Ano pa ba ang halaga ng Semana Santa?

(Photo Credit:  www.inpsicon.com)
(Photo Credit: www.inpsicon.com)

Napapakamot talaga ako sa ulo ko, dahil sa lipunan nating ito, may halaga pa ba ang Semana Santa?

Sa isang mundo na karamihan ay may access sa Internet mapa-PC, tablet, laptop, sa bagong cellphone mo, may Instagram accounts at may mga summer vacation plans tuwing sasapit ang linggong ito, talagang mapapaisip ka talaga.

Hindi naman na inggit na inggit ako sa mga nagbabakasyon, dahil talagang natatawa lang talaga ako sa sitwasyon nating lahat. Gaano pa ba ka-sagrado ang karamihan sa Semana Santa at gaano pa bang may silbi ang pananampalataya sa isang mundong balot na balot sa komersyalismo?

Ano pa ba ang halaga, ano pa ba ang halaga, ano pa ba ang halaga?

Ito ang kumukulit sa isipan ko na parang sirang plaka. Tama pa ba ang sinasabi nila na para ito sa Panginoon, ang ating mga ginagawa? Sinasabi rin naman iyon ang mga nagpapako sa krus sa Pampanga, pero ayon sa Simbahan, bawal daw iyan. Pero ano ang gagawin mo kung sadyang mahilig magpaniwala sa kung ano-anong haka-haka ang mga tao?

Ang Pilipinas ay hindi isang esperituwal na bansa, ito ay relihiyoso na pinalilibutan ng mga pamahiin.

Ayon kay Friedrich Nietzsche, patay na raw ang Diyos sa modernong mundo. Sa mga taong madaling humusga sa katagang ito, ito ay isang metapisikal na interpretasyon ng relihiyon at ang silbi nito sa kasaysayan.

Kung susuriin mo, talagang may tama siya, pero hindi ito ang literal na pagkamatay. Ang pananampalataya ay napalitan na ng pagsamba ng mga tao sa maka-mundong hangarin ng materyalismo at hedonismo.

Ang pag-gunita tuloy ng karamihan ng tao sa Semana Santa ay parang pakitang tao na lang, sapagkat wala na itong halaga, wala na itong saysay kung ganitong ganito pa rin ang nakikita ko.

Bakit hindi na lang tawagin ang Holy Week na Linggo ng Bakasyunan katulad ng pambababoy ng mga konyo sa Mayo Uno, ang araw ng mga manggagawa?

Upang masabi ko ang nilalaman ng puso ko, mas maganda siguro kung isasatula ko na lang lahat ito. Kailangan natin minsang humarap sa salamin upang makita natin nang husto ang sarili natin:

Sawa ka na ba sa Semana Santa?

Sawa ka na ba sa Semana Santa

Sapagkat ito’y isang patay na makina

Na pilit na binubuhay pa

 

Sawa ka na ba sa Semana Santa?

Sawa ka na ba sa Semana Santa?

Sapagkat isa na itong sirang plaka

Na pilit pinatutugtog pa

 

Ano ba ang gagawin mo

Sa panahon ng linggong ito?

Ikaw ba’y mag rorosaryo?

O pupunta sa Bora o Baguio?

 

Kumusta na pala ang Bisita Iglesia?

Feeling blessed pa sa Facebook

Ang status niya!

Kumusta na pala ang mga taong nakahiga

Sa tapat ng simbahan, nagugutom at nagluluksa?

 

Hindi ka sa krus lumuluhod

Hindi ka sa Diyos sumusunod

Ang sarili mo lang ang sinasamba mo

Sa komersyalismo ka nakabuklod!

 

Sawa na ako sa Semana Santa

Pagpapapako ng krus sa Pampanga

Sawang sawa na ako

Diyos ko tigilan niyo na

Ang kagaguhan ng mga kababayan ko!

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!