NoBenta ay mahahaba ang buhok.”

Napakalaking bagay sa ating mga tao ang istilo ng buhok.

Your hair is your crowning glory. Guluhin mo na ang lahat, huwag lang ang buhok ko. Basta kulot, salot. Kalbo, masamang tao. Ang haba ng hair.

Kahit na baguhin mo lang nang kaunti ang iyong buhok ay siguradong hindi ito makakaligtas sa puna ng iyong mga kakilala. Ito ang kadalasang unang nakikita kaya naman ay ito rin ang madalas na nataandaan sa isang tao.

Noong kasikatan ng teleseryeng “Abangan ang Susunod na Kabanata…”, ang mga kakaibang hairstyles ni Barbara Tengco ang madalas na mapansin sa bawa’t episode. Nang maakusahan ang dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa panggagahasa, mas unang napuna ang kanyang pambihirang buhok. Bukod sa mga kontrobersiyang kinasangkutan noon ni Dennis Rodman, hindi rin makakalimutan ng aming henerasyon ang makulay niyang buhok sa tuwing naglalaro sa court. May lulufet pa ba sa mga buhok nina MC Hammer at Vanilla Ice na noo’y kapwa naglalaban para sa trono ng pagra-rap?

Kadalasan ring nagiging basehan ng pagkatao ang ating mga buhok. Mali man, pero ito ang katotohanang madalas mangyari.

May kakilala akong ilang beses nang sumubok na makakuha ng visa mula sa US embassy ngunit ilang beses na ring nabigo. Hindi ko lang siya masabihang subukan niyang magpatubo ng buhok o kaya naman ay magsuot ng peluka dahil baka maumbagan niya ako ng kanyang mabigat na kamao. Walang masamang tinapay pero sa tingin ko mahihirapan naman talagang maaprubahan ng consul ang mga taong kasing-kalbo ni Pipoy!

Noong panahon ko, nauso ang mga “long hair”, ang mga kabataang may mahahabang buhok na sa tingin ng karamihan ay mga adik at satanista dahil na rin sa musikang kanilang kinahihiligan.

Kung titingnan natin ang kasaysayan, halos lahat naman ng mga grupong bato o “rock groups” ay may mga miyembrong mahahaba ang buhok. Magmula sa Beatles hanggang sa mga hippies ng Dekada Setenta, hanggang sa mga hairspray bands ng Eighties, halos lahat ng mga miyembro nito ay dinaig pa sa haba ng buhok ang mga kababaihan.

Nang pumutok ang Seattle Music sa Tate ay nagsimulang mahilig ang mga kabataan noong 90’s sa pagtugtog at pakikinig sa Alternatibong Pinoy. Tumindi rin ang panlasa ng mga nila hindi lang sa tugtugang Grunge (at iba pang klase ng musikang bato) kundi na rin sa “dugyot fashion” kung saan kasama ang pagsusuot ng mga rock shirts at pagpapahaba ng buhok.

Kung ang mga buhok noong Dekada Otsenta ay mala-Tina Turner at kailangang gamitan ng Aquanet, ang karaniwang hairstyle ng mga 90’s rockers noon ay “walang pakialam”. Oo, may mga gumagamit ng hair conditioner upang maging makintab ang kanilang mga buhok pero mas marami pa rin ang mga kabataang may mukhang napakabahong buhok. ‘Yung tipong kapag nakita mo sila ay iisipin mong hindi na nagagamitan ng shampoo ang kanilang mga buhok ng ilang araw. May kung anong puwersa sa sanlibutan ang nagsabing mas mukhang dugyot, mas cool ang dating.

Naging idolo ng mga kabataan ang mga musikerong kanilang madalas marinig sa radyo, makita sa teevee, at mabasa sa mga pahayagan at iba pang mga sulatin kaya naman hindi lang ang kanilang musika ang ginaya kundi pati na rin ang pagpapahaba ng buhok. Siakol, Razorback, The Youth, Eraserheads, Wolfgang, Datu’s Tribe, Rivermaya, Alamid, Teeth, Dahong Palay, Philippine Violators, Wuds, Yano, at napakarami pang banda – halos lahat sila ay mga long hair. Kung hindi man sobrang haba ng kanilang mga buhok, siguradong mahaba pa rin. Mangilan-ngilan lang ang mga katulad ni Bamboo pagdating sa hairstyle…

CLICK HERE TO CONTINUE READING

JAYSON BUBAY QUITIQUIT is a 35-year old civil engineer currently working in Chaozhou, China. He is a frustrated blogger and former guitarist of an unknown band called Demo From Mars. He maintains the 90’s blog NoBenta.

About NoBenta

I think, therefore I blog. JAYSON BUBAY QUITIQUIT is a 35-year old civil engineer currently working in Chaozhou, China. He is a frustrated blogger and former guitarist of an unknown band called Demo From Mars. He maintains the 90's blog NoBenta.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!