Bakit Hindi Naging Tayo

 photo“Sa dinami-rami ng course na puwede nating kuhanin, bakit Fine Arts pa?

Sa dinami-raming section na puwede nating mapuntahan, bakit sa Section B pa?

Sa dinami-rami ng group na puwede nating mapuntahan, bakit laging tayo ang magkasama.

At sa dinami-rami nating magkakaklase, bakit tayo pa nagkasama sa thesis?”

Hindi man ‘yan ang eksaktong salitang sinabi mo noong magkasama tayo sa college, halos ganyan ang punto mo, ‘di ba; bakit parang lagi na lang tayong pinagtatagpo ng tadhana?

Hindi naman tayo close nung first year. Intimidated nga ako sayo kase sobrang galing mo, at lahat na lang mga kaklase natin kaibigan mo, maliban na lang siguro saken. Magkaiba pa nga tayo ng group of friends, magkaiba rin kase tayo ng pinanggalingan na High School. Ang taas ng tingin ko sayo noon, sabi ko pa nga, mukang sosyal ito, hindi ako papasa sayo. Kaya hindi ko naiisip na magiging magkaibigan tayo.

Halos ilang group session sa ibat ibang subject palagi akong natatapat sa group mo, ewan ko ba. Hanggang sa pareho na nating napansin na lagi na lang tayong magkasama. Oo nga doon nagsimula ang lahat. Hanggang sa mga overnight project, out of town seminars at leadership trainings, ikaw ang katabi ko. Kaya nagsimula na rin kitang kilalanin at doon ko nalaman ang tungkol sa lovelife mo, sa love story mo na naging sentro ng kwentuhan natin at exchange letters. In short, I helped you moved on with that non-working relationship with your undeclared first love.

Hanggang sa lumalim na ang ating usapan at samahan. May mga kwento ng buhay mo at buhay ko na sinikreto natin mula noon pero pinagkatiwala natin sa isa’t isa. May mga tahimik na iyakang hindi natin alam ang sasabihin pero andun tayo para akapin ang kalungkutan. May mga gabing tawagan at drop call sa umaga para lamang magkwentuhan ng kung anu ano lang. At may mga tawanang pumapawi sa lahat ng pagod at hirap ng buhay at pag-aaral noon.

Hanggang dumating ang araw na mabasa mo ang sulat ko at kahit ginamitan ko na ng EMARTI code, nahulaan mo pa rin. Pati ang nagiisang tulang nagawa ko isang araw na namiss kita, A bit of Mind Splitting, nakuha mo pa rin. At ang araw na kinakatakutan ko, ang kumprontahin mo ako, dumating na.

Gusto kong maglaho sa mga sandaling yon, gusto kong magsabi ng “time-out, call of nature”, pero wala akong nagawa, dirediretso ka ng pagkukwento tungkol sa kapatid mo na alam ko namang ang pupuntahan ay para pilitin akong magsalita tungkol sa nararamdaman ko para sayo. Pero natapos ang kwento mo, hindi ako nagsalita. Hanggang dumating ang iba nating kaklase at pagkakataon kong umalis.

Nagpunta ako sa Cafeteria para huminga, hindi ko talaga alam ang gagawin ko noon. Pero wala pang ilang minuto, sumulpot ka na kasama ng mga kaklase natin at sinasabi nilang, “saan ka nagpunta?kanina ka pa hinahanap ni ano…” Mabuti na lang huling subject na at uwian na, malalampasan ko rin ang oras na ito, yun ang iniisip ko noon.

Kinabukasan, umiwas ako sayo, ginawa kong busy ang araw ko sa kung anu anong bagay para lang hindi tayo magkausap. Pinaramdam ko sayong, umiiwas akong tanungin mo tungkol sa nangyari nung gabi at natapos ang araw at isang linggo, hindi natin napagusapan ulit yon. Pero kinabukasan pagkatapos ng weekend, isang sulat mula sayo ang natanggap ko, “sa tula mo pa lang na A Bit of Mind Splitting, alam ko na.

Kaya ginamit ko ang kwento ng kapatid ko alam kong masasaktan ka sa mga comment ko at sinadya ko yon dahil gusto kong magsalita ka, gusto ko mag-open up ka saken tungkol sa nararamdaman mo. You’re my special friend, weird, retarded minsan, pero hello iilan na lang tayong ganyan, and I want you to know I am here. I can risk loosing FRUVER but not you, for in you I found a True Friend…”

Wala akong nagawa, sinagot ko ang sulat mo, at kahit hindi ko man aminin lahat doon, alam kong naintidihan mo na ang ibig kong sabihin. Mahal kita kahit hindi tayo pwede.

