Asal Gubat sa Mundo ng Talipapa

(Photo Credit: world.mongabay)
(Photo Credit:  world.mongabay)
(Photo Credit: world.mongabay)

Dito po sa amin sa Barangay Panasahan noon ang pamumuhay ay napakasimple lang. Mula sa aming bahay ay halos tatlumpong hakbang lang ay nasa palaisdaan ka na. Ang palaisdaang ito ay humahangga na sa ilog hanggang sa ikaw ay makarating sa dagat. Halos karamihan sa mga naninirahan dito ay mga mangingisda partikular na ang mga kalalakihan subalit may ilan din namang kababaihan. Dahil nga mula sa aming Purok ang Beauty Village patungo sa Purok ng Tawiran ay halos puro palaisdaan na ang iyong matatanaw.

 Dahil sa kalikasang ito ng aming Barangay buhay ang agrikultura ng pangingisda. Tuwing madaling araw ay buhay na buhay ang industriyang ito. Maraming namamakyaw mula sa iba’t-ibang lugar ang nagtutungo dito upang humango ng iba’t-ibang uri ng mga yamang tubig, partikular na ang bangus at tilapya.

 Masasabi kong isa ang industriyang ito sa bumubuhay sa aming Barangay. Mayroong Fish Port, malalaking consignación at narito rin ang daungan ng mga pampasaherong bangka na bumibiyahe patungong Pamarawan. Ang Fish Port ay nahahati sa dalawa: ang lugar kung saan ibinabagsak ang mga isda at iba pang yamang tubig, at sa kabilang dako ay ang paradahan ng mga bangka o terminal na pinagbababaan ng asin mula sa lati at mga produkto mula sa palengke na dadalhin patungo ng Pamarawan.

 Sa lugar din na ito (babaan ng asin at produkto mula sa palengke)  nagtitipon at nagsasama-sama ang pangkat ng mga indibidwal na nakikipagtunggali upang mabuhay: ang mga kargador.

 Ang aking karanasan sa mundo ng talipapa ay naganap sa huling bahagi ng taong 1998, palibhasa’y di ako nakapagtapos ng pag-aaral, idagdag pa ang aking ng pagkakaroon ng asawa buwan ng Oktubre 1997. Medyo sawa na rin ako sa pamamasada ng pedicab, sa lugar na ito ako nasadlak at sinubukang maging isang kargador. Sa umpisa ay nahihiya-hiya pa ako, palibhasa hindi ito ang buhay na aking nakagawian, pero kailangan kong mabuhay kasama ng aking maybahay at ng isa naming anak noon.

 Sa ikatlo hanggang ika-pitong araw ng pagkakargador ay kumikita lamang ako ng halagang 50 piso hanggang 80 piso kada araw. Halagang kahit paano ay pambili na ng isa hanggang dalawang kilo ng bigas at may kasama ng ulam para sa isang kainan. Sa aking pagkakatanda ng taong ito ay mabibili mo lang ang isang kilo ng bigas na NFA sa halagang hindi hihigit sa 20 piso.

 Isang araw habang naghihintay ako kasama ng ilan pang kargador ng mga pasaherong may dalang anuman na pupuwede naming itugpa o isakay sa bangka. Nagkakuwentuhan kami ng ilan sa aking mga naging kakilala’t kasamahan. Hanggang sa napadako ang usapan sa halagang aming kinikita sa pagkakargador araw-araw. May kumikita ng hindi bababa sa halagang 100 piso hanggang 200 piso bawat araw kung may sumobra man sa halagang ito ay maliit lamang. Nang ako na ang kanilang tanungin, sinabi kong 50 piso hanggang 80 piso ang kinikita ko bawat araw. Pinagtawanan nila ako at sinabihan pa na “ang hina mo palang dumiskarte.” “Dumiskarte,” ano yun? Eh! Pare-pareho lang naman kaming kargador. Naitanong ko sa aking sarili.

