Araw ng Kalayaan sa Pananaw ng Isang OFW

 (Photo Credit: Wikipedia.org)
(Photo Credit: Wikipedia.org)

Araw na naman ng kalayaan, ito ay nagpapahiwatig na ang ating bayan ay malaya na mula sa pananakop ng ibang bansa. Na ating ipinaglaban na makamtan natin an  ating minimithing kalayaan. Lagi nating inaaalaala taun-taon.  Kaya isa ito sa mga ispesyal na araw na walang pasok  sa opisina o paaralan ang lahat ng tao sa bansa.

Ngunit tunay ba tayong malaya?

Hindi ko rin masagot ang katanungang ito sa loob ng higit apat na taon ko ring pamamalagi dito sa Gitnang Silangan.

Oo, pinili ko na dito makipagsapalaran dahil ito ang sagot sa mga suliranin na iniwan sa bansang Pilipinas, ang aking pamilya.

Bilang tigapagtaguyod sa kanila ay dapat kong siguraduhin na nasa maayos silang kalagayan. Na makakain sila nang tatlong beses isang araw, makapag-aaral sila nang husto at komportable silang namumuhay. May kapalit lamang ito, ang aking kalayaan.

Oo nga, malayo naman akong nakapagtatrabaho dito at nabibigyan naman ng sapat na sahod na mas mataas pa kaysa aking kinikita sa ating bansa, pero patuloy akong nagiging alipin sa paninilbihan sa mga dayuhan na lalo lamang nating tinutulungang yumaman.

Ang aking angkin talino na dapat ay naipapamahagi ko para sa ating bansa ay hindi naman kinakailangan dahil sa iilan lamang ang oportunidad na maibibigay sa aming edad na nasa kalahating sentenaryo na sa mundong ito.

Mas higit na pipiliin ang mga batang katatapos lamang ng kolehiyo at aalukin ng sahod na sapat para sa kanila. Sila ,ang ating mga kabataan, ay patuloy na nagsisilbi sa mga dayuhan sa pamamagitan ng mga “Call Centers” dahil sa higit na mababa ang pasahod sa kanila kaysa kumuha ang Estados Unidos ng kapwa nila. Ang atin naman na mga kababayan na nagtatrabaho sa mga tindahan ng laruan, damit  at iba pang gamit ay patuloy na nagtutulak na mabenta ang mga produktong na karamihan ay gawa ng bansang tsina.

Kaming nasa ibang bansa ay hindi tunay na malaya kasama rin ang mga nasa ating bansa. Gumaganda  ang ekonomiya natin  at kaming mga “modern day”  Andres Bonifacio ay hindi pa nakikinabang sa sinasabing unlad ng bayan. Hindi natin sasabihing may kasalanan ang ating administrasyon, bagkus ay ito ay hindi agad makakamtam dahil sa mga ilang taon na paghihirap na ibinigay sa atin ng mga nagdaang president at hindi nagagawang itama ang kalakaran.

Hindi dapat na ipagmalaki na maraming bansa ang kumikilala sa husay at galing ng ating mga kababayan kung kaya gusto tayong kunin at tumulong para umunlad ang kanilang ekonomiya. Dahil kung iisipin natin ay tayo ay isang alipin pa rin na tinapatan ng pera na hindi kayang ibigay sa atin ng inang bayan.

Kailan kaya tayo lubos na magiging malaya?

About da_professor

Masasabi kong ako ay jack of all trades, master of nothing. Simula noong bata ako ay marami na akong nasalihan at nainvolved na activities..choir, theater, cubs scout, boys scout; senior scout. Karate, taekwando, arnis. Sali sa legion of Mary, block rosary , youth organization, sumasali sa mga tournament ng basketball, volleyball, bowling, tennis, chess, pingpong at kung ano ano pa. Hanggang ako ay nagkatrabaho, nagkapamilya ay nawala na ang mga aktibidades ko. Ang hindi lang nawala sa akin ay ang hilig ko sa pagsusulat. Siguro bunsod na rin ito ng hilig ko magbasa at magobserba ng mga bagay bagay kung kaya ang aking creative juices ay buhay na buhay pa. Sa kasalukuyan ay nasa gitnang silangan ako na araw araw ay nakikihalubilo sa mga manggagawa dito para siguraduhin ang kanilang kapakanan (human resource) Biniyayaan ako ng limang anak at isa na lang ang nagaaral sa kolehiyo.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!