Bakit Magkakaaway ang mga Tao sa Comment Section?

Vector image

 

Sadya bang likas na sa mga Pilipino ang pagiging watak-watak maging sa pinaglalabang mga opinyon?

Panahon pa ng mga Kastila aywala nang damayan ang mga katutubo; magpasahanggang ngayon ba naman isyu pa rin sa atin ang salitang PAGKAKAISA sa Pilipinas?

You can’t please everybody. Lahat ng tao iba-iba ang kinagisnan. Iba-iba ang paraan kung paano pinalaki ng mga magulang. Iba-iba ang kinalakihang kapaligiran kung kaya naman magkakaiba ang pulso natin sa bawat himay ng isyu ng bayan.

Pero ang magbangayan, magsiraan ng puri at magbantaan na ipapapatay ang buong lahi ay hindi na normal na maituturing kung nasalungatan lang ng iba ang opinyon mong pinanghahawakan.

Hindi na relevant sa isang healthy conversation ang murahin ang nananahimik na ina at tawagin itong bayarang babae. Hindi rin sukatan ang dami ng nalalaman na insulto sa kapwa para masabi na nanaig ka sa pakikipagtalo. Bagkus, isa itong pagpaakita ng kababawan ng paglalahad ng iyong punto. Dahil ang taong wala ng mailahad na mahusay na argumento ay humahawak na lang sa lakas ng pang-iinsulto.

Magandang halimbawa nito ay nang tawagin si Agot Isidro na “baog” ng mga salungat sa kanyang mga sinabi sa ating pangulo nitong kamakailan.

Below the belt. Unethical.

Maaaring ganun rin kasi ang naging dating sa mga maka-duterte nang tawagin ni Agot na “psychopath” ang pangulo kaya naman bumato rin ng putik ang mga basher.

So ano, ganito na lang ba tayo? bastusan na lang ang labanan kahit kawalan ng breeding ang nakataya sa iyong dangal sa mabilis na pagresponde sa mainit na bangayan?

Nakakatawang isipin na ang mga nagkukumento sa internet ay may malawak na diksyunaryo ng pang-iinsulto sa kapwa para lamang tuligsain ang mga ‘di sumasang-ayon sa kanilang opinyon. Isang kaparaanan para tapakan ang iyong puri at sukuan ang prinsipyong ayaw nilang mabasa.

Pero hanggang dun na lang ba tayo?

Sabagay, trabaho na ring maituturing ang pagiging troll ngayon. Hindi naman siguro uubos ng oras at panahon ang mga iyan kung hindi naman binabayaran. Iba na talaga ang panahon, pati ang talento ng pangbubuska sa kapwa napagkakakitaan na.

O kung hindi naman sila nakatatanggap ng bayad, ganun na lang ba kababaw ang taong bayan para magsiwalat ng kanilang damdamin at kuyugin ang taong may kakaibang opinyon na laban sa kanilang kagustuhan?

Siguro nga mababaw na ang konteksto natin sa salitang argumento na para bang daig pa natin ang maliliit na batang nagtatalo sa kalye na kapag nagkapikunan ay mauuwi sa murahan at ambaan ng suntukan. Mas marami nga siguro ang hindi naturuan ng tamang pakikipagtalastasan sa asignaturang Filipino sa mga paaralan o sadyang barubal lang ang ugali ng tao lalo na kapag nakatago sa likod ng keyboard ay nagngangangawa ng kung anu-ano dahil alam niyang hindi naman siya mahahabol ng taong kanyang nililibak.

Respeto. Madali ‘yung sabihin pero mahirap ibigay sa iba.

Hindi mo kailangan salungatin ang opnyon ng iba. Hindi mo kailangan magmura at manghamak ng kapwa para lang ipagdiinan na tama ka.

At mas lalong hindi mo kailangang ipangalandakan na wala kang modo kung alam mong taglay mo ang katangiang ito. Hindi masamang manahimik lalo na kung alam mong wala ka rin namang magandang sasabihin.

Tandaan sana lagi natin na ang loyalty nating mga Pilipino ay dapat nasa kapakanan ng ating bansa, hindi sa partikular na iniidolong pulitiko.

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!