 Dahil sa pangyayaring ito, naitanong ko sa aking sarili, bakit nga kaya mas malaki ang kanilang kinikita kaysa sa akin? Katanungan na sumiksik sa aking isipan. Kaya’t ng mga sumunod na araw ay pilit kong hinanapan ng kasagutan. Nagsimula ako sa pagmamasid sa gawi ng ilang kargador. Pinag-aralan ang diskarte (na sabi nila ay mahina ako) ng ilan sa aking mga kasamahan. Dito ko matutklasan ang isang reyalidad ng buhay, hindi parehas ang labanan sa mundong ito. Ang aking buong akala ay parehas ang labanan dito. Ngunit nagkamali ako. Sa uri ng hanapbuhay na ito ay wala sa bokabularyo ng ilang kargador ang salitang parehas.  Kung kinakailangang dahasin at takutin ang kapuwa kargador gagawin nila. Isa pang akala ko noon, sa gubat lang nababagay ang katagang “survival of the fittest,” matira ang matibay, ganito rin pala sa mundo ng talipapa.

 Asal gubat sa mundo ng talipapa. Kung sino ang may tikas, angas, tapang, at kaya ng sikmura na manlamang sa kapuwa. Siya ang kikita ng mas malaki, at tila ba higit na may karapatang mabuhay sa daigdig ng talipapa.

 Mula sa obserbasyong ito ay kinilala’t tinukoy ko kung sino-sino ang mga may tikas, angas at kinatatakutang banggain ng mga kapuwa ko kargador. Ang pumasok sa isip ko ay kaibiganin o maging kabarkada sila at siyempre upang mapabilang sa kanilang grupo.

 Isa sa kanila ay hindi ko na kinailangan pang kilalanin, si Bjorn (SLN) naging kaklase ko siya noong kami ay nasa elementarya, kung di ako nagkakamali ay sa ikatlong baitang. Tauhan siya ng isang consignacion at kapag wala pang dating o walang dating na isda ay nagkakargador din. Kasunod si Jessie dahil maskulado ang pangangatawan at may tindig, ay isa rin sa kinatatakutan. Hindi lamang dahil may angas o kaya lang nagka-angas ay dahil sa kaniyang kuya na kilala sa aming lugar. Kung bakit naging kilala ang kaniyang kuya ay dahil sa isang sensitibong pangyayari. Mula sa kanila ay may ilan pang grupo na kapag nakatalo mo at nakaaway ang isang sa kanila ay para kang pinapak ng langgam at ang palasak na salita ay para kang nagtampo sa bigas kapag niresbakan ka. Hindi naman ako nabigo naging kabarkada ko nga ang ilan sa kanila.

 Nang mapabilang ako sa kanilang grupo pakiramdam ko ay nagkaroon ako ng panibagong pagkatao. Mula sa pamasid-masid at pagkuha ng pagkakataon na makakuha ng mga hahakutin o produkto na ikakarga sa bangka. Medyo may konti na ring angas at ang maganda doon ay nadagdagan na rin ang aking kinikita sa araw-araw. Subalit sa kabila nito ay parang may kurot sa isang bahagi ng sinasabi kong bagong pagkatao, hindi ako masaya. Sapagkat alam ko sa kaibuturan ng aking puso ay may mga indibidwal na para bang inaalisan namin ng karapatang mabuhay. Mga indibidwal na gaya ko ay nagpupumilit ding mabuhay sa paraang alam nila, ang pagkakargador. Ngunit sila ang nais ay sa maayos na pamamaraan di gaya namin na may panlalamang at pananakot. Ah! Hindi pa pala ganap na nilalamon ng panibago kong pagkatao ang tunay na ako.

 Dahil sa wari ba’y sumbat ng konsensiya, kinaibigan ko rin ang ilan sa mga ito at paminsan-minsan nga ay nagkakayayaan kaming mag-inuman sa karinderya na malapit sa talipapa. Masaya kami sa pag-iinuman sa kabila na walang katiyakan kung may maiuuwi kaming pera sa aming pamilya matapos ang maghapong pagbababad sa talipapa. Talaga yatang ganoon kapag walang tiyak na tunguhin sa buhay, basta’t masaya tayo ngayon bahala na mamaya o bukas. Para bang ang nangyayari ay naghahanapbuhay kami, pangunahin para sa aming sarili at pangalawa na lamang ang aming pamilya.

 Minsan habang nag-aabang kami ng mga pasahero na may dalang mga kalakal o anumang bagay na aming maikakarga sa bangka, nagkuwentuhan muna kami. Sa aming pagkukuwentuhan ay napadako ang paksa sa aming pagkakargador. Ang panlalamang at pananakot sa maliliit at mahihinang kargador. Kadalasan kasi ay sila ang biktima o inaagawan ng hakot ng mga maaangas at nagsisigasigaan sa mundo ng talipapa. Nagtanong pa nga ako sa kanila, kasama ba ako sa tinutukoy ninyo o baka naman ako na talaga ang tinutukoy ninyo? Bagaman ang katotohanan ay talagang isa ako sa mga ito. Hindi naman sa ganoon! Sagot ng isa sa kanila, ang gusto lang sana namin ay maging parehas ang labanan, kung sino ang mauna siya ang magkakarga sa bangka kung anuman yung dala ng pasahero na dapat isakay sa bangka.

