Balak Mong Manligaw sa Anak KO? P’wes, Kaya Mo ba Ito?

(Photo Credit: ofw-bagongbayani)

Sa panahong ito ang panliligaw ay halos hindi na sagrado sa mga kabataan ngayon. Sa dami ng mga makabagong gamit tulad ng cellphone, computer at iba pa ay mahirap nang matutukan ng mga magulang ang kanilang mga anak na babae.

Magagaling na rin ang mga ito na hindi magpahalata. Kahit kaharap ka at hindi mo mapapansin na nagliligawan na at minsan ay sasabihin lamang na kaibigan lamang daw.

May tatlo akong anak na babae at bilang ama ay obligasyon kong pangalagaan at protektahan ang aking pamilya na hindi masaktan, maging pisikal o emosyonal, kung kaya mayroon akong panuntunan na dapat sundin ng mga manliligaw.

Hindi dapat isipin na ito ay makaluma at hindi na uso sa panahon dahil ang magandang kinabukasan ay hangad ng lahat ng mag-asawa. Kaya tignan at basahin muna ang mga bagay na dapat isaisip bago pumasok sa isang relasyon.

  • Dapat ninyong isipin na ang lalaking pipiliin n’yo ay siyang tipo ng gusto n’yong maging asawa. Sasabihin ng iba na hindi na ito uso ngayon. Ang tanong ko lamang, bakit ka makikipagrelasyon kung hindi mo naman balak siyang pakasalan o maging asawa?   Ito ba ang pamantayan na kung mas marami kang naging boyfriend ay mas maganda ka? Hindi kaya ang iisipin ng iba ay baka may problema sa iyo at palagi kang naghahanap ng iba? Hindi rin kailangan madaliin na magkaroon dahil dapat mong sinisiguro na ito ang tamang lalaki para sa iyo. Hindi ito dapat maging subok lamang o trial or error. Kaya nga bakit kailangan magkaroon ng boyfriend sa edad na 15 hanggang 25 samantalang mahabang panahon pa ang dadaanan para maging mag-asawa. Ang karaniwang nasa edad na ito ay marami pa ang pwedeng mangyari at hindi pa sigurado ang kanilang mga nararamdaman at sigurado naming hindi pa kasal ang nasa isip ng mga ito.

 

  • Kilalanin nang mabuti ang lalaki bago ka magkaroon ng commitment sa kaniya. Kung may balak sa iyong manligaw ay puwede naman sigurong tapatin na kaya niya bang maghintay nang matagal at makilala siya nang lubusan. Payag ba siyang pumasok sa isang bagay na walang kasiguraduhan sa pagbibigay niya ng panahon? Sa tingin ko ay ito lamang ang dapat dahil kung talagang desidido siya sa iyo at ikaw lamang ang babaeng gusto niyang iharap sa dambana ay papayag siya sa ganitong usapan. Kailangan makilala ninyo ang ugali ng isa’t isa at hindi ‘yung ugali ng isang manliligaw sa nililigawan. Siyempre, may magsasabi rin ng bakit pa patatagalin kung simbahan din ang tuloy. Ngunit siyempre dito makikita ang ugali ng tao sa pangmatagalan at kapag may mga suliranin ay malalaman mo kung paano niya tutugunan ang mga ganito.

 

  • Bago manligaw ay dapat sa Ama muna magpaalam ang lalaki. Naku ewan ko lang kung mayroon pang maglalakas ng loob na gawin ito na bago niya ipakita ang intensyon niya sa babae ay buong galang siyang lalapit sa tatay nito para ipaalam ang balak ng lalaki sa anak niya. Bakit kailangan itong gawin? Dahil obligasyon ng ama na protektahan ang kaniyang mga anak at ayaw na masasaktan ang mga ito lalo na sa puso. Mas nasasaktan kami kapag alam namin na hindi masaya ang aming anak sa piling ng kanilang napili. Isa pa, kapag nagawa ito ng lalaki na magpaalam nang maayos ay nagpapatunay na malinis ang kanilang hangad sa babae. Maraming lalaki ang hindi man lang nasilayan ang itsura ng mga magulang dahil ayaw nilang ipaalam ang relasyon at kapag ganito ang nangyari ay malamang masasaktan ang babae.

Ito para sa akin ay sapat na at kapag ito ay nagawa ng anak ko at ng kanyang manliligaw ay malamang na magiging maganda ang kanilang kinabukasan.   Siyempre, nandiyan din ang pananampalataya at panalangin, pati ang estado niya sa buhay, pero lahat ‘yan ay makikita ng ama at anak sa kanilang pakikisalamuha sa lalaking magiging parte na ng kanilang pamilya

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!