Bakit Takot Akong Mag-Asawa (Unang Kuwento)

KasalIsa siguro sa ikinatatakot ko sa ngayon ay ang salitang kasal.

Hindi kasi ‘yun biro dahil pagkasabi mo ng “oo” habang buhay na ang nakataya sa’yo. Bawal mag-back out lalo na kung may anak ka na kasi ‘yun na ang isasa-alang alang mo at hindi na ang kaligayahan mo. At paano kung hindi ka na masaya? Hindi naman ‘yun ganoonn kadaling sabihin at hindi ka basta basta pwedeng mag walk out dahil may partner ka. Kailangan mong gawin lahat ng paraan para mahanap mo ulit ang kaligayahan mo sa loob ng married life mo.

Hindi naman ako nagpapaka-negatibo dahil pagdaraanan n’yo lahat ng problema sa buhay mag-asawa. Kaya nga sabi nila kailangan mo itong paghandaan at pag-isipang mabuti. Pero paano ka maghahanda kung hindi mo alam ang paghahandaan mo? Tama talaga ang mga matatanda, na ang kasal ay para lamang sa matatapang. Hindi ito parang kanin na mainit na kapag napaso ka ay iluluwa mo na lang.

Isang araw, tumawag sa akin ang kaibigan ko. Sabi niya ay hiwalay na daw ang Mommy at Daddy niya. Sobrang nagulat ako sa kuwento, hindi ako makapaniwala dahil kung may perfect couple man, mga magulang niya ‘yun. Napakamatiisin ng Mommy niya at good provider naman ang Dadddy niya.

Buong akala din nilang magkakapatid ay walang problema sa mga magulang nila. Na masaya sila sa pagsasamahan nila. Lingid sa kanilang kaalaman, may kinakasamang ibang babae ang Daddy nila noon pang sila ay mga bata. Hindi nakipaghiwalay ang Mommy niya dahil ayaw niyang mawala ang respeto ng mga anak niya sa kanilang Daddy. Tiniis niya ang panloloko nito sa kanya huwag lamang masira ang kanilang pamilya.

Kaya naman laking gulat ng kaibigan ko noong sinabi ng Mommy niya na sa probinsiya niya gustong tumira ngayong tumatanda na siya, hindi sa kanyang asawa. Naisip ng kaibigan ko ang sakripisyo ng kanyang Ina para sa kanilang pamilya. Ilang gabi kaya itong umiyak at nagdusa mag-isa dahil wala itong mapagsabihan? Ilang sakit kaya ang nilunok ng kanyang Ina para lamang sa kaligayahan ng kanyang pamilya. Napakaraming panahon ang nasayang na malungkot ang kanyang Ina. Paano kaya kung naghiwalay na lang sila para nahanap din ng kanyang Ina ang pangalawang pagkakataon para sa kaligayahan niya?

Paano mo ‘yan paghahandaan kung ikaw ay sasabak sa pag-aasawa? Sabi nila kapag pinagtaksilan ka, hiwalayan mo. Pero paano kapag may mga anak na kayo? At kung hiniwalayan mo nga, paano mo ito ipapaintindi sa (mga) anak mo? Kakayanin kaya ng income mo na buhayin ang mga dependents mo? Paano kapag hiwalay nga kayo pero hindi naman siya nag-aabot ng sustento?

Kaya ako takot mag-asawa, dahil hindi ko alam kung paano ito pakikibagayan. Hindi naman kasi ito puro pag-ibig at kilig lang. Kailangan matapang ka na harapin ang “unknown” at mga bagay na hindi mo akalaing nangyayari pala.

Kung sinasabi nila na ang pag-ibig ay para sa matatapang lang, masasabi kong ang pag-aasawa ay para sa mga superhero lamang.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!