Ang Wheelchair, Mga Artista, Limangdaan at ang Pilipinas

Source: www.positivelyfilipino.com
Source: www.positivelyfilipino.com

Nakakatawang isipin na sa dami ng usapin at isyung politikal sa bansa ay wala parin ni isang nareresolba kahit na harapan na tayong sinasampal ng ebidensiya ng korapsiyon at panloloko. Ganito na yata talaga ang kalakaran sa politika ng Pilipinas, wala ng pag-asa na maiahon pa dahil sa lugmok at bulok na sistema.

Patuloy tayong niloloko, pinapaikot, ginagamit at ninanakawan. Humihingi tayo ng hustisya, manunumpang hindi na iboboto muli ang  mga kurakot at gahaman ngunit pagkatapos ng tatlo o anim na taon sy sila nanaman ang hihiranging mambabatas ng bansa.

Gusto kong magmura sa inis dahil sa harapang panloloko ng gobyerno, pero sila nga lang ba ang may kasalanan? Tama naman ang ibang tao kapag sinasabi nila na kahit na anong gawin natin, mas madami paring bobotante, mas madami parin sila na mas pipiliin ang pera kapalit ng boto para sa panandaliang ginhawa kaysa mahusay at matalinong pagpili para sa unti-unting pagbabago. Ngunit masisisi ba natin sila kung sa mga panahong ‘yun, ang suhol ang nagparaos ng isang araw sa buhay nila? Limangdaang piso kapalit ng boto. Isang araw na pangkain kontra sa tatlong taon na pagdurusa. Php.456 centavos lang sa isang araw, yan ang halaga ng buhay nila.

Minsan, naiisip ko na ang “pro-mahirap” ng mga politiko ay hindi para tulungan ang mga taong mas nangangailangan ng kanilang atensiyon. Minsan naiisip ko na ayaw naman talaga nilang maiahon sa kahirapan ang nakararami dahil kapag tumalino na sila at natuto, kapag hindi na sila ignorante, kapag kaya na nila ang mga sarili nila eh wala ng uutuin ang mga pesteng buwaya na nakaupo sa magarang opisina. Hindi nila tayo tutulungan. Hahayaan lang nila tayong maghirap para sa susunod na eleksiyon ay tayo nanaman ang uutuin nila.

Kawawa naman ang bansa natin dahil pinamumunuan ito ng mga gahaman sa yaman; ng mga mapanamantala. Paulit-ulit na lang ang eksena sa senado na para bang pelikula. Sabagay, puro artista nga naman ang kalahok at tanghal sa senado gaya nina Revilla, mag-amang Ejercito at si Lito Lapid. Sana lang, huwag nang ituloy nina Ai-ai, Kris Dingdong at Boy (isama na natin si Manny Pacquiao) ang pagpanhik sa pwesto. This is a free country sabi nga nila pero hindi rin naman masama na sabihing hindi sila kwalipikado para sa nasabing pwesto. Bakit hindi nalang sila umarte ng umarte at magsalita ng magsalita sa harap ng camera dahil ‘yun naman ang calling nila?

Nakakaloko lang din manood ng balita lalo ngayong napakaraming anomalya ang naglalabasan. Napakaraming issue ng korapsiyon ang ibinabato ng magkakalaban na partido sa isa’t isa. Minsan nga hindi mo na alam kung sino ang kakampihan mo dahil parehas naman silang nagnanakaw, parehas silang nagsasabi ng totoo ngunit parehas naman silang madumi ang intensiyon kapag naluklok na sa pwesto. Sino ang lesser evil? Wala naman kaya nagmumukha na lang Moro Moro ang hearing nila sa Senado.

Kapag napatunayang guilty, ang mga malulusog at bundat na mga politiko ay biglaang nagkakasakit. Biglang nagkakaroon ng wheelchair. Biglang maoospital dahil lang sa stress (SA ST. LUKES PA!!!).

Sunod sunod na ang mga hinaing nila dahil nahihirapan daw sila sa kanilang kulungan na kung tutuusin ay malayong marangya at maayos kumpara sa mga ordinaryong selda. Sunod sunod na rin ang pagkakasakit ag pagpapa-check up nila dahil sa matanda na raw at delikado ang kalusugan.

Minsan, naiisip ko na magnegosyo na lang ako ng wheelchair at bebentahan ko na lang ang bawat politiko, para din naman ito sa kanilang future dahil sigurado, kapag nagkabukingan wheelchair vendors ang kanilang takbuhan.

Ang wheelchair ay simbolo na ng kalokohan at kamangmangan ng mga Pilipino. Ito ang nagsasagisag ng kakulangan natin sa awareness sa pagpili ng mga leader. Simbolo ito ng kanilang panloloko, at tayo naman ay mga willing victim. Paulit ulit silang mahahalal kahit na proven guilty na, dahil kapag naka-wheelchair na ay maawa na ang karamihan sa atin. Hindi man lang maisip ng karamihan na ang dinadanas ng mga nakukulong ay nararapat lamang.

Walang-wala pa ito sa hirap na dinadanas ng mga mamamayan sa pang-araw araw na buhay. Sila, konting sakit sa ulo nagrereklamo na. Tayo bang mga manggagawa napayagan nang umabsent sa trabaho dahil lang sa sakit sa ulo? Walang nakakaawa sa sino mang politiko na nakapiit ngayon. Sa dami ng naibulsa nila na para sana sa ating bansa, kulang pa ang hirap na dinadanas nila.

Pare-parehas lang ang bawat botante sa nais na mangyari sa gobyerno. Ito ay ang magkaroon ng malinis na eleksiyon at magandang pagpapatakbo ng bansa at pondo. Iisa lang ang hangarin nating lahat–ito ay ang umayos ang ating bansa. Ngunit hindi natin ito makakamit kung ang utak natin ay nakatuon lamang sa panandalian pagraos–band aid solution kumbaga. Hindi tayo makakaahon sa kinalulugmukan natin kung ayaw nating tanggapin ang pagbabago at simulan ito sa ating mga sarili. Itigil muna natin ang paninisi sa mga politiko at usisain ang mga sarili.

Maging matalino tayo hindi lamang sa usaping akademya kundi sa kasalukuyang mga pangyayari. Gawin nating obligasyon ang pagiging mapanuri sa mga pangalang isusulat sa balota. Lahat tayo dumaranas ng kahirapan at hindi sagot ang limangdaang piso na iaabot sa atin kung ang kapalit naman ay ilang taong paghihikahos.

Sana dumating na ang panahon na babangon muli ang bansa natin mula sa pagkakalugmok. Mukhang wala nang pag-asa, mukhang di na kaya ng himala. Mukhang pahirapan na din ang pagdarasal. Ngunit malay natin, isang araw sisikat din ang araw at pag-asa para sa Lupa nating Hinirang.

About PirmaAtPluma

Mahilig Sa Yellow, pero hindi kay Pnoy|| Madaldal|| A Fan of MSK, RAGubalane, Mike Portes, Kara David and akoposijayson || Fan ni Bob-Ong|| Proud Pinay|| Adik sa Clash of Clans
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!