Ang Universe at ang Pag-ibig Ko sa ‘Yo

Image by wallpapersok

Ano nga ba ang pinakaimportanteng bagay sa buong kalawakan? Ang mga planeta? Ang mga bituin? Buwan? Asteriods? Black hole? Solar System? Galaxies? Depende siguro kung ano ang pananaw mo.

Pero kung tatanungin kita. Kung ihahalintulad mo ang sarili mo at ang pagmamahal mo sa taong mahal mo? Anong heavenly bodies mo ito maikukumpara?

Korni, ‘di ba? Pero mapapaisip ka. Kasi kung nagmamahal ka, mahilig kang mag-symbolize sa mga bagay bagay na may kahulugan sa nararamdaman  mo. Halimbawa na lang; kinukumpara mo siya sa isang bulaklak, dahil ubod siya ng ganda. O hindi kaya pag naaalala mo ‘yung isang kanta eh, apektadong-apektado ka kasi doon mo siya naaalala. Or ikukumpara mo sa ampalaya ang pag-ibig mo sa kanya.. kasi alam mo na.. BITTER ka.

Kaso sa pagkakataong ito medyo, kumplikado nga lang. Dahil universe ang pinag-uusapan dito.

Mapapaisip ka siguro, ano nga ba KAMI sa kalawakan?

Siguro isa kang planeta? Or mas gasgas na ‘yung  siya ‘yung ARAW at ikaw ang mundo. Wala kang buhay kapag wala siya. Tapos sasabayan mo pa ng walang kamatayang litanya na “ibibigay ko ang buwan at mga bituin sa iyo” O ‘di ba p’wede? Siguro kung panahon pa ni Maria Clara, sinagot ka na agad ng nililigawan mo.

Tinanong ko ‘yan sa sarili ko. ‘Yan ang dahilan kung paano ko nabuo ang likha kong ito.

Ano nga ba siya sa akin, at ano nga ba ako sa kanya? Ako ba ang araw na magbibigay buhay sa kanya? Ako ba ang mundo, na iikot sa kanya? O isa lang akong  comet na napadaan sa buhay niya? O puwede din isa akong dark hole na sisira sa buhay nya?( ‘wag naman sana, ‘di ba). Pero honestly, matagal kong pinag-isipan ang bagay na ito.

Isang bagay lang ang nabuo agad ng utak ko…Siya ang MUNDO ko,  siya ang bagay na nagbibigay saya, at kulay sa buhay ko.  Siya ang taong meron ang lahat para ako mabuhay. Hindi siya perpekto tulad ng literal na MUNDO, pero nasa kanya ang lahat para tumibok ang puso ko.

Ngayon, dumating na ‘yung puntong iisipin ko kung ano nga ba ako, saan ko ikukumpara ang sarili ko sa napakaraming  bagay sa kalawakan.

Sa kasamaang palad, hindi ako ang ARAW na kanyang iniikutan. Hindi ako ang araw na nagbibigay buhay sa kanya. Hindi ako ang araw na hinihintay niya sa bukang liwayway. At lalong hindi ako ang araw na inaasam niya.

Ang sakit. ‘di ba?

Gustuhin ko man maging ARAW niya, kaso hindi ako ang gusto niyang ikutan? Hindi ako ang dahilan ng bawat ngiti niya. Nung naisip ko ang bagay na ‘yan, honestly, gusto ko nang ihinto ang kakornihan kong ito. Pero sa bandang huli na-realize ko na ayaw ko din pala maging ARAW para sa kanya. (hahaha, nakahanap ako ng dahilan para hindi maging bitter kahit hindi ako ang ARAW niya)

OO, masarap na sa akin umiikot ang buhay niya, pero ayoko ‘yung habang lumalapit siya sa akin ay unti unti siyang nasisira, nawawalan ng buhay, nasusunog at nawawasak . Ayaw kong maging araw na sisira sa magandang buhay niya. Kaya eto ang dahilan kung bakit gusto kong tapusin ang likha kong ito.

Ako ang BUWAN na iikot sa kanya. Ako ang BUWAN na magbibigay liwanag sa panahong madilim ang buhay niya. Ako ang buwan na patuloy  magmamahal sa kanya. Hindi ako nakakapaso, hindi din naman ako ganoon kalamig. Hindi ako ganoon kalayo, Hindi din naman ganoon kalapit.

Pinili ko ang buwan na sumisimbolo sa pagmamahal ko sa kanya, sapagkat, ako ang buwan na hindi magsasawang iikot sa kanya. Sa kabila ng hindi niya pagbibigay pansin. Ako ang magpapanatili ng “BALANSE=TIDES”, ng sapat na “PAGMAMAHAL=GRAVITY” at magpapanatili ng tamang “EMOSYON=CLIMATE” sa buhay niya. Hindi man niya nakikita ang aking halaga, isinasawalang bahala man niya ang nararamdaman ko, patuloy pa rin akong magmamahal sa kanya.

Sa bandang huli, pinili ko ang buwan at mundo bilang simbolo naming dalawa, dahil umaasa ako na ako ang soulmate niya. Dahil base na rin sa siyensya; ang  buwan ay dating bahagi ng mundo sa mga panahong tinamaan ng malaking asteroid ang mundo at may malaking  solid mass na humiwalay  dito na siyang naging buwan.

Ang korni, ‘di ba? pero ikaw, ano nga ba kayo sa malaking kalawakang ito?

About malaya06

a deo et rege; humanus crede.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!