Ang Unang Lipad

Doon sa paliparan…
Ay wala kaming imikan.
Nalalabing oras ng paghihiwalay…
Ay ayaw naming malaman.clown

Ngiti sa labi ng aking maybahay…
Alam kong pampalakas loob lamang.
Sapagkat nalalaman niyang…
Iyon ang tamang paraan.

Karga-karga kong sanggol…
Parang ayaw kong bitawan…
Haplos niya sa pisngi ko’y…
Nagsasabing huwag siyang iiwan.

Tahimik na mga anak…
Ay aking iniiwasan.
Malulungkot nilang mga mata…
Ay ayokong pagmasdan.

Baka nang dahil doon…
Pangarap ay kalimutan na lang.
Magtiis sa aking bayan…
Puro kurakot at kahirapan.

Kaya’t nang oras na’y…
Mabilis ko silang tinalikuran.
Pagpatak ng luha ko…
Baka ‘di ko na mapigilan.

Binuong tapang ko’y…
Tila maglalaho.
Nais ko nang umatras…
Bumalik…
Huwag na silang iwanan.

Para akong tulala…
sa loob ng bulwagan.
Nagising na lamang akong…
Nag-iisa… Nakaupo…
Hinihintay ang sasakyan.

Pag-angat ng eroplano…
ay naidasal ko na lamang…
“Panginoon… mag-iina ko…
Lagi n’yo pong bantayan.”

Bawat uga sa himpapawid….
Laging kinakabahan.
Tulog nga ang katawan…
Gising naman ang isipan.

Disyerto ng Saudi…
Nang aking mapagmasdan…
“Makabalik sana nang buhay!!!”
Nasambit ko na lamang.

About mr clown

Hindi po ako writer. Trying hard lang po. Naglilibang lang at baka sakaling sa paglilibang ko ay malibang din kayo. Oh, e di everybody happy. Hek! Hek! ~ mr clown c")
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!