 Matapos nilang buksan ang kanilang saloobin nagbigay ito sa akin ng malalim na pag-iisip. Kailangang may gawin ako. Dahan-dahan akong nag-ipon ng sapat na lakas ng loob para maipaabot ito sa mga kasamahan namin na maangas at wika nga’y kinatatakutan. Naipaabot ko ang kanilang sentimyento subalit ang naging sagot sa akin ay negatibo may nagsabi pa nga na talagang ganiyan walang parehas sa mundong ito, matira ang matibay. Ikaw, bahala ka.

 Sa puntong ito ay kinailangan kong pumili ng panig. Ang maaangas ba o ang mga indibidwal na ang tanging nais ay magkaroon ng pantay na oportunidad upang kumita? Pinili ko ang panig na nais ay magkaroon ng pantay na oportunidad. Upang ito ay magkaroon ng katuparan, sinimulan kong organisahin ang grupo ng mga kargador. Umabot pa nga sa punto na nakipag-away ako sa isa sa aming kasamahan dahil sa ginawa niyang pag-aagaw sa hakot ng isa sa aming kasama. Nangyari ito para lamang mapatunayan ko na seryoso ako sa pakikiisa sa kanilang sentimyento.

Sa kabila ng aming pagsusulong na magkaroon ng patas na oportunidad para kumita ang lahat ng mga kargador ay walang nangyari. Dahil balot ng takot, maliliit at mahihina ang tingin sa sarili ng panig na aking sinamahan. Sanhi nito, patuloy na nakapangyayari’t nakapananaig ang asal gubat sa mundo ng talipapa. Makalipas ang mahigit isang taon ng aking pagkakargador umalis ako sa mundo ng talipapa at sa aming Barangay. Subalit sa aking pag-alis binaon ko ang mahalagang aral na aking natutunan sa gitna ng mga lobo sa mundo ng talipapa. Aral na magpahanggang ngayon ay nakaukit sa aking pagkatao.

 Walang mangyayari hangga’t ang maliliit at mahihina ay titingin lamang sa kanilang sarili at hindi susubukang pagsama-samahin ang kani-kaniyang angking lakas. Kapag hindi nila pinag-isa at pinagyaman ang anumang mayroon sila. Hangga’t sila’y pinaghihiwa-hiwalay ng takot na kanilang nararamdaman. Hangga’t hindi nila didiligin ng pagtitiyaga, pagsisikap at determinasyon ang adhikaing nais nilang makamtan. Walang mangyayari.

 Masakit mang harapin ang katotohan, subalit hangga’t ang maliliit at mahihina ay patuloy na magsasakmalan at maglalamangan sa isa’t-isa. Hangga’t sa kanilang hanay ay may handang manlamang sa ngalan ng iilang sentimo. Kailanman ay hindi nila matutuklasan at mapagyayaman ang natatanging lakas na mayroon sila. Kailanman ang sariling pagkatao’t pagkakakilanlan na dapat payabungin ay mananatiling kimi’t nakatago. Dahil sa pag-aagawan sa teritoryong dapat sana’y pinagsasaluhan na may pantay na oportunidad.

 Kung ganito nang ganito ang mangyayari, hindi kataka-taka ang patuloy na pamamayagpag ng mga naghaharing-uri sa ating lipunan. Hindi kataka-taka na sila ang patuloy na nagkakaroon ng higit na oportunidad sa mas maayos na pamumuhay. Hindi tayo dapat magtaka kung bakit ang mayaman ay patuloy na yumayaman at ang mahirap ay patuloy na naghihirap. Hangga’t ang asal gubat ay nakapangyayari sa iisang teritoryong ating kinabibilangan, hangga’t ang asal gubat ay nakapangyayari mismo sa hanay ng maliliit at mahihina at ito’y laganap kahit pa nga sa mundo ng talipapa. Tandaan mo! Walang mangyayari.

About "Ka Mike"

cultural enthusiast.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!