Pagkatapos ng graduation natin, nauna ako mgkatrabaho sa ibang probinsya, kaya hindi na tayo malimit magkasama. Tuwing umuuwi ako ng weekend, dumadaan pa rin ako sa inyo para makipagkwentuhan. Hanggang magkaroon ka na rin ng trabaho sa Manila. Tuwing Sabado magkasama tayo nanonood ng sine at kumain sa labas, yun na lang ang treat natin sa isa’t isa sa isang buong linggo ng nakakapagod na trabaho. May mga problema sa buhay noon na magkasama nating hinarap at pinagtulungan, nangarap tayo sabay ng mas magandang buhay para sa pamilya natin. Dahil pareho tayo ng gusto noon, ang maging OK sila para pwede nang maging tayo.

May mga pagkakataon na hindi tayo nagkakaunawaan, siguro dahil sa trabaho, o dahil nasasakal tayo pareho sa presensya ng bawat isa, na minsan gusto natin na mag-isa lang. Pero hindi natin iniwan noon ang isat isa, hanggang dumating ang pagkakataon na kinailangan kong umalis para ayusin ang sitwasyon ng pamilya ko sa ibang bansa. Isang araw bago ako lumipad patungong Europa, nakipaghiwalay ka. Hindi kita pinigilan kase hindi ko rin naman alam kung hanggang kelan ako mawawala, ayokong itali ka sa isang sitwasyon na walang kasiguraduhan kung maaari ka naman maging masaya at maayos na wala ako. Kaya umiyak lang ako noon at inakap ka.

Kahit malayo na ako, tinatawagan at sinusulatan pa rin kita. Alam kong halos ikinamtay mo ang paghihiwalay natin, kaya pinilit kong maging kaibigan pa rin kita, nakita ko sa mga picture mo kung paano bumagsak ang katawan mo at naramdaman ko sa bawat text mo sa akin noon, “Im not Ok. Hindi ako magiging ok hanggat wala ka sa tabi ko. Baka pag naging ok ako, hindi na kita mahal…”, nasaktan kita at wala akong salitang masabi or magawa para mahilom ang sugat na naidulot ko, ng pag alis ko. Walang araw na hindi ko ipinagdasal noon, na sige na ok na, ako na lang mahirapan, basta maging ok ka lang.

Pagkalipas ng tatlong taon, sumakay ka ng barko at doon nakilala mo ang taong muling nagbukas ng puso mo. Hindi na tayo masyadong naguusap noon, nakikita ko na lamang sa Online Account mo. At nakita kong masaya ka na. Kaya noong umuwi ako ng sumunod na taon, pinilit kong makita ka at makausap. Pero wala tayong ibang napagusapan noon kundi kung paano ka niloko ng taong akala ko at akala mo ay mahal ka. Wala akong nasabi. Wala rin akong nagawa. Hanggang natapos ang araw, kailangan na natin magpaalam sa isat isa, at yun ang huling pagkakataon na nakita kita.

Nabalitaan ko na lang sa kaklase natin na ikakasala ka na ilang buwan bago ko matanggap ang mensahe mo sa web account ko, “FYI, im getting married this 21 of …” Gumuho ang mundo ko. Hanggang makita ko ang litrato mo kasama ng taong minahal mo at pinili mo makasama habang buhay. Umiyak ako para sa sarili ko dahil alam ko, wala na ang dating pangarap na makakasama pa kita muli.

Isang taon na ang lumipas mula noon. Hindi na kita muling kinulit, kinausap o tinawagan. Ayokong guluhin ang maayos mo ng buhay. Ang tanging paraan na lang na nakikita kita ay sa online account mo, pero noong isang araw, tinggal ko na rin. Ayoko man aminin, pero alam ko sa sarili kong mahal pa rin kita. Pagmamahal na hindi ko kayang ipaglaban. May mga dahilan tayo sa buhay natin na kahit ipaliwanag natin ay hindi na natin maibabalik ang nagdaan. At alam kong hindi magiging sapat ang kahit ilang paliwanag na gagawin ko sayo para itama ang noon. Gustuhin ko man na sana tayo na lang ulit, pero katulad pa rin noon, Hindi Tayo Pwede. At ngayon, lalu nang Hindi na Magiging Tayo.

Hindi na magiging tayo, noon, ngayon at kahit bukas. Pero sa puso ko, alam kong may isang tulad mo na hindi na mawaglit at kung bakit habang buhay akong aasa ay dahil nararamdaman kong, sa puso mo nagkaroon ng puwang ang isang tulad ko at nararamdaman ko, kahit isang saglit, naaalala mo pa rin ako. Dahil minsan sa isang chapter ng buhay natin, may isang Ikaw at may isang Ako, na kahit hindi puwede, nagmahal tayo.

About ava bila onante

Im not a writer but I love sharing anything about my life.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!