“Ang Padlock na Gawa sa IQ”

passwordMeron akong ‘mga’ password na halos lahat e hindi ko memorized. Sinabi kong ‘mga’ dahil bukod sa mga social media accounts, government chuchu at samu’t saring e-mails, meron pa kong ilang transaction na work related, at nangangailangan din ng password (sa mga kapwa ko BPO agents, alam kong na-gets n’yo ang dilemma ko!). At isa na nga yan sa sumusubok sa IQ ko, buwan-buwan. Automatic na kumukunot ang noo ko pag nababasa ko ang linyang “Your password has expired…”. No choice, kahit maglulupasay man ako sa badtrip, mandatory na magpalit ng password.

Isang malaking challenge para sa’ken ang pag-iisip ng password. Yung unique. Yung hindi naman gano mahaba at maikli, madaling tandaan at hindi nakakahingal i-type. Kadalasang nili-link ko ang clue o hint nito sa mismong pangalan ng application/software para mas madaling tandaan. Pero dahil ang technology sa ngayon e medyo maarte na rin at may ‘trust issue’, hindi na sapat ang puro alphabet content lang. Nire-required na rin na dapat may numero at symbols. Noon nga e dapat hindi bababa sa anim o pitong character ang password. Ngayon, dapat mala-jejemon na ang spelling at kelangang merong upper at lower case ang mga characters.

Problema ko talaga yan. Sakit sa ulo. Mahina kasi ang memory ko pagdating sa pagkabi-kabisado ng mga salitang pinag-isipan at kinainit ng ulo. Alam mo ba yung eksenang nakaisip ka na ng password sa utak mo, pero tatanggihan ka ng system dahil sa “PASSWORD MUST CONTAIN BLAH BLAH BLAH…” o kaya “PASSWORD IS ALREADY IN USE…”??? Pusang gala, sa milyon-milyong umiisip ng unique na password, nagkakaron din pala ng chance na maging pareho ang naisip ng estrangherong utak? Pareho din kaya ang problema nila ng mga panahong yun?

Isang araw na-badtrip ako kakaisip ng password. Feeling ko kasi 128mb na lang ang memory ko kaya medyo nag-panic ako. Sa sobrang inis ko nga nun, pinalitan ko lahat ng password ko at pinag-isa ko silang lahat. As in lahat. One password to rule them all! Pero di rin umubra. Pagkalipas ng buwan: “You must change your password blah blah blah…”

Tagilid talaga ako pagdating sa memorization kaya hassle sa’ken ang pagkakabisa ng iba-ibang password. Nung nag-aaral pa ko, hindi tumatalab sa’ken ang overnight review tuwing may exam dahil paniguradong makakalimutan ko rin naman kinabukasan. Last minute review puwede pa, pero walang assurance na matatandaan ko nga yung binasa kong notes, na ewan kung bakit hindi ko mabasa kahit sariling penmanship ko naman ang ginamit. Maniwala ka man sa hindi, mismong cellphone number ko e hindi ko makabisado. Ganyan kabagal ang processor ng utak ko pagdating sa memorization. Buti na lang talaga, pinaalalahanan ako ng prof ko noon sa logic na “a good memory is not a sign of wisdom”. Kabisado ko yun hanggang ngayon. Pinapaalala kasi sa’ken nun na hindi mo kelangang kabisaduhin ang maraming bagay para masabing may common sense ka.

Balik tayo sa password.

Nitong mga nakalipas na buwan e naisipan kong lagyan ng security lock ang cellphone ko para mag-ala-James Bond ang personality ko kahit paminsan-minsan. Gaya ng pag-iisip ng password, parusa din ang pag-iisip ng kakaibang pattern o PIN. Ayokong isipin na darating ang araw na mawawala o maglalaho na lang bigla ang cellphone ko, pero bilang pag-iingat na rin sa personal information e naisipan kong makiuso sa paglalagay nga ng seguridad sa sariling telepono. Prevention is better than apple a day. Okey na rin siguro para makaiwas sa mga nagpa-power tripping na parang sinapian ng mga paparazzi at kapitbahay na tsismoso’t tsismosa.

Ang galing ng naka-isip ng idea ng password. Pinipigilan kasi nito ang mga abusado at pakelemera sa mga trip nilang nakaka-badtrip. Malaking tulong ito para maitago ang individual identity at privacy ng bawat isa, lalo na sa panahon ngayon na kayang-kaya ng i-manipulate ang pagkatao gamit ang ilang pindot at masamang balak. Pinananatili nito ang kanya-kanyang sikreto, mapa-privacy man o conspiracy. Kahit mismong mga higanteng agencies nga sa buong mundo, naniniwala sa kapangyarihan ng password.

Ano kaya ang pumasok sa kokote ng nakaisip nito at kelangan niya pang umisip ng ibang paraan para sa dagdag na security? Dahil ba sa trust issues? Ka-weird-duhan? Originality? Sobrang lupit na secrecy? Alien code? O baka naman…

(Click here to continue reading…)

About Juan Mandaraya

Dating gitarista ng iba-ibang banda. Nagdo-drawing kapag bagot sa trabaho at walang internet. Nagbabasa ng libro para antukin at para masabing nagbabasa din. Sabik sa tulog, adik sa kape at fried chicken. Nagsusulat dahil...hindi niya rin alam. Triip lang.
Do NOT follow this link or you will be banned from the site!