Ang Roommate Kong Bi

roommate pic

Sa ating bansa, hindi pa rin lubusang tanggap ng mga Pinoy ang mga member ng Gay, Lesbian at Bisexual community. Marami pa rin sa atin ang nanlalait at mababa ang tingin sa kanila. Lalo na sa mga probinsya na ginagawa silang katatawanan at minsan sinasaktan pa.

Noong bata pa lang ako, ang alam ko ay may Bakla at Tomboy lang. Meron kasing mga bakla sa amin na nanggugupit ng buhok, nagtitinda ng mga kakanin at gulay. At may mga tomboy na astig kung kumilos at may girlfriend pa na kasama sa bahay nila.

Nang mag-abroad na ako, saka ko lang nalaman ang salitang Bisexual. Sila pala yung sinasabi nilang A/C D/C, doble kara or double blade. Naririnig ko lang kasi yun noon sa mga kuwento na may ganun nga raw. Hindi ko naman naiintindihan na sila yung puwedeng magmahal o magkagusto sa kapwa lalake at sa opposite sex.

May ka roommate kasi ako noon na Pinoy na huli ko na lang nalaman na isa palang member ng Bi. Dahil nga sa hindi ko alam ang ibig sabihin noon, hindi ko rin alam kong paano sila kumilos. Hindi gaya ng Bakla o Tomboy na kilos at pananalita ay alam mo na.

Si Tom ay tiga Bulacan at parehas kaming nasa hotel nagwo-work, isa siyang waiter. Dahil magka-roommate kami ay kailangan naming mag-usap tungkol sa mga bagay bagay. Parehas kaming binata noon at wala siyang GF samantalang ako ay nasa Pinas ang GF ko. Parehas din kaming tumutulong sa pamilya at maraming pangarap sa buhay.

Magaan naman ang loob ko ke Tom dahil mabait naman siya at marami kaming mga bagay na kumbaga ay compatible para sa magka roommate. Matangkad siya sa 5’8 na height at ako ay 5’6. Madalas nasa baskeball court siya kapag off duty na o kaya walang pasok. Mas marunong pa nga siya mag basketbol sa akin.

Pagdating naman sa chicks ay di rin papahuli si Tom. Bago pa lang kami ay may mga chicks na nagpaparamdam sa kanya at karamihan ay doon na natutulog sa amin. Ako naman palibhasa may GF sa Pinas kaya nagpipigil na magkaroon ng ibang karelasyon. Wala naman akong problema kapag may umuuwi o inuuwi siyang babae sa aming kwarto. Sabi ko nga kung lalaki siguro ang inuuwi niya, eh may problema.

Hanggang sa maka isang taon na kami sa company ay doon ko na realized na Bi nga siya. Noong una hindi ko pinapansin dahil akala ko yung mga boys na nagpupunta sa amin ay mga friends niya kasi karamihan tiga same company lang din naman at karamihan ay mga ibang lahi. Inuman, kainan, kwentuhan, kantahan, harutan o biruan. At kasama naman ako minsan sa ganitong set up kasi nga nasa parehong room lang kami.

Minsan isang madaling araw nagising ako para umihi. Dahil kita ko ang kama ni Tom sa kabilang side dahil hindi kami naglalagay ng divider, napansin kong may katabi siya. Sa isip ko nag-uuwi na naman si chickboy ng babes! ‘Di ko na sana mapansin nang after ko umihi ay bumangon ang katabi niya dahil naiihi rin. Isang naka boxer shorts lang na lalaki at walang pang itaas na saplot. Isa sa mga kasamahan niyang waiter na ibang lahi. Di naman ako nag-isip ng kung ano dahil baka nakitulog lang naman.

Kinabukasan habang kumakain kami ng breakfast ay nabanggit niya na nakitulog nga raw ang kasamahan niyang Jordanian sa kuwarto namin kasi sira ang aircon ng kuwarto nito. Ang ka-roommate nga raw nito ay sa ibang kuwarto rin nakitulog.

