Ang Pinoy Na Matigas Ang Ulo

bawal umihi dito

Bakit tayo bumababa at sumasakay, nagbababa at nagsasakay sa mga no loading and unloading area? Bakit tayo tumatawid sa ilalim ng overpass kahit may malaking babala na nagsasabing may namatay na rito? Bakit tayo nagtatapon ng basura kahit may paalala na bawal magtapon ng basura rito? At mas lalong bakit tayo umiihi kahit may nakasulat ng ‘Ang umihi, putol t*t*’?

bawal umihi dito

Sadya nga bang matigas ang ulo nating mga Pilipino? O trip lang natin na kalabanin ang mga batas ng lipunan para matawag na ASTIG?

Pero teka, ‘astig’ nga bang maituturing ang mga taong pilit na pinatutunayan sa sariling masarap gawin ang bawal? Nakakabilib ba ang lakas ng loob natin sa pagsuway sa mga payak na alintuntunin na madali lang namang gawin? Marahil nararapat lamang na tawagin tayong mangmang.

Mahirap ba talagang maglakad ng ilang minuto para sumakay at bumaba sa mga tamang sakayan at babaan? Nakakapagod ba talagang umakyat sa overpass para tumawid kaya nakikipagpatintero na lamang tayo sa mga mabibilis na sasakyan? Nakakatamad bang ilagay sa bulsa o hawakan muna ang kalat hanggang sa may mahanap na basurahan? At nakakamangha bang makakita ng asong umiihi sa mga pampublikong pader kaya dapat gayahin rin ng tao?

Kung ang mga simpleng ordinansang tulad ng mga nabanggit ay hindi natin kayang sundin, paano pa kaya ang mga nakapaloob sa ating Saligang Batas? Tapos tanong tayo ng tanong kung bakit walang kaayusan at katahimikan sa ating bansa.

Hindi lang ba natin nauunawaan na ang mga kautusang ito ay ginawa hindi para pahirapan at pagurin tayo kundi para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat isa sa atin? O baka naman tamad lang talaga tayo kaya hilig nating maghanap ng shortcut?

Ilang beses na ba tayong na-late dahil sa mabagal na daloy ng trapiko? Ilang beses na ba tayong nakasaksi ng nasagasaan dahil tumawid sa maling lugar? Ilang beses na bang nagbaha na kumitil sa buhay ng daan-daan nating kababayan dahil sa mga baradong estero at kanal? Ilang beses na ba nating pinigilan ang paghinga pansamantala para maiwasang malanghap ang di kanais-nais na simoy ng hangin?

Pero paano nga ba tayo susunod kung kulang tayo sa mga matitinong opisyal na magpapatupad sana ng mga batas na ito? Mga lider na sila mismo ang pasimunong lumabag ngunit hindi naparurusahan.

Hanggang kailan ba natin idadahilan na hindi naman lahat ng Pilipino ay tamad, walang disiplina at respeto para sa bayan? Oo nga’t may mangilan-ngilan pa rin namang masisikap na may malasakit at pagmamahal sa bansa. Pero ano ang ginagawa ng nakararami?

Sa siyamnapung milyong Pilipino, ilan na lamang ba ang nagtatiyagang tahakin ang matuwid na daan?

Photo credit: coolokohan.blogspot.com

About WithLoveAriane

I am 24 years of age and a nurse by profession. Weblog has been my outlet for self-expression. I started way back in 2007. It is not the minutiae of my everyday life. Rather, a portal that opens up my thoughts and feelings to my trusty friends - my multiply contacts. It gives me voice to things I am not prepared to say to someone's face. And for years of blogging, I realized that 95% of my entries were written in English. So I thought of this - making a public blog account - a hundred times. I am not sure the world would probably want to hear what I’ve got to say. But I really do love expressing myself through writing and I believe I still have a lot to say - in my native language. With Love, Ariane
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!