Bad Influence?

Photo credit: http://images.sodahead.com
Photo credit: http://images.sodahead.com

Natuto kang umuwi ng late. Kung dati maaga kang umuuwi, ngayon umaga na.

Natuto kang uminom. Kung dati takot na takot kang dumaan sa may kanto kapag may nag-iinuman, ngayon nakikitagay ka pa sa kanila.

Natuto kang magyosi. Kung dati di ka na makahinga sa pagtakip ng ilong mo kapag may naninigarilyo, ngayon ikaw na mismo bumubuga ng usok sa katabi mo. Ginagawa mo pang bilog para astig.

Bad influence ba mga kaibigan mo?

Meron ka bang kaibigan na itatali yung paa mo para di ka makalakad pauwi ng bahay? Kaibigan na sapilitang ibubuka ang bibig mo pagkatapos ay isasalaksak yung bote ng alak? Kung meron, balikan mo ulit yung tanong. Ang sabi, kaibigan. Anong klaseng “kaibigan” ang hahayaang mapasama ang “kaibigan” nya?

At kung meron ka mang “kaibigan” na pwersahang ilalagay yung yosi sa bibig mo, desisyon mo kung hihithitin mo ang usok galing sa filter. Wag mong idahilan na mauubusan ka ng oxygen kung di mo gagawin. Alam mo ba na nung sanggol ka, sa ilong mo lang kayang huminga?

May karapatan kang humindi. May pagkakataon kang umayaw. May kakayanan kang tumalikod at tumakbo. Pero ginawa mo ba? Mas pinili mo ang sumunod. Dahil ginusto mo. Dahil trip mo. Dahil naniwala ka na lahat ng kaya mong gawin ay dapat mo na ring gawin.

Wag kang magmalinis. Wag kang magmagaling. Kung tutuusin, ikaw ang pumili ng gusto mong samahan at gawing kaibigan. Pinilit ka ba nila? At kung sakali mang ayain ka nilang kumain ng tae dahil yun ang libangan nila, kakain ka rin?

Nasa iyo ang desisyon kung makikinig ka. Di ba ayaw mong napagsasabihan ng mga magulang mo? Kung sila na kabutihan mo lang naman ang iniisip nagagawa mong suwayin, bakit ang mga kaibigan mong walang bait sa sarili, sinusunod mo? Tapos sa bandang huli isisisi mo rin naman sa kanila ang mga kapalpakan sa pariwara mong buhay.

Ngayon, tatanungin ulit kita. Bad influence ba mga kaibigan mo?

Kung oo pa rin ang sagot mo, nakakaawa ka. Kasi di mo matanggap na ikaw mismo ang nagpakalulo sa sarili mo. Na ikaw mismo ang sumisira sa sarili mong kinabukasan. Kaya kailangan mong isisi sa ibang tao ang mga nangyayari sa iyo para linisin ang konsensya mo.

Hangga’t hindi mo inaako ang responsibilidad mo sa iyong sarili, hinding-hindi mo maitatama ang buhay mo.

About WithLoveAriane

I am 24 years of age and a nurse by profession. Weblog has been my outlet for self-expression. I started way back in 2007. It is not the minutiae of my everyday life. Rather, a portal that opens up my thoughts and feelings to my trusty friends - my multiply contacts. It gives me voice to things I am not prepared to say to someone's face. And for years of blogging, I realized that 95% of my entries were written in English. So I thought of this - making a public blog account - a hundred times. I am not sure the world would probably want to hear what I’ve got to say. But I really do love expressing myself through writing and I believe I still have a lot to say - in my native language. With Love, Ariane
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!