Asawa Nga Naagaw E! Boyfriend/Girlfriend Pa Kaya?

‘Yan ang palaging katwiran ng mga di padadaig na mangingibig ng mga taong may karelasyon na pero sadyang habulin.

E kung pinggan nga nababasag, mukha mo pa kaya?

Paano ka ba magmahal? Ikaw ba yung tanga? Yung kahit na alam mong niloloko ka na, go pa rin? Yung kapag nahuli mong nakikipaghalikan syota mo at sinabi niyang hinimatay lang dahil nagkulang sa oxygen kaya ni-resuscitate niya, maniniwala ka pa rin?

O ikaw yung nakaw-tingin lang? Masyadong torpe o pakipot, takot mareject. At sa bandang huli palaging nagsisisi? Pa’no kasi may gusto rin naman pala sa’yo yung tao, pero huli na ang lahat para sa inyong dalawa.

O baka naman ikaw yung gagawin lahat makuha lang yung taong gusto mo? Kahit na alam mong may masasaktan at maaagawan ka?

Wala namang tama o mali sa pagmamahal. Bawat tao, may kanya-kanyang paraan. Nagiging mali lamang ito kapag gumawa ka na ng paraan para masira ang pagsasama ng iba.

Sa Isang Radio Station:

Background song playing: “Kay rami ng winasak na tahanan. Kay ‘rami ng matang pinaluha. O tukso, layuan mo ako…”

“Hello Dr. Love, nag-away po kami ng pamilya ko. Nalaman kasi nilang may asawa’t anak na yung boyfriend ko. Ano bang dapat kong gawin? Mahal na mahal ko po kasi.”

Tinatanong pa ba ‘yun? Edi hiwalayan niya. ‘Langya. Kahit pagbali-baliktarin pa ang pangyayari, mali e. Maling-mali. Una palang alam niyang may sabit na yung tao, pumatol pa rin. Kaya dumarami ang mga kasal na napapawalang bisa e. Mga tahanan na nasisira. At kung sa kalagitnaan na ng relasyon niya nalaman yung tunay na pagkatao nung lalaki, tanga talaga siya. Pa’no nangyaring mahal na mahal niya na yung taong di pa naman pala niya lubusang kilala ang pagkatao?

Ang isa pang nakakapang-init-ulo ay kung sino pa yung agaw-eksena, sila pa yung kadalasang mas matapang kesa dun sa mga ‘legal’ o mas nauna. Sabagay, nakakapagtaka pa ba yun? E ang pagiging kabit ay nangangailan naman talaga ng lakas ng loob at kapal ng mukha.

Bakit nga ba andaming nahihilig ngayon sa pinagbabawal na pag-ibig? Dahil ang manok mas madaling mahuli kapag nakatali? O dahil maraming naniniwala na lahat ng bawal, masarap?

Madali man at masarap, kasalanan pa rin. Hindi ba’t kasama sa Sampung Utos ng Diyos na h’wag makiapid? Walang ‘pero’ at ‘paano kung’. Kahit pa ba sabihin mong di pa kasal o wala pang anak. Walang exception. Basta bawal kumuha ng hindi iyo. Kaya kahit ano pang paliwanag, hindi pa rin tanggap sa lipunan ang ganitong uri ng relasyon. Lalo na sa mga Pilipino.

Kung isa ka sa mga galit na galit ngayon na gustong magreport sa admin para ma-block ang blog na ‘to at sasabihin mong wala akong alam kung gaano kahirap kumawala sa ganitong uri ng relasyon, oo, tama ka. Tamang wala akong alam dahil di ko kailanman pinangarap pumasok sa magulo at masalimuot na sitwasyon mo. At tama ka rin na mahirap kumawala. Sino bang nagsabing hindi? Pero kailangan mong gawin. Nabuhay ka naman nung wala pa siya, bakit hindi ngayon?

Lahat tayo ayaw maloko. Lalo na kung ang dahilan ay ibang tao at alam natin na mas may karapatan naman tayo. Kaya wag ka namang maging makasarili. Isipin mo na lang kung paano kaya kung sa inyo naman ng mahal mo yung may makisawsaw? Isa pa, kung yung nauna nga sa’yo nagawang lokohin ng salawahan mong karelasyon, pa’no ka nakakasigurong hindi niya gagawin yun kapag may dumating na namang bago?

Hindi ka talo kung tatalikod ka lalo na kung mahal na mahal mo na talaga. Panalo ka hindi lamang sa mata ng ibang tao, kundi sa Diyos na rin mismo. May inilaan na Siya para sa iyo. Maaaring nakilala mo na o makikilala pa lamang. Wag kang mang-agaw ng nakalaan na sa iba para mapadali ang paghahanap. May tamang panahon at tamang tao para sa’yo.

Photo credit: gurl.com

(first published: http://nagmamahal-ariane.blogspot.com/)

About WithLoveAriane

I am 24 years of age and a nurse by profession. Weblog has been my outlet for self-expression. I started way back in 2007. It is not the minutiae of my everyday life. Rather, a portal that opens up my thoughts and feelings to my trusty friends - my multiply contacts. It gives me voice to things I am not prepared to say to someone's face. And for years of blogging, I realized that 95% of my entries were written in English. So I thought of this - making a public blog account - a hundred times. I am not sure the world would probably want to hear what I’ve got to say. But I really do love expressing myself through writing and I believe I still have a lot to say - in my native language. With Love, Ariane
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!