Anti-Social Case#1

Ako si Samuel, edad 18. Samuel lang, kinalimutan ko na ang apelyido ko, kasama ng middle name ko. Bakit ko ikakabit sa pangalan ko ang mga apelyido ng mga nagtaboy sa akin sa mundong ito?

Nasaan sila? ‘Yung hinayupak na nagputok ng semilya sa nagluwal sa akin ay nagpapayaman, laging OT ang bukambibig at ‘yung nagluwal sa akin ay abala sa kung anu anong social at community service.

Ang laging kasalo kong kumain sa bahay ay ang pusa namin. Minsan, inunahan akong kumain, naubusan ako ng ulam. Sa sobrang galit ko, nilagay ko sa sako at ibinitin ko sa puno ng mangga. pinagpapalo ko ng baseball bat hanggang ang kanyang meow ay naging wala na. Nakaramdam ako ng kakaibang galak pagkatapos kung gawin ‘yun. Feeling ko lahat ng dinadala kong bigat sa dibdib ko ay nawala, naihambalos lahat palabas.

Kapag dumarating na sila sa bahay, nagkukulong ako sa kuwarto, nakahiga lang ako at nakatingin sa poster ni Kurt Cobain sa kisame. Walang napoprosesong galaw sa utak ko habang kinakatok nang paulit-ulit ang pintuan ng kuwarto ko. Nagju-juggle ang mga matatalas na bagay gaya ng blade, kutsilyo, bente nuwebe, ice pick sa isipan ko. Binabalanse ang pagsakop ng bayolenteng imahe sa papatakas kong kabutihan. Nakakatulog akong nakalimutan na ang magdasal, para saan pa ba ‘yun kung ang tanging hiniling ko lang mula noon ay tapunan naman ako ng aruga at atensyon ng mga hinayupak na mga nag-aalaga daw sa akin —- at ‘di kailanman natupad.

Ayokong gumala, ayokong sumama sa kung saan pagkatapos ng klase sa eskwela. Diretso na ako sa kuwarto at katipan ang wala sa tono kong gitara. Pare-pareho ang nakalagay sa puna ng guro sa card ko mula first grading hanggang fourth grading period – siya ay tahimik sa klase. Pero hindi nila alam, naghuhimiyaw, humuhulagpos ang mga gusto kong sabihin sa isip ko. Wala akong alam na paraan para pakawalan sila lahat kundi sa marahas na pagstrum sa gitara ko hanggang mapigtas lahat ng string at magkasugat sugat ang mga daliri ko. At doon, nakakaramdam ako ng ginhawa.

Milagro ang minsang maagang nasa bahay ang isa sa mga hinayupak, kinompronta ako, ang taas ng boses niya, pumapantay sa bokalistang si Eddie Vedder. Ano na daw ang nangyayari sa akin, nag-aadik na daw ba ako. Hindi ako sumagot, dirediretso ako patungo sa aking kuwarto, hinila niya ako nang puwersahan at napasalampak ako at nabuwal patalikod. Sumigaw ako at hindi ko alam ang salitang lumabas sa bibig ko, tumakbo ako sa aking kuwarto at kinuha ang aking gitara, ihahampas ko sa hinayupak na ito.

Sa aktong ihahambalos ko ang likod ng gitara sa kanya ay siyang dating ng isa pang hinayupak, na humarang sa babagsakan ng puwersa ko. Sapul ang naisanggang siko ng nagluwal sa akin. Wasak ang gitara.

Lumayas. Lumayas. Lumayas ka dito, ang paulit ulit na naririnig ko sa aking tenga habang sinisipa ako ng mga hinayupak. Tumakbo ako palabas, tumakbo ako nang walang tigil, hindi ko naramdaman ang pagod, hindi ko na alam kung nasaan na ako.

Napahinto ako, napayuko, napaupo sa sidewalk, napahagulgol ako, iniyak ko ang lahat kasing haba ng discography album ng metallica.

Naalala ko ang baseball bat sa kuwarto ko; napangisi ako gaya sa asong hindi alam tumahol.

Tatlong taon na ‘yun at nandito ako sa pangangalaga ng DSWD. Bukas, ililipat na ako sa provincial jail.

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!