Ang Pinakamakulit Mong Manliligaw ay Ako

Photo Credit: Getty images picture
Photo Credit: Getty images picture
Photo Credit: Getty images picture

Marami  na tayong pinagdaanan. Halos lahat na ata ng sakit ay ibinigay mo na. Sinumpa kita, kinalimutan, at sinuway. Pero gumigising pa rin akong ikaw ang aking tinatawag. Lagi mo pinapaalala sa akin na bumalik sa iyo. Ako na yatang pinakamatigas na taong nakilala mo. Sa bawat sinasaktan kita andoon ka parin laging umaasang babalik  ako at hihingi  ng tawad. Nahihiya na nga ako kasi lagi mo na lang akong binibigyan ng pagkakataon. Halos lahat sa buhay ko  na hiniling ng iba na sana mayroon sila ay nasa akin na. Ibinigay mo rin ang suporta at pagmamahal mo sa mga mahal ko sa buhay. Masyado akong makasarili para maramdaman kong maswerte na akong naturingan. Sapagkat andito na sa akin lahat.

Hingi ako ng hingi ng tawad pero di ko naman pinaninindigan ang aking mga salita. Sa kabila nito, ang pagmamahal mo ang bumubuhay sa akin na lumaban sa buhay. Hindi mo alam na sa bawat leksyong itinuro mo ay lalo ako nagiging matapang at malakas upang ganap kong matanggap ang mga pangyayaring hindi ko na maibabalik. Itinuro mo sa akin ang landas ng kabutihan. Ito ay aking malaking utang na loob sapagkat ako ay nakakaramdam ng pagmamahal at patuloy ako nagmamahal sa lahat. Tinuruan mo akong umibig sa iba at nabigo. Hayun, iyakan at takbuhan kita. Sabi mo lagi may mga rason kung bakit nangyari ‘yan. Lagi akong nagigising na nasa tabi ko ay ikaw at nadarama ang pagmamahal mo ng wagas. Wala na yatang kapatawaran ang ginawa ko sa isang taong minahal ko nang dahil lamang sa mga isip-bata kong mga gawi at nasaktan ko siya nang ako ay nagkunwaring  may nakilala akong iba. Pero sa totoo, siya lamang ang aking minahal at wala na akong liningon na iba.

Nagalit ka sa akin at ako ay iyong sinermunan. Pinayuhan mo pa nga akong ayusin at gawing tama ang ginawa ko. Ginawa ko naman ang payo mo ha. Wala nga akong pinagsisihan sa pagsabi ko ng lahat ng nararamdaman ko kahit siya na yata ang “small but terrible” kong mahal.  Sapagkat, naniniwala akong ang pagmamahal ay hindi dapat limited edition. Ibinigay ko ang lahat ng gusto kong sabihin upang bigyan niya ako ng pangalawang pagkakataon. Salbahe talaga ako. Paano na ‘yan, siya lang mahal ko? Napatanong tuloy ako sa sarili ko. Kaya hayun, sangkatutak na iyak at full force na suportang hiningi ko sa iyo, sa pamilya, at aking mga kaibigan. Lahat ng mga Scriptures o mga words of wisdom binasa ko upang gumaan ang aking pakiramdam. Ginising ako ng mga salita mo mula sa aking pamilya at kaibigan. Na kung mahal ka talaga niya at seryoso siya, handa ka niyang pakinggan at siya ay babalik saiyo.  Nakukulitan ka na nga sa akin sa mga hiniling kong chances  na baka matulungan mo ako sa kanya. Ang lakas ng tawa mo sa mga pakiusap ko na nakatatawa. Kung alam lamang ng lalaking iyon ang nawala sa kanya.

Hay buhay na malunggay! Gisahin ko man lahat, ang tanging payo mo sa akinay  ang leksyon ng buhay  na pagtanggap at patuloy na pakikibaka sa buhay. Baka sa dulo maawa ka na at saktong hiling ko ay ibibigay mo na iyon na siya na lang ang kulang sa buhay ko. Pero, kung hindi naman o siya sige patandaan na kung ‘yan ang bigay mo. Thy will  be done ang drama ko.  Ako na yata ang pinakamakulit mong manliligaw sa araw-araw sa bahay mo.  ‘Di ko naman hiniling na ibigay mo ang  lahat eh basta maging masaya lang. Salamat sa pakikinig na naman sa akin, Papa God. Bukas, gagawin ko naman magpatuloy ng buhay pero salamat sa pagbigay mo sa akin ng biyaya na minsan may  minahal at nagmahal ako. Hanggang sa muli.

About Ming

Do NOT follow this link or you will be banned from the site!