Anti-Social Case #2

Photo by Joelk75

Ang weird ko daw.

Sobrang kapal ng antepara ko, tipong makaluma, malalaki ang kwadradong frame, puwedeng gawing magnifying lens at panunog ng papel kapag itinapat sa sinag ng araw.

Natahi daw ang singit ko dahil sa klase ng paglalakad ko, parang may nakaipit na libro ika ng mga kaklase ko. Lagi nila akong tinutukso na hindi daw pantay ang bigat ng bayag ko, mas mabigat ang kabila kaya ganun daw ako maglakad, kabaliktaran ng sakang.

Sumasaya ang araw nila kapag puno na ang magulong klase at ako ay eentra sa harap ng pinto. Andyan na si Einstein, andyan na si alien, andyan na si padre, andyan na si lolo, andyan na si boybayag, mga pamungad bati sa tuwing darating ako, nakayuko, nakasukbit ang mabigat na bag na puno ng mga librong ipinapasulat din lang sa notebook ang mga nilalaman.

Para akong hinatulang mangkukulam ng unang panahon dahil sa kung anu-anong klase ng pamato ang dumadapo sa katawan ko, may binilot na papel, may ballpen na nagtae, may lapis na nangatngat ang pinalagyan ng pambura, may pinag-inumang plastic ng palameg, at pati basahan sa banyo. Mabuti na lang kahit papano hindi nadudumihan ang plantsadong uniporme ko, matatadtad na naman ako kay Mommy ng malulutong na mura at englis pa.

Iwas ang mga kaklase ko sa akin. Sa mga activity at pangkatan, lagi nila akong hinuhuling pagpilian o kaya’y pinagpapasa-pasahan kung kanino ako grupo isasama. Sa oras ng P.E. tinatalaga ako ni titser na umpire o liner o scorer sa tuwing may laro kami sa labas, hindi ko naranasang makipagrebound o kaya’y pumalo sa bola, ang rason nila baka macollapse daw ako o kaya’y mabalian ng buto. Sa oras ng recess, nasanay na ang mga kotongero kong kaklase na bilhan ko sila ng softdrinks at kakanin dahil kapag tatanggi ako, nawawala ang mga gamit ko sa bag at hindi ko alam kung kanino ko hahagilapin.

Sa uwian, ako lagi ang huling lumalabas ng pinto kapag may pinapasulat si titser sa pisara, mabagal kasi ako magsulat at hindi ko mabasa agad ang nakasulat sa pisara kahit nakasalamin na ako.Wala akong kasabay umuwi paglabas ng gate ng skul, minsan mas gusto ko na rin yung nag-iisa dahil hindi ako naaalibadbaran sa piling ng mga kaklase ko. Umaarkila na lang ako ng traysikel kahit may kamahalan ang pamasahe.

Kapag nasa bahay na ako, wala akong taong dadatnan kundi yung katulong namin. Kagaya ng nakagawian, nakaluto na ng hapunan, kakain na lang ako kapag gutom ako, gabi na kung dumating sina Mommy, sa umaga sa agahan na lang kaming nagkikita-kita. Kagaya nga ng dating nakagawian, puro bilin, sermon, paalala na paulit ulit, na mag-aral akong mabuti, umiwas sa impluwensya ng barkada, wag tumikim ng drugs, wag munang makipagrelasyon. Walang problema sa akin yun dahil mabait naman ako, ang hindi ko lang lubos maisip bakit iwas ang mga kaklase at iba pang tao sa kagaya kong malabo ang mata at kakaiba kung maglakad. Hindi ba nila tanggap? Kaya habang lumalaon, iwas na rin ako sa kanila.

Minsang umaga bago magflag ceremony, habang nagmamadali akong lumakad papasok ng skul, may sumipol na estranghero sa akin, may bitbit syang bag, sabi nya nakalimutan daw ng anak nya ang backpack nya at ipinapasuyo nyang ibigay ko ito sa anak nya. Dahil mabait ako, kinuha ko ito at sinabi nyang iwan ko na lang sa room ng grade 8-A at dali dali na syang umalis.

Mag-uumpisa na nag flag ceremony, kaya tumakbo ako papasok ng gate, sakto pagkapila ko sa pinakahuling linya ng seksyon naming ng biglang nagliwanag ang paligid ko at saka wala na akong naalala.

Isang buwan na rin ng nangyari yun at usap-usapan pa rin sya sa buong komunidad maging sa buong bansa. Wala na ang mga umaalipusta sa akin, wala na ang umiitsapwera sa akin kundi si Mommy na lang na laging bumibisita sa akin dito sa sementeryo.

About blangko

mababaw, malalim, adik sa imahinasyon ng kung anu-ano...
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!