Sabi ko, ok lang naman yun at biniro ko pa siya na akala ko chicks  ang katabi niya, yun pala si Pogi! Tawanan lang naman kami at parang walang nangyari.

Pero naulit ang pagtulog ni Pogi sa kuwarto namin katabi niya ng isang linggo, isang buwan hanggang tatlong buwan. Nang tinanong ko si Tom tungkol dito ay pabiro niyang sinabi na gusto niya raw matulog na si Tom ang katabi. At gusto rin naman ni Tom na katabi si Pogi.

Doon na ako nagsimulang magtanong sa sarili ko. What’s happening? Hindi ba nakakailang na lalaki ang katabi mo, naka brief lang minsan at nasa isang single bed kayo at iisang kumot at naka-full palagi ang aircon? Malamang sa malamang ay kayakap ka niya o kayakap mo siya dahil baka malaglag kayo sa kama. At pag nag good morning si Manoy, paano?

Siguro ay napansin ni Tom na parang may mga gusto akong itanong sa kaniya about sa kanila ni Pogi kaya minsan inaya niya akong uminom. Siguro pampalakas ng loob niya. Nakailang tagay palang kami ay nag umpisa na siyang magkuwento. Bi nga raw siya at nitong nasa abroad na siya saka pa lang niya na-confirm. Nagkakagusto siya sa kapwa lalaki at sa opposite sex o babae.

Noong una raw ay hindi niya ito pinansin dahil akala niya ay gusto niya si Pogi bilang kapatid o bespren. Nang gabi raw na iyon na tumabi si Pogi sa pagtulog niya ay iba ang pakiramdam niya. Iba ang kabog ng dibdib na parang masaya at katabi mo ang lalaking gusto mo. Wat da? Pero hindi raw si Pogi ang una niyang gusto. Isang Pinoy na kasama namin sa paglalaro ng basketbol ay gusto niya rin, pero pinigil niya ang sarili at baka mapahiya pa raw siya. Madami siyang naikuwento sa akin tungkol sa kanila ni Pogi, pero hindi ko na idedetalye basta alam ninyo na yun! Yung ginagawa ng mag-jowa ay ganun din ang ginagawa nila!

Hindi ko naman siya nilo-look down or hindi naman bumaba ang tingin ko sa kanya. Sabi ko na lang, ganyan ka eh what to do? Kung kaya mo pang baguhin ang sarili mo, gawin mo. Pero kung gusto mong maging ganyan ka, panindigan mo. At maging handa ka sa sasabihin ng iba. Masasaktan ka I’m sure, pero kung dyan ka happy, go lang!

Naitanong ko pa sa kanya kung ako ay pinagnanasaan niya. Kasi siyempre sa isang kuwarto na puro kayo lalaki, walang malisya kahit hubo’t hubad ka eh go lang. Ganun kasi ako minsan lalo na pag nagmamadali paglabas ng banyo, wala akong paki if nakahubad lang ako. Ang sabi ng loko, yummy mo nga eh! Kaya lang, di tayo talo, baka awayin mo ako!

Naging matalik pa kaming magkaibigan ni Tom – friends without benefits! Hanggang sa ako ay lumipat na ng ibang apartment dahil nang mapromote ako ay single na ang room ko. Pero nagkikita at nag-uusap pa rin naman kami.

Minsan jamming sa inuman at nakaisang taon rin sila ni Pogi. Iilan pa rin lang ang nakakaalam na Bi si Tom dahil minsan nakikipag-date siya sa mga babae. Sabi ko nga sa kanya hangga’t wala siyang sinasaktan na tao o inaagrabyado, walang masama sa kung ano pa man ang maging preference mo, either Gay, Bi o Lesbian.

 

About Tonyo

OFW from UAE who wants to share life experiences while working abroad.I hope I will be an inspiration sa mga readers.