Ang Patok na Gamot sa Mabahong Putok

Photo Credit: health.howstuffworks.com
Photo Credit: health.howstuffworks.com
Photo Credit: health.howstuffworks.com

Rush hour noon, kaya kahit alam kong standing position sa bus na papuntang Bulacan ay sumakay na ako. Ang sikip-sikip talaga, skin to skin kami. Napatingin ako sa bandang likuran ko at nakita kong may isang lalaki na maluwag at maraming espasyo ang kinatatayuan. Kapansin-pansin na walang dumidikit sa kaniya. Nakakapit siya sa railing na nakataas ang dalawang kamay. Naisip ko, bakit kaya walang tumatabi sa kaniya ay napakapapabol niya he he. Guwapo siya, parang Aga Mulach. Unti-unti akong naglakad patungo sa direksiyon niya.

Naglaro sa isip ko na kaya siguro hindi tumatabi sa kaniya ang mga dalagang malapit sa kaniya ay baka magselos ang mga diyowa nila. Malakas talaga ang dating ng lalaki. Kung wala lang akong asawa tatanungin ko kung binata pa siya he he.

At nakarating ako sa tabi niya, doon ay malaki ang espasyo namin sa isa’t-isa. Naku po! At umalingasaw sa aking ilong ang kakaibang samyo. Malakas pala ang putok ng lalaking poging ito. Anak ng tipaklong, kaya pala ayaw tumabi sa kaniya ang sinuman, may itinatago palang under arm alarm. Puwe! Hindi ako nakatiis, pakiramdam ko ay sasamaan ako ng pakiramdam. Nahilo ako at parang masusuka sa nakababalasing na anghit ni pogi.

Pag-usapan naman po natin ngayon ang tungkol sa mabahong amoy sa kili-kili. Tinatawag din itong anghit, pasabog at putok. Naniniwala naman ako na lahat ng tao kapag napabayaan ang paglilinis ng katawan ay maaring magkaroon ng hindi kanais-nais na amoy. Ngunit kakaiba ang amoy sa kili-kili, minsan ang amoy nito ay maihahalintulad sa chicken curry, hinog na bayabas o dahon ng duhat. Nakasusulasok ito at nakakasuka.

Mahalaga na magamot ang mabahong anghit dahil kapag patuloy na naging kalagayan natin ito ay maaapektuhan ang ating social life ‘ika nga. Maari tayong iwasan ng mga tao, maging object of jokes at maging katawa-tawa sa paningin ng madla.

Ano ba ang amoy sa Kili-kili?
Sa katunayan, kapag teenager na tayo ay nagiging aktibo ang ating mga hormones. Kaya nga, hindi ito problema ng mga bata pa. Nagsisimula ito sa pamamawis ng kili-kili at pamaya-maya ay magkakaroon na nga ng hindi kanais-nais na amoy.Hindi naman lahat ng pawis sa katawan ay mabaho, ang may sala rito ay ang mga bakteriya. Sa atin kasing kili-kili ay may tinatawag na “apocrinesweat glands” gusto ng mga bakteryang tirhan ang mamasa-masang lugar gaya ng kili-kili at mga singit. Doon tumitira at kumakain ang mga bakteryang ito at ang resulta ay mabahong pawis o anghit, na tinatawag sa ingles na “bromhidrosis.”

Ngayon pag-usapan natin kung paano ito magagamot at maiiwasan!

Narito ang Hit na Gamot sa Anghit he he

Una, awareness, kailangang malaman natin kung tayo ba ay may amoy. Ang ibang tao raw kasi ay nangangamoy ng hindi nila nalalaman. Nababahuan na pala ang mga tao ay hindi nila batid. Maaring amuyin ang mga kili-kili lalo na at pawisan ka. Maari ding magtanong sa taong napagkakatiwalaan mo kung may naaamoy na sa iyo.

Pangalawa. Iwasan ang panghihiram ng mga damit. Kaya kumakalat ang anghit dahil sa hiraman ng damit. Kapag nakahiram ka ng damit sa may anghit maari ka ring mahawahan nito. Tandaan na nakahahawa ang putok he he.

Pangatlo, Ugaliin ang paliligo. Minsan nga kapag mainit ang panahon dapat maligo nang mga dalawang beses sa isang araw. Huwag na ring ulitin ang mga damit na naisuot na o iyong tinatawag na recycle clothes.Dapat fresh o bagong labang damit ang gamitin pagkatapos maligo. Huwag ding ibilad sa araw ang mga damit na nagamit na o hindi pa nalalabhan.Sa paliligo, sikaping sabunang mabuti at kuskusin ang magkabilang kili-kili. Kung may problema rin sa singit ay sabunan na rin itong mabuti.Maari ding mag-apply ng herbal medicine. Bago maligo ay lagyan ito ng katas ng kalamansi o baking soda, pagtagalin ito ng mga ilang Segundo. Maari ding suka. Huwag ikuskos ang kalamansi at baka magsugat ang kili-kili.

Pang-apat, kailangang pagbutihin ang paglalaba ng mga damit. Kung mga pinutian ito ay maaring lagyan ng suka ang tapat ng mga kili-kili para mamatay ang bakterya at mawala ang amoy dito. Kung sa de color, labhang mabuti ang tapat ng mga kili-kili, huwag lagyan ng suka at baka kumupas. Ibilad ang mga damit sa matinding sikat ng araw.

Panglima, gumamit ng dodorant na hiyang sa iyo. Bahala ka nang mamili sa pamilihan. Mas maganda iyong hindi masyadong mabango. Napansin ko kasi na ang ibang deodorant ay matindi ang amoy; napakabango na nanunuot sa ilong. Marahil para paglabanan ang bantot. Tingnan ang may anti-perspirant o iyon bang pinipigil ang pamamawis nito. Kapag tuyo ang kili-kili ay hindi ito titirhan ng bakteriya.

Pang-anim, mas makabubuting ang ating mga damit ay cotton o wool. Maganda kasi ang sirkulasyong ng hangin kapag ganito ang mga damit. Iwasan ang telang seda.

Pangpito, ahitin ang mga balahibo sa kili-kili lalo na sa mga babae. Maari kasing ma-trap ang pawis at bakteria sa mga balahibo. Sa mga lalaki he he, mas mukhang manly tingnan kung may buhok sa kili-kili, pero bahala na kayo kung ano ang mas mabuti at makatatanggal ng anghit ninyo.

Pangwalo, Sikapin na maging kalmado. Kapag stressed kasi ang isang tao ay mas lalo siya pagpapawisan. Magiging dahilan ito ng mabahong amoy. Sikaping gawin nang mas maaga ang mga requirements para hindi mag-aligaga. Kapag ninenerbiyos ka ay huminga nang malalim at ikalma ang sarili.

Pang-siyam, iwasan ang matatabang pagkain at mga maaanghang tulad ng sibuyas, bawang at sili. Isama na rin ang ibang mga pampalasa. Limitahan din ang pagkain ng karne.

Pangsampu, kung talagang hindi ito mapigilan. Pumunta sa Doktor. Dermatologist o Endocrinologist, alam nila kung ano ang makabubuti sa atin.

Sana makatulong ito, God bless.

About shallom

Simpleng tao,sana magustuhan n'yo at may mapulot kayo sa mga akda ko.Masaya na po ako kapag nakikita ang inyong mga komento. Salamat